ni Jaesser Rivera
Ako si Gloria. Munting musmos at mayroong simpleng pangarap. Simple lamang at alam kong pangarap din ito ng ibang batang katulad ko, ang makitang buo, masaya at nagmamahalan ang pamilya ko. Pero malabo nang matupad ang aking pangarap.
Mayaman ang pamilya ko. Mayroon kaming magarang bahay, kotse, naggagandahang damit , mamahaling alahas at mga gadgets gaya ng ipad, tablet at cellphone. Tama lumaki ako sa kaluhuan at karangyaan. Isang negosyante ang aking ama samantalang pampublikong guro naman ang aking ina. Marangya man ang aming pamumuhay ngunit hindi kayang maglaan ng oras sa akin ng aking mga magulang. Ganun pa man, naiintindihan ko naman sila na para din sa akin ang ginagawa nila kaya nililibang ko na lamang ang aking sarili sa mga gadget na mayroon ako na ang tema ay paslangan at ang bago ngayon ay ang Pokemon Go na naghahanap ng mga hayop sa daan na maaari mong ituring na pamilya.
Sa ganoong paraan nababawasan ang aking lungkot at nararamdaman ko na ako ay may karamay sa pamamagitan ng paglalaro ko ng Pokemon.
Sa aking pagkakaakala maayos na ang tipikal na kalagayan ng aking pamilya nang biglang dumating ang mga gabi, na nagdala ng mga kaibigan sa bahay ang aking ama. Napakasaya nila . Ako naman ay masaya din dahil mas humahaba ang oras ng aking ama sa bahay kesa sa trabaho. Ang hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit palaging mainitin ang ulo ng aking ina tuwing nandyan ang barkada ng aking ama. Di tulad ko, na masaya.
Naging madalas ang gabi ng saya ng aking ama pero napapansin ko dumadalas na din ang away nila ng aking ina. Palagi na lang siyang umiiyak kaya nalulungkot na din ako. Sa aking murang isipan ay hindi ko maipaliwanag ang mga nangyayari naging mainit na din sa akin ang dugo ng mga magulang ko kahit wala naman akong ginagawa. Sinisigawan nila ako at nagsisimula na silang saktan ako.
Sa hindi ko maintindihang pangyayari, unti-unting naubos ang aming yaman na naging mitsa ng lalong pagbugso ng karahasan sa pamilya. Madalas kong napapansin ang pamumula ng mga mata ng aking ama. Natatakot ako sa kanya. Maging ang aking ina ay sumasama na din sa gabing ligaya ng aking ama. Hanggang sa mapansin kong pati mga mata ni inay ay namumula na. Mayroon silang sinisinghot na batong kristal na animoy tawas at naghahanap sila ng lumilipad na elepante. Sa aking munting pagkakamali: binubugbog nila ako maya't maya, sinasampal sa pagkakamali ko, tinatadyakan, sinisinturon, binabalda at inilulubog sa drum na may tubig. Pero wala akong ginagawang kasalanan, hindi ko na sila maintindihan wala naman akong ginagawang masama.
Isang gabi , parehas balisa ang mga magulang ko. Panay takot. Paulit-ulit nilang sinasabi iba na ang president ngayon. Naguguluhan ako di ko maintindihan.
Hindi nila alam kinausap ako ng ilang pulis tungkol sa hinahanap nilang lumilipad na elepante. Kinabukasan ay natagpuan ang katawan ng aking ama. May karatulang "WAG TULARAN." Wala ng buhay. Bakit ba nangyari ito? Tulungan ninyo ako. Tulungan ninyo ang pamilya ko. Iligtas ninyo ang aking ina. Hindi pa ako handang mag-isa. Pakinggan ninyo ang musmos na tulad ko.
BINABASA MO ANG
Pakinggan Nyo Ako
Historical FictionA short story about a young drug victim in the Phillipine setting, era of today.