ANG BODEGA

288 3 0
                                    

Isang security guard sa isang malaking bodega ng mga mamahaling sasakyan si Melvin. Madalas ay pang-araw ang toka niya. Pero ngayon ay nag-tat’aka siya kung bakit naging gabi ang duty niya. Kahit sa kanyang sarili ay hindi rin niya maipaliwanag kung bakit naroon siya ngayon. At sa pagkakataong ito ay nag-iisa lang siyang magbabantay sa buong bodega.

“Hay! Naka-kainis! Nakakainip! Bakit naman kasi mag-isa lang ako dito!” galit na sabi ni Melvin habang hawak ang shotgun. Naupo siya sa isang upuang malapit sa office table.

Di nagtagal ay ibinaba niya sa ibabaw ng mesa ang baril at kasunod ay ipinatong niyaroon ang dalawang paa. Nais niyang mag-relax muna sa pagkakataong ito. Napapaidlip na siya nang bigla ay makaramdam siya ng mga kaluskos mula