Umuulan na naman ngayong gabi. Maputik ang daan. Sabi sa tv ay mawawala din daw ito ngayong linggo.
Nanunuod ako ng tv nang inutusan ako ni mama na bumili ng mantika sa labas. Sumimangot ako kasi maputik sa labas. Dala-dala ang pula kong payong, naglakad ako papunta sa pinakamalapit na tindahan.
Wala masyadong tao. Ako lang ata ang naglalakad dito. May napansin ako sa waiting shed na nadaanan ko. May babae dito na nakayuko at basang basa sa ulan. Maputik at mahaba ang kanyang damit. Yung parang sinusuot dun sa mga nagbabible study. Baliw siguro itong babae. Dumiretso lang ako nang lakad papunta sa tindahan.
Nakabili nako ng mantika. Malakas parin ang ulan. Nung pabalik na ako ay nadaanan ko ulit yung shed. Nakaupo parin yung babae dun. Sinenyasan nya ko na lumapit sa kanya. Dahil sa mabuti naman akong tao ay lumapit ako sa kanya baka sakali ay gusto nyang sumilong sa payong ko.
"Gusto mo bang sumilong?" tanong ko sa dalaga.
Tumango sya at dinikit nya ang maputik nyang damit sakin. Di ko pinakitang maarte ako at inisip ko nalang na maliligo nalang ako sa bahay mamaya. At naglakad nga kaming dalawa.
"San ka ba nakatira?" tanong ko sa kanya.
Hindi sya nagsalita pero itinuro nya yung direksyun kung saan ang bahay namin. Inisip ko na baka kapitbahay namin ito.
Nang nasa labas na kami ng bahay. Tinanong ko sya ulit kung san sya nakatira.
"Pwede ba akong pumasok sa bahay nyo?", nanginginig na sagot nya sakin. "Nilalamig kasi ako. Makikisilong lang."
"Hindi pwede miss eh. San ba yung bahay nyo? Hatid nalang kita"
"Dito ko gusto tumira sa inyo." sabi nya.
Baliw nga talaga tong babae na to. "Hindi nga pwede miss."
Iniwan ko sya sa labas pero binigay ko yung payong ko sa kanya. "Sayo nalang yang payong miss. Umuwi ka na sa inyo."Sinilip ko mula sa bintana ang babae sa labas. Nakatayo parin sya dun. Nakatingin lang sya sa bahay namin. Makalipas ang ilang oras ay umalis din sya. Iniwan nya ang payong at naglakad palayo.
Isang araw matapos ang nangyari at umuulan parin. Nakita ko mula sa bintana na kasama ng kapitbahay namin yung baliw na babae. Nakisilong na naman ata sya. Hahaha. Siguro gusto nya din pumasok sa bahay nila.
Nasa harap lang namin yung bahay nila kaya kitang kita ko ang mga nangyari. Pinapasok niya ang baliw sa kanilang bahay. Gagawin nya sigurong katulong yun. Ayoko nang makiisyuso kaya ako'y natulog na lamang.
Nagising ako sa ingay ng ambulansya.
Madaming tao sa labas. May mga katawan na inilabas mula sa bahay na kaharap namin. Bumaba ako at nagtanong sa mga nakikigulo.
"Anong nangyari dito?""Pinagsasaksak nung mister ang pamilya nya. Pagkatapos ay nagpakamatay din yung lalake. Grabe to. Siguro droga ang dahilan." sagot ng isa sakin.
"Eh yung baliw na babae na kasama nila sa bahay, nasaan na?" tanong ko sa mga chismoso.
"Ha? Wala naman. Lahat nung nasa loob pinatay eh. Parang wala naman akong narinig na baliw."
Biglang bumuhos ang ulan at nagsitakbuhan ang lahat palayo sa lugar ng krimen. Sinilip ko ulit ang bahay na yun mula sa aming bintana. Malungkot itong tingnan dahil sa nangyari. Nanindig yung balahibo ko nung nakita ko na nandun ang baliw na babae sa loob. Parang sumisilong lang sya. Parang ayaw nya lang mabasa. Parang nakahanap na sya ng matitirahan.