Kalye 45

25 1 0
                                    

Kung sa palagay mo ay narating mo na ang kasuluk-sulukan ng Maynila, nagkakamali ka. Sa kabila ng ipinagmamalaking industralisasyon at pag-unlad ay mayroon pang isang lugar na hindi pa naabot nito. Kung titingnan sa mapa, isa lamang itong kapirasong lupa sa duluhang bahagi ng Tondo. Ngunit ni minsan ay walang nag-angkin sa lugar na ito. Sinasabing hindi ito gaanong dinadaanan ng mga sasakyan dahil sa bukod sa hindi patag na kalsada, madilim at masukal pa. Ayon sa mga haka-haka, katulad daw ito ng Bermuda Triangle na kung saan misteryosong nawawala ang mga byaherong dumadaan dito. Kaya't sa takot na mga tao sa Kalye 45, wala ng nangangahas pang dumaan dito.

Ang Kalye 45 ay may populasyon na 20,000 lamang. Ang porsyento ng mga may edad na 60 pataas ay nasa 40% lamang at ang natitirang bahagi ay binubuo na ng mga mas nakababata. Ang mga kabahayan ay yari sa mga tinagpi-tagping plywood, may bubungang-lata at walang ikalawang palapag. Sa bawat bakuran ay may tumutubong mga gulay at prutas. May mga naligaw ding mga manukan at babuyan na kinakatay lamang nila sa mga espeyal na okasyon. Walang kuryente at tanging gasera lamang ang kanilang ginagamit sa gabi. Wala ka ring makikitang mga shopping mall o matataas na building, at tanging si Quen Li na galing sa Binondo ang naglakas ng loob na magtayo ng kaisa-isang sari-sari store sa Kalye 45. Halos lahat ng bagay na kailangan ng mga nakatira dito ay itinitinda nya. May pang-rekado, biskwit, candy, laruan, RTW, gamot, de-lata at bigas. Dahil sanay sa sariwang pagkain ang mga taga-Kalye 45, nang una niyang itininda ang mga de lata, nanibago ang mga ito. Namangha ang mga tao nung minsang i-demo niya ang pagbukas ng lata ng sardinas gamit ang can opener. Nagulat ang ilan at nagtaka kung paano nagkasya ang limang maliliit na isda dito. At lalo pa silang nagulat ng nalaman nila na ang karne ng baka ay nakakapuno rin ng latang maliit.

Kung maghahanap ka ng eskwelahan dito ay mabibigo ka. Wala ni isa sa kanila ang marunong bumasa o sumulat. Kahit pa si Kapitan Ramon Legaspi. Si Quen Li lang siguro, dahil ayon sa kanya, nagtapos daw siya ng hayskul sa Binondo. Pero duda ang lahat dahil minsan ay may dala siyang leaflet at hindi niya maipaliwanag ito. Kung sa pinagmulan ni Quen Li , walang nakakaalam kung paano siya napadpad sa Kalye 45. Sabi ng iba ay malamang na isa itong pugante na nagnakaw ng mga kalakal sakay ng kanyang kakarag-karag na motor. Ngunit dahil masiyahin si Quen Li, nawala na ang pagdududa sa kanya. Hindi mapagkakailang malaki ang naitulong ng taong ito sa Kalye 45.

Walang perang ginagamit sa pagbili ng kanyang mga paninda. Gamit ang barter system, kung ano ang mga bagay na sa tingin nila ay kailangan ng iba, iyon ang ipapalit nila sa isang kilong bigas o de lata. Ang isa pang kapansin-pansin sa lugar na ito ay ang kawalan ng simbahan at ospital. Sinasabing walang kinikilalang Diyos ang mga mamamayan ng Kalye 45. Hindi sila naniniwala sa siyensya at mga doktor, kundi kay Ka Selya lamang. Si Ka Selya ang pinakamatandang mamamayan sa Kalye 45 sa edad na 90 anyos. Siya ang tumatayong manggagamot ng kanilang lugar. Lahat yata ng klase ng sakit mula sa ubo, lagnat, pulmonya, mga bali at kahit kanser ay kaya niyang gamutin. Marunong siyang magpaanak at mag-alaga ng mga buntis. Ngunit simula ng hindi gaanong sumisilip ang araw sa kanilang lugar ay hindi na tumatanggap ng pasyente si Ka Selya. Palagi siyang nagkukulong sa kanyang silid at taimtim ang pagdarasal sa mga anitong hindi mabakas ang mukha. Hindi na rin siya makausap tungkol sa mga bagay-bagay na labis niyang kinahihiligan noon. Lagi niyang binabanggit ang isang malagim na pangyayari sa Kalye 45. Nanginginig si Ka Selya habang ikinukuwento niya ito sa ilang piling tao. Dahil sa sobrang nakakatakot ang kanyang mga pangitain, marami na ang umiiwas na makipag-usap sa matanda. Ayon kay Ka Selya, ito raw ang mga pangyayaring magaganap sa Kalye 45:

"Babalutin ng matinding kadiliman ang Kalye 45. Magbubukas ang isang lagusan na kung saan magmumula ang mga masasamang nilalang na maghahasik ng lagim sa loob ng 40 na araw. Isang nilalang ang magsisilbing pinuno nila at mas lalong magpapalakas sa kanilang pwersa. Maraming mamamatay, magiging kulay pula ang paligid at babaha ang luha ng mga kaanak ng namatay.

"Ngunit sa kabila ng mga kakila-kilabot na pangitain ay lilitaw ang mga bayaning magtatanggol laban sa kasamaan. Mga ordinaryong tao na ni sa guni-guni ay hindi nila inaakala na makapagliligtas ng kanilang kapwa. Itatayo nila muli ang nasirang bandila ng bansang Plipinas.

Nais ni Ka Selya na mabalaan ang mas maraming kababayan upang mapaghandaan at maipagtanggol ang sarili ngunit walang gustong makinig. Patuloy ang pananalangin niya sa kanyang mga anito na pigilan ang delubyong ito. Nakagawian na niyang sumilip sa bintana para bantayan ang kalangitan. Ngunit ng araw na iyon ay nagsimula ng magdilim ito. Para siyang binuhusan ng yelo. Nakita niya ang kanyang mga kapitbahay na nagkukumpulan sa gitna. May halong pagkamangha at takot ang mababakas sa kanilang mga mukha. Ang araw ay nagkulay dugo, hanggang sa tuluyan na itong matakpan ng mga ulap na kasing-itim ng gabi. Alas otso pa lamang ng umaga pero ang paligid ay napakadilim na. Pagkatapos ng ilang minuto ay lumindol ng malakas. Naghiyawan ang mga tao. Ang ilan sa mga nasa loob ng bahay ay lumabas na at nagtakbuhan sila sa kung saan-saang direksyon. At sa isang bahagi ng Kalye 45 ay nagkaroon ng malaking bitak. Isang kamay na may mahahabang kuko ang lumitaw. Sa paglabas ng kanyang nakakahindik na mukha, lalo pang lumakas ang hiyawan ng mga taga-Kalye 45. 

La Islas FilipinasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon