Sana, nag umpisa lahat sa sa sana. Nagumpisa lahat sa pagbabasakali na baka ikaw na nga. Sana ikaw na ang magaahon sa akin sa lugar na aking kinasasadlakan. Sana hindi ako masaktan sa pagtatanong ng sana.
Kalaunan ang sana ay naging siguro. Siguro seryoso ka. Siguro ako rin ay mahalaga. Siguro, siguro, siguro mahal mo rin ako, Siguro.
Bawat pagtatanong ay may kaakibat na pagkahulog. Bawat sulyap bawat kilos ay nagsasabing mahal mo ako. Bawat ngiti at himig ay bumubulong na ikaw ang taong ihaharap ko sa altar.balang araw ikaw ang tatawagin kong asawa.
Nagtatanong ako kung dapat bang maniwala. Nararapat bang magbakasakali. Ako ba'y bibitiw at hahayang mahulog ang sarili o ako ba'y magmamatigas at pipiliting umakyat sa tako t na sa huli ay baka ako'y bumagsak sa masakit na paglagapak. magbabakasakali ba ang puso kong wasak na baka sa pagkakataong ito ay hindi na luha ang papatak kundi mamumutawi na ang mga halakhak.
Nagbakasakali ako. Hinayaan kong mahulog ang sarili ko. Tinibag ko ang mga pader na nakapalibot sa aking mundo. Inalis ko ang ang armas ko. Hinayaan kitang makapasok sa mundo ko. Hinayaan ko ang sarili ko na magkaroon muli ng kahinaan. Lumabas ako ng huwad ipinakita ko ang sarili kong dati'y nagtatago. Ngunit Nagkamali ako dapat nanatili na lang ako sa pagkakatago. Sapagkat ako ngayon ay ay nagdurugo.
Nalilito, naguguluhan kung alin ang totoo. Ang sabi mo'y ako lang pero ilan nga ba kaming "kami lang"
Ngayon ako'y nagbabalik sa sana. Sa sana kung saan nagsimula. Sana hindi na lang kita nakilala. Sana iniwasan kita. sana hindi ako naniwala. Sana hindi ko pinakinggan ang tunog ng boses mo habang nagigitara. Sana di ako naniwala. At sana makalimutan na kita. Sana ang makaya ko ang sakit na hatid mo sa puso kong napana.