Chapter 4

4.7K 184 5
                                    

SAPU-SAPO NI ZEF ang pumipintig na sentido. Pasuray-suray ang lakad niya at hindi pa niya gaanong iminumulat ang mga mata. Hindi siya gaanong nakatulog dahil sa kakaisip sa dating nobya at dahil ang taong iniisip niya ay katabi niya lang sa iisang kama at magkadikit ang kanilang mga balat.
"Bwisit na libido 'to!" naiirita niyang usal. Hindi niya maintindihan kung bakit pagdating kay Cornelia ay umaapaw sa normal na lebel ang sexual drive niya. He had been celibate for almost a year, at okay lang iyon sa kanya. Ni minsan ay hindi nagmaktol ang sexual hormones niya sa katawan, ngayon lang talaga.
"O, ano'ng nangyari sa 'yo, Zef? Mukha kang," Sadya nitong ibinitin ang litanya upang saglit siyang suyurin ng tingin mulo ulo hanggang paa, "hindi natulog nang isang linggo," dugtong nito. Nakatayo ito sa likod ng dining table. May suot itong cooking gloves at apron. Inipit nito sa hairpin ang bangs para hindi iyon bumagsak sa noo nito. She was like a breath of fresh air.
"I just had the worst nightmare of my life," he answered in a dull, monotonous tone.
"Puwede bang magkaroon ng nightmare ang isang taong gising?"
Pinukol niya ito ng matalim na tingin. "Ano ba ang gusto mong sabihin?"
Nagkibit-balikat ito. "Galaw ka kasi nang galaw kagabi. Makailang beses din akong naalimpungatan dahil sa kakagalaw mo. Bakit ba kasi hindi ka makatulog nang maayos?" kaswal nitong tanong.
"Nakatulog ako, okay? Mas marunong ka pa sa akin, eh," naiinis niyang wika.
Itinaas nito ang isang kamay at nag-peace sign sa kanya. "O siya, sige, huwag na init ulo baby. Halika, saluhan mo na lang ako. Nagluto ako ng Dinuguan with matching puto cheese. Hindi ba at paborito mo ito? Tiyak na hindi ko mauubos ito, eh," yakag nito sa kanya.
Lumipat ang tingin niya sa hawak nitong kaserola. Bigla-bigla ay naging active ang salivary gland niya. Lalo pa at alam niyang masarap magluto si Cornelia at kuhang-kuha nito ang gusto niyang lasa.
"Saan ka kumuha ng mga sangkap para riyan?" Inginuso niya ang kaserola na naglalaman ng Dinuguan.
"Ah, dumating si Manang Fe, iyong nagdadala ng supply ng pagkain dito sa isla. Nagpasama ako sa kanya sa palengke---"
"Umalis ka ng isla?" he roared. Nagpanting ang tainga niya sa narinig. Ingat na ingat nga siyang walang may makaalam kung saan siya naglulungga pagkatapos ay walang kakonsi-konsiderasyon kung makalabas-masok ang babae sa isla.
"Kahit kailan sakit ng ulo lang talaga ang dala mo sa buhay ko!" bulyaw niya rito. Dumagundong ang boses niya sa buong kabahayan. Nakita niya kung paanong natigilan si Cornelia sa ginawa niya. Gusto niyang sipain ang sarili dahil sa ginawa niyang iyon. Kitang-kita niya ang pagguhit ng sakit sa mukha nito.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at inilagay ang hintuturo at hinlalaki sa pagitan ng dalawang mata saka marahang pumisil doon. "I-I'm sorry." He really was sorry. Kahit na malalim pa rin ang sugat na nilikha ni Cornelia sa puso niya at gabundok ang kinakaharap niyang suliranin ay hindi pa rin tamang sigawan niya ito nang ganoon.
"I'm sorry, Cornelia," ulit niya.

