Prologue
May mga bagay tayo na palagi nating naitatanung sa ating sarili kung bakit ba laging nangyayari. Bakit kailangan dumanas ng hirap ng mga taong di naman karapat dapat sa kanilang nararanasan? Kailangan ba na sa tuwing tayo ay magmamahal, kalakip lagi nito ay kalungkutan? Ilang beses ba kailangan na magmahal at masaktan ng isang tao para lang matuto sa kanyang mga pinagdaanan? Paano ba nating mahahanap ang tao na karapat dapat sa atin at mamahalin natin hanggang sa huli? Kailan mo ba masasabi na nag-mahal ka nga?
Ilan lamang ito sa mga tanung tungkol sa isang emosyong nakakapagpalito sa ating lahat. Emosyong mula noon pa'y nadarama na. Pag-ibig, isang salitang hindi mawari ang kahulugan. Maaring gumamit ng diksyunaryo pero maari ring ikaw na ang magbigay ng sarili mong kahulugan base sa sarili mong karansan. Kailan ko nga ba unang naramdaman ang pag-ibig sa aking buhay hayaan ninyong ilahad ko ito.
May pag-ibig na dumarating sa maling panahon at pagkakataon. Sa oras na ito masaya ka at ngiti ang nakikita sa iyong mga labi, subalit sa paglipas ng sandal luha naman ang kapalit! Mahirap bang sabihin sa isang tao ang iyong tunay na nararamdaman sa una ninyong pagkikita? Kailangan ba na magkunwari para lang sa makuha mo ang hinahangad mong pagmamahal? Sa umpisa aminin natin na pisikal ang unang bagay kung bkit mo nagugustuhan ang isang tao, kasunod nito ay ang pag-uugali, ang kanyang common sense, ang kanyang pamamaraan! Sabi nila bakit mo pa patatagalin ang isang bagay kung dun din naman kayo patutungo.
Mahirap isipin at kalkulahin ang mga bagay na nasa ating isipan lalo na ang mga bagay na ating nararamdaman. Mata ang nakakakita pero puso ang nakadarama. Sundin daw ang puso at hinding hindi ka nito ililigaw. Pero ang katanungan, susundin mo pa din ba ang tinitibok ng puso mo kung ang isip mo ay bumubulong na tama na, at masakit na. Sakripisyo, unang kataga na bumabalot sa salitang pag-ibig. Sakripisyo na handang isuko ang lahat para lang maramdaman ang ninanais, sakripisyo na kadalasan ay sumisira din sa iyong pagkatao, sakripisyo na umuubos sa iyong pride. Hanggang kailan mo ipagpapatuloy na magsakripisyo para sa taong iyong minamahal? Hanggang kailan mo isasakripisyo ang iyong pagkatao para lang manatili sa iyo ang taong iyong minamahal?
Masakit, malungkot, nababalot ng poot at pasakit ang tunay na pagibig. Ganyan ang paraan ng tunay na pagmamahal. Noong bata tayo naalala n'yo ba yung una ninyong pagsakay sa isang bisikleta? May mga oras na ikaw ay nabubuwal at sa iyong pagkakabuwal ikaw ay tatayo at ipagpapatuloy ang pag-aaral ng pamimisikleta, may oras na humihinto ka para makakuha ng bwelo, nagpapatulong sa isang kaibigan para ikaw sa ano mang hirap na iyong dinaranas ay may kasama ka, at kadalasan tayo ay nasusugatan,may mababaw at may malalim na sugat. Sa pag-ibig kailangan ba ganun din? Kailangan mo pa ba na masaktan para matuto? Kailangan mo pa bang madapa ng ilang beses para masabing ikaw ay natuto na. Kailangan mo pa bang masugatan para lang maramdaman ang sakit na idinulot nito at magising sa katotohanan?.
Mahirap unawain, mahirap isabuhay, mahirap kalimutan, mahirap matuto, mahirap bumangon kung lugmok ka na sa sakit na iyong nararamdaman. Lahat tayo nagmahal at nagmamahal, sa ating pagmamaneho sa byahe ng buhay. Ang minsan na pagkakadapa ay sapat na, lakas ng loob, tiwala sa sarili, tapat ng pagmamahal, at dasal sa Poong Maykapal ang kailangan para makamit ang pagmamahal na ating minimithi sa buhay. Sadyang malaro ang buhay, maraming mga bagay sa isang hudyat lang ay maaaring magbago. Madali ang magmahal subalit ang mahirap ay ang makahanap ng tao na karapat dapat pagkalooban nito. At makasama sa habang buhay.
Walang permanenteng bagay sa mundo. Madaling magmahal subalit mahirap panghawakan, mahirap pangalagaan. Minsan natatapos na lang ang isang relasyon sa isang masaklap na kaganapan, dahil sa mga maling desisyon na ating ginawa at pinanghahawakan. Maraming pagbabago ang dumadating sa ating buhay, maraming mga tao ang ating nakakasalamuha, mas may lamang sa pisikal na aspeto, mas mayaman, mas edukado, mas may dating. Tao tayo at kasama tayo sa mga bagay na nakakaramdam ng pagbabago, halo-halong emosyon at damdamin. Minsan dahil sa kakulangan ng mga bagay ng iyong minamahal, natutukso ka na humanap ng tao na makakakitaan mo ng bagay na yun at sa sandaling makuha mo na ang bagay na iyon, isasantabi mo na lang at kakalimutan ang iyong minamahal dahil lamang sa ganoong kababaw na dahilan. Bakit di mo subukan na tingnan, suriin at damhin ang mga bagay na mayroon sa iyong minamahal, ang kanyang tapat na pagmamahal, pag-aalaga, tiwala, respeto sa iyo na kanyang ibinigay mula ng kayo ay nagkakilala. Dahil lang ba sa iilang bagay na kanyang pagkukulang ay iyo na basta mo na lang siyang iiwan?