Kabiguan ng Pag-Ibig
Kasi nabigo akong tuklasin ang katotohanang hindi mo naman pala talaga ako minahal.
Nabigo akong alamin ang totoo na wala ka naman pala talagang gusto sakin.
Nabulag ako sa ilusyon ng Pag-ibig.
Akala ko mahal mo rin ako. Akala ko lang pala 'yon...
Kailan ba nagsimula? Walang eksaktong oras kung kailan. Pero isa lang ang alam ko. Sa mga oras na 'yon, mahal na kita. Nung una, hindi ko gusto kasi tinutulak pa kita sa kaibigan ko. Tropa pa nga tayo eh. May patapik tapik pa tayo ng kamay na nalalaman. Pero di kalaunan ay nagsimula ng tumibok ang puso ko para sa'yo.
Aaminin ko, hindi ikaw 'yong tipo ng gwapo na maraming nagkakagusto pero may kakaiba sa'yo na tila pumukaw sa aking diwa. Ikaw 'yong tipo na misteryoso pero kaya pa ring makipagkaibigan sa iba. Hindi ka ganoon katalino, hindi ka sobrang bait pero ikaw 'yong napili ko. Tanga no?
Alam kong gusto na kita, kaya naman sinabi ko sa mga kaibigan ko. Mapagkakatiwalaan sila pero nalaman ng isa sa mga kaibigan mo, hanggang sa nalaman na nang iba, hanggang sa nalaman mo na. Sa mga oras na iyon, hindi ko alam kung anong gagawin, kung anong sasabihin, kung paano ako gagalaw. Sobrang ingat ako sa mga kilos ko dahil natatakot ako. Hindi ko nga alam kung bakit ako natatakot eh. Alam mo naman na.
Nagsimula nang magbago ang pakikitungo mo sa akin. Unti unti ng lumalamig. Unti unti ka nang lumalayo. Habang tinutukso tayo, nararamdaman kong parang ayaw mo. Nakakausap ko ang mga kaibigan mo. Naging kaibigan ko na rin sila. Tinutulak nila ako sa'yo at tinutulak ka rin nila sakin. Pero ako lang ata ang nahulog.
Nahulog ako sa bitag ng iyong puso at pagkatao. Hindi ko maiwasang mainis o mag-selos kapag may kasama kang iba. Minsan nga, naiinggit ako sa kanila eh. Kasi sila, nabibigyan mo nang atensyon. Buti pa sila. Kung hindi mo kaya nalaman na gusto kita, magiging close kaya tayo? Siguro oo.
Isa akong club officer noon. Naatasan akong magbantay sa mga gumagawa ng poster at slogan. Gustong gusto ko nang umalis kasi gusto kitang makita. Isang minutong hindi kita makita para katumbas na nang ilang buwan iyon. Kaya naman, ginawa ko lahat ng excuse na magagawa ko para makapunta sa classroom natin. Sinabi kong magbabanyo ako, sinabi kong may kukunin ako sa bag ko, sinabi ko na lahat para lang masilayan ka sa mga oras na iyon.
Nakita kita. Nakita kitang may kasamang ibang babae at nakikita kong napapasaya ka niya. Tila ilang milyong karayom ang tumusok sa puso ko sa mga nasaksihan ko sa mga oras na iyon. Inisip ko na baka wala talaga. Wala tayong pag-asa.
Sa simbahan. Sa mga oras na nagkukumpisal tayo. Tinatanong ka nila kung ayaw mo ba sa akin o gusto. Doon. Doon mo sinabi na may pag-asa tayo. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o ano. Pero labis labis na tuwa at kilig ang naramdaman ko noon.
Hanggang sa tinanong ko nang mga kaibigan ko kung totoo bang may pag-asa tayo. Ang sinagot mo, hindi totoo kasi pressured ka. In short, napilitan ka lang. Akala ko totoo na. Napaasa lang pala ako ng isang kasinungalungan.
Unti-unting tumulo ang mga luha ko noon. Sobrang sakit ng naramdaman ko. Ni ayaw kitang makita. Presensya mo pa lang, pinaghalong kaba, takot at sakit na 'yong nararamdaman ko. Sana sinabi mo na lang na wala kaysa nagsinungaling ka. Umasa kasi ako eh. Umasa ako. Hindi mo kasi alam kung gaano kasakit ' yon sa part ko na sinabi mong napilitan ka lang. Kung magpalit kaya tayo ng lugar, ako naman 'yong magpapaasa sa'yo diba? Hindi mo man lang ba naisip na masasaktan ako? Sa bagay, paano mo ba naman kasi maiisip 'yon? eh balewala lang naman kasi ako sa'yo.
Bawat pagpatak ng luha ko ay sabay na bumuhos ang ulan. Hindi ko alam kung nananadya ba o sadyang nagkataon lang? Unti-unti kong naramdaman ang pagkawasak ng puso ko. Literal na pagkawasak. Posible pala 'yon. Yung mararamdaman mo na lang na unti unti kang nasisira ng dahil sa ibang tao.