"PASOK," bigay pahintulot ni Zef nang marinig ang sunud-sunod na katok sa pinto ng kanyang silid. Iniluwa niyon ang nakangiting mukha ni Cornelia, tangan-tangan ang tray ng pagkain.
"Hi!" masigla nitong bati sa kanya sabay lapag sa bowl na naglalaman ng Dinuguan sa bedside table. "Kain ka. Ang daming sobra, eh. Sayang naman kung masisira lang. Masarap iyan."
Tumuwid siya ng upo at isinandal ang likod sa headboard. Una niyang napansin ang maaliwalas na mukha ng dalaga. Malakas ang bulong ng puso niya na kabigin ito at siilin ng marubdob na halik sa labi. "Baka naman may gayuma iyan? Mangyari pa sa akin ang muntik nang mangyari kay Yuan noon." Tukoy nito sa kaibigan na muntikan nang mabiktima ng gayuma ng babaeng patay na patay dito.
Cornelia laughed softly. "Loko ka. Walang gayuma iyan, ah. Hindi naman na kailangan na gayumahin pa kita. Love mo na ako, eh, kahit na super deny ka pa rin hanggang ngayon," malapad ang pagkakangiti nitong usal.
Napailing na lang siya. Kahit na anong pilit niya na ikubli ang ngiti sa labi ay umangat pa rin ang isang sulok ng labi niya. "Bilib din ako sa kumpiyansa mo sa sarili."
"Totoo naman, ah," nakataas ang baba nitong giit.
Pinili niyang huwag nang magkomento pa. He scooped a spoonful into his mouth. Hindi pa rin talaga pumapalya ang husay nito sa pagluluto. Kakaiba ang epekto ng luto nito sa sistema niya. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa nakaraan. Sa panahon kung saan masaya silang magkasama ni Cornelia. "Masarap."
"Alam ko. Hindi ba 'Reyna ng Kusina' ang tawag mo sa akin noon?" mayabang nitong saad.
"Yeah." He remembered that. May dala iyong tuwa at kirot sa puso niya. Hindi niya namalayan na subo lang siya nang subo, napansin na lang niyang wala nang laman ang mangkok. "Ubos na pala."
"Oo nga. Mukhang sarap na sarap ka nga, eh."
Napatitig siya sa mukha ng dalaga. Mistulang napudpod na tasa ng lapis ang galit na inaalagaan niya sa puso para rito.
Cornelia wrinkled her nose. Mukhang may nais itong sabihin na hindi nito masabi. "All right, Cons, take that load off your mind. C'mon, tell me, ano ang gusto mong sabihin sa akin?"
The woman grinned without lifting the corners of her mouth up. "Itatanong ko lang sana kung p'wede ba akong tumambay muna rito... kasama mo?" atubili nitong tanong sa kanya.
Umisod siya pakanan upang magkaroon ng espasyo ang kaliwang bahagi ng higaan kung saan malapit na nakatayo ang dalaga. "Why not?"
Nagliwanag ang mukha ni Cornelia. Masigla itong naupo sa tabi niya. Hindi sinasadyang mahagip ng kanyang tingin ang maputing hita nito. Umayos siya ng upo, dama niya ang pagpintig ng bagay sa pagitan ng kanyang mga hita. Lihim siyang napamura.
Lintik na libido!
"Kumusta ka na, Zef?"
Tumikhim siya upang alisin ang bara sa lalamunan at pinakaswal ang bukas ng mukha. "Kailangan mo ba talagang itanong iyan sa akin? Obviously, I'm not okay. Mataba ako, mataas ang blood sugar level, blood pressure, at cholesterol ko sa katawan. And yeah, I guess, I'm gonna die young. Most probably, early forties? Mapalad na siguro kung makatuntong pa ako ng kuwarenta."
Nilingon siya ng dalaga, mataman nitong tinitigan ang mga mata niya. Nang humaplos ang mainit nitong palad sa kanyang pisngi ay awtomatikong dumoble ang bilis ng tibok ng puso niya.
"I want to help you, Zef, please allow me..."
Natawa siya nang mapakla, saka niya pinalis ang kamay nito. "Cons, you shouldn't feel so much pity for people just because they are fat. I know I'm a slob but this is my choice."
Umiling ito. "Hindi ako naaawa sa 'yo, Zef." Sinuyod siya nito ng tingin. "You're still attractive. Your big belly curves are wonderful, as well as your thick arm curves. Walang pangit sa 'yo." Puno ng sinseridad ang tinig nito.
Sa tinuran nito ay walang pusong bato ang hindi lalambot. Walang mataas na pader ang hindi guguho, at walang makapal na yelo ang hindi lulusaw.
Naghikab siya nang malakas at sadyang kinusot ang mga mata. "Inaantok ako. Gusto ko sanang matulog. Maaari bang iwan mo na muna akong mag-isa?"
Kumislap ang lungkot sa mga mata ng dalaga, pero tumango pa rin ito. "Sa labas lang ako, Zef."
"Close the door when you leave. Thank you." Iyon din sana ang gusto niya para sa kanyang puso: ang isara na nang tuluyan ang pinto niyon at hindi na bigyan ng pagkakataon ang dalaga na muling makapasok. Madaling sabihin subalit sadyang napakahirap gawin. His heart couldn't just afford to close its doors.

DSU Heartthrobs: Zef De Ville (Completed)Where stories live. Discover now