PROLOGUE
January 31, 2009
Dito nagsimula ang lahat.
Sabado. Walang pasok ng mga araw na iyon sa isang taong katulad ko dahil isa pa lang akong 4th year high school student. Pero, may kailangan akong puntahan. Late na nga ako sa pupuntahan ko eh kaya dali-dali na akong kumain, naligo, nagbihis at umalis ng bahay para lang makaabot pa ako. Ay shet. May nakalimutan pa pala ako, yung entrance exams result sheet ko. Bumalik pa tuloy ako ng bahay at kinuha ko ito agad. Lumabas at naghanap na ako ng tricycle para mapabilis akong pumunta sa LRT.
Pagpunta ko ng LRT ay dali-dali na akong bumili ng ticket. Hayst. Ang haba pala ng pila. Kapag tinamaan ka nga naman ng kamalasan oh. Wala na akong magagawa, kundi pumila na lang. Nung ako na ang bibili ng ticket. Putik, paparating na yung tren. Malalaman mo naman yun sa tunog niya diba? Kaya ayun binayaraan ko na kaagad yung ticket papuntang Legarda. Tumakbo, pinasok yung ticket, kinuha, tumakbo ulit hanggang escalator, umakyat at pagpunta pala dun, tae, sa kabilang side pala yung tren. Pesteng buhay naman to oh, pinagod pa ako.
Habang hinihintay ko ang pagdating ng LRT ay todo pahid ng panyo ako sa aking mukha dahil tagaktak na ang aking pawis ko. Sa totoo lang, hindi naman talaga ako pupunta kung kinakailangan. Tamad ako. Pero importante talaga eh. Mawawalan ako ng papasukan sa kolehiyo kung hindi ko ito pupuntahan. Ito na nga lang ang napasa ko sa tatlong kinuhaan ko, hindi ko pa iga-grab diba? Pero, naisip ko din, first interview ko nga pala ito. Putsa, anu kaya itatanong nila. Pang-beauty pageant ba ang mga tanong dito? Tae, lalaki ako hindi ko naman pwedeng sabihin lagi sa tanong nila na “I believe that blah blah blah”. Ah basta, bahala na si Batman.
Dumating na ang tren na sasakyan ko. Pumasok at wala na akong mauupuan pa. Punuan. Malamang nasa pangatlong istasyon ka pa naman diba? Hindi ko alam kung bakit maraming tao pa rin sa LRT. Alam ko kasi kapag Sabado at hindi rush hour ay konti lang, pero iba ngayon, ang dami talaga. Tumayo ako malayo sa may pintuan dahil ayaw kong makipagsisiksikan dun. Ayaw kong mabangga ng mga taong pumapasok at lumalabas ng tren. At habang papunta sa istasyong Cubao, lumilipad na yung isip ko sa malayo.
Arriving at Legarda Station. Paparating na sa Legarda Station. Yes. After ng 20-30 minutes nasa Legarda na. Malapit na ako. Dali-dali akong sumingit sa may harapan ng pintuan. May napansin ako. Isang babae. Ang ganda niya. Talagang mapapansin mo siya sa karamihang nakaabang sa platform kahit nasa likod siya. Maputi, chinita, matangos ang ilong, at ibang aura ang kanyang kagandahan. Bumukas na ang pintuan. Ako yung unang lumabas ng pintuan. Pumunta ako malapit sa kanya para makita siya ng malapitan. Naka-plaids at nakamaong na shorts siya. May hawak din siyang extrance exams folder na katulad nung sa akin at isang panyong pink.
Hindi ko na namalayan na ang mga taong nasa likod ko ay tinutulak na ako. Nagkabangga tuloy kami. At siempre alam niyo na, nung nagkabanggaan kami may something diba? Yeah, actually. At dun ako napahinto kahit na binabangga na ako ng mga taong gusto nang umalis sa platform. Gusto kong tignan siya ulit kahit sa huling sandali na lang kaya lumingon ulit ako sa kanya sa tren at napansin ko na nakatitig din siya sa akin. Bigla tuloy akong umiwas ng tingin sa kanya at tumingin ako pababa sa sahig. Napansin ko may panyo. Kulay rosas. Iyon yung panyong hawak-hawak kanina. Teka, PANYONG HAWAK-HAWAK NIA?
Teet-teet-teet. Yan yung tunog ng pintuan ng tren na papasarado na. At saktong pagkakita ko nung panyo eh, sumasarado na yung tren. Dali-dali kong kinuha ang panyong iyon at tumakbo papunta sa tren. Kamalas ko talaga. Nasaraduhan na ako. Napatingin na lang ako sa kanya habang hawak-hawak ko ang panyo niya. Tumingin ako sa panyo at napansin ko may pangalan nakalagay doon. Ang pangalan nia ay…
“Faye,” ang sambit ko.