Bakit? [CWC]

166 7 6
                                    

“Happy birthday bebs!” sigaw ng bestfriend kong si Sandy habang hawak ang isang bilugang chocolate cake na may dalawampu’t dalawang nakasinding maliliit na kandila.

Napangiti ako. Hindi ko inakala na sosorpresahin ako ng aking mga kaibigan at katrabaho. Kasalukuyan kaming kumakain ng dinner sa isang mamahaling restaurant malapit sa pinagtatrabahuhan kong kumpanya nang bigla na lang may inilabas na cake si Sandy. Matapos ipagsigawan ni Sandy na kaarawan ko ngayon ay bigla na lamang nagsikantahan ng birthday song ang mga waiter, iba pang customers at siyempre, ang aking mga kasama. Napatawa na lang ako ng bahagya habang nakayuko dahil sa atensyon na ipinupukaw nila sa akin. Nahihiya kasi ako.

“Blow your candles, Krizza! Make a wish,” sabi ni Ina, katrabaho ko sa firm na pinapasukan ko, matapos akong kantahan ng buong restaurant.

Ipinikit ko ang aking mga mata at humiling.

‘Lord, wish ko po na sana ay matagpuan ko na ang lalaking magpapatibok ng puso ko - yung lalaking mamahalin ko at mamahalin ako.’

Hindi naman sa nagmamadali akong magkanobyo. Sadyang hindi lang ako mapanatag dahil ni minsan ay di ko pa nararanasang umibig. Tinalo pa ako ng kapatid kong nasa high school na nakakadalawang boyfriend na. Twenty-two years old na ako at nagtatrabaho sa isang kumpanya. Masasabi ko na isa akong career woman at ayoko dumating sa punto na hindi na ako magkaka-social life dahil sa sobrang busy sa trabaho in the future kapag nagkataon.

Pagmulat ko ay nahagip ng aking bilugan at maiitim na mata ang isang lalaki. Matangkad siya, matipuno, chinito at hindi maikakaila ang kanyang napakagwapong mukha. Nagkatitigan kami at sa di malamang dahilan ay nagkangitian.

‘Lord, siya na ba yun? Ang bilis naman po ng gift delivery niyo. Salamat ha? Ang lakas ko po talaga sa inyo!’

Hinipan ko na ang mga kandila at nagpalakpakan ang lahat.

Ang panandaliang titigan at simpleng ngitian namin ng misteryosong lalaki na nakita ko sa restaurant ng gabing iyon ay nasundan ng date. Hindi lang isa o dalawa, kundi maraming beses pa. Nang mga panahong iyon ay abot langit ang saya ko. Sa unang pagkakataon, naramdaman ko na ang tinatawag nilang pag-ibig.

Minsan nga pakiramdam ko ay para kaming teenagers na nagliligawan. Lagi niya ako hinahatid sundo sa trabaho. Kumakaen kami sa labas. Madalas ay namamasyal, nagkekwentuhan at minsan naman ay nagtititigan lang. Hindi ko inakala na sa simpleng pag-upo at pakikipagtitigan sa buong maghapon ay makakaramdam ako ng happiness at contentment.

Hanggang sa dumating ang araw na tinanong niya ako ng “Will you be my girlfriend?” Hindi ako nakasagot nun. Tumango na lang ako at niyakap siya ng sobrang higpit. Speechless man ako ng mga oras na iyon ngunit sa loob ko ay nagsisisigaw at tumatambling na ako sa tuwa.

Matapos ang araw na iyon ay lalo pa kami naging masaya. May mga panahon na kami ay nag-aaway at nagkakatampuhan. Subukan man naming wag magkasakitan ay hindi pa rin namin tuluyang maiwasan. Sabi nga nila, love has its ups and downs. Hindi sa lahat ng oras ay puro na lang kasiyahan. Ngunit pagkatapos naman ng sakitan ay ang panunumbalik ng ngiti sa aming mga labi, saya sa aming mga puso at ang pagsusumamo namin sa isa’t isa.

Sa paglipas ng mga araw ay lalo naming nakilala ang isa’t isa. Natutunan namin ang mga good at bad sides naming dalawa. Nalaman din namin ang aming mga pagkakapareho at pagkakaiba pagdating sa pagkain, kulay, hobby, at pati na rin sa aming mga pananaw sa buhay.

Habang tumatagal ay lalo akong napapamahal sa kanya. Hindi dahil sa gwapo siya kundi dahil sa kabaitang taglay niya. Napakamaunawain niya pa, maalaga, mapagmahal at isang huwarang anak hindi lamang sa mga magulang niya pati na rin sa Poong Maykapal. Walang linggong lumipas na hindi niya ako niyayaya magsimba dahil dapat daw ay lagi kaming magpasalamat sa lahat ng biyayang natatamo namin at dapat ay nirerespeto daw namin ang ‘Sabbath Day’ ni Lord. Nakakatuwa dahil lahat na ata ng gusto ko sa isang lalaki ay nasa kanya na.

Bakit? [CWC]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon