Isang Aksidente

7 0 0
                                    

Tatlumpung minuto bago mangyari ang trahedya, may makikitang dalawang batang lalaking naglalaro ng taguan-pung sa ilalim ng puno ng balite.

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan, wala sa likod, wala sa harap..."

Ang mas malaking bata ang siyang taya. Sa kasukalan ng bakanteng lote na kinatatayuan niya ay pilit iniisip kung saan pwedeng magtago. Namataan niya ang isa pang puno ng balite sa kanyang kaliwa. Mas maraming damo ang nakapaligid dito. Kung dito siya magtatago ay hindi siya agad makikita ng kalaro. Sa ikalimang bilang pa lamang ay narating na niya ang puno at nagkubli. Ewan ba niya, pero nun napasandal siya sa mga sanga nito ay nakaramdam siya ng kakaiba. Ang paghampas ng hangin sa kanyang balat ay nagpanginig sa kanyang katawan. Tag-araw noon.

Narinig niya ang pagtawag ng kalaro. Papalayo na ang boses nito. Ngumisi ang bata. Maya-maya ay may napansing siyang kumikinang sa kanyang paanan. Naisip niya na baka may nakahulog ng gintong bracelet. Tumalungko siya at inalis ang mga damo at lupang nakatakip dito. Napansin niyang malalim ang pagkakabaon nito kaya pumutol siya ng sanga at nagsimulang naghukay. Pinagtyagaan niya ito hanggang sa makita na niya ang kabuuan ng bagay na hinuhukay. Isang gintong kahon. Pinagpag niya ang lupang nakatabon dito. Nahirapan siyang buhatin at alisin ito sa pagkakabaon. Sa ilang pagtatangka ay nabuhat niya ito at inilapag sa kanyang kandungan. Hinimas niya ang ang mga nakaukit sa kahon. May mga nakasulat na simbolo na hindi pa niya nakikita. Hindi niya pinansin ang mga detayeng ito dahil nakatuon siya sa maaring maging laman nito. Ito na yata yung mga napapanood niya sa mga pelikula na may lamang kayamanan. Siguro ang daming mamahaling alahas sa loob. Baka may ginto pa kasi mabigat. Ang plano niya ay ibebenta niya ang mga ito kay Quen Li para makuha na niya yung malaking baril na may laser. Tapos bibigyan niya ng ilang alahas nanay niya. Mabibili na niya ang lahat ng masasarap na pagkain sa tindahan ni Quen Li. Kapag nagtanong ang kapitbahay kung saan nila nakuha ang ganoong yaman, hindi niya babanggitin ang tungkol sa kahon. Baka maiinggit pa sila at tangkain nakawin ito. Naglakbay na kung saan-saan ang imahinasyon ng bata. Nakaligtaan niyang may kandado ang kahon. Buong pwersa niyang hinila ang kandado para kumalag ito. Pero walang nangyari sa kanyang ginawa. Luminga-linga siya sa kanyang paligid sa paghahanap ng bagay na pwedeng ipambukas ng kandado. Nakakita siya ng isang tipak na bato. Magaspang ito at may mga matatalas na bahagi. Mabilis niyang ipinukpok ito sa kandado. Walang talab.

"Bwisit! Ayaw mong makisama!"

Nilakasan pa niya lalo ang paghampas sa kandado. Sa matinding pagkakapisil niya sa bato ay nahiwa ang kanyang palad. Napangiwi siya sa sakit, habang pinipigil ang pagtulo ng dugo. Natuluan ang mga simbolong nakaukit sa kahon. Nagliwanag ang mga ito ng paisa-isa. Narinig ng bata na kumalag ang kandado. Hindi na niya ininda ang palad na mahapdi. Dali-dali niyang binuksan ang kahon. Kumunot ang kanyang noo, nangalit ang mga ngipin. Walang laman ang kahon!

"Eh manloloko pala ito. Akala ko yayaman na kami, hindi naman pala."

Pagkasabi niya nito ay tumayo siya at sinipa ang kahon. Mga ilang dipa rin ang itinalsik nito. Tatalikod na sana siya papalayo ng bigang nayanig ang lupa. Nawalan ng balanse ang bata at nabuwal ito. Paglingon niya ay wala na ang kahon. Sa pwesto nito ay napalitan ng isang butas na napakaliwanag. Nanlaki ang kanyang mata ng may nakita siyang kakaibang nilalang na lumabas mula dito. Isang higante na may mahahabang bisig at kamay. Ang balat niya ay napakaitim. Hindi na niya nagawa pang gumalaw sa kanyang kinauupuan. Hindi niya akalaing may mga ganitong nilalang na ikinukwento lang ng kanyang Lola. Sa paghawak ng halimaw sa kanyang ulo ay napasigaw siya ng malakas, hanggang sa maging impit na iyak.

Narinig ng kanyang kalaro ang kanyang sigaw. Pilit nitong tinunton ang pinagmulan nito upang saklolohan ang kaibigan. Ngunit huli na siya. Nakita niyang unti-unting ipinapsok sa bibig ng isang halimaw ang kanyang kalaro. Nang nakain na niya ito ay idinura nito ang mga mata ng kanyang biktima. Nakita rin ng bata ang nagliliwanag na butas. May mga lumalabas pang halimaw, na mas nakakatakot pa sa kumain sa kanyang kalaro. Sa sobrang takot ay napaatras siya at naapakan ang isang sanga. Nabali ito at lumikha ng tunog. Napansin siya ng babaeng may malalaking pakpak at hati ang katawan. Ang manananggal. Bigla itong lumipad patungo sa kanyang direksyon. Kumaripas ng takbo ang bata. Alam niyang marami pa silang humahabol sa kanya kaya ni minsan ay hindi siya lumingon. Pumaimbulog sa langit ang manananggal, handa na siyang dagitin. Sa sandaling iyon ay susuong din siya sa tiyak na kamatayan. Hanggang sa nakapa niya ang isang botelya sa kanyang bulsa. Paglipad nito sa direksyon ng bata ay biglang umusok ang manananggal. Isinaboy din ng bata ang likidong laman ng botelya sa mga halimaw na humahabol sa kanya. Nagsipaghinto ang mga ito. Umusok.

Kumuha ng tiyempo ang bata at mas binilisan pa niya ang pagtakbo. Pumikit na lamang siya at umiyak. Sa mga oras na ito ay gusto lang niya ang isang bagay. Ang makauwi.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 23, 2016 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

La Islas FilipinasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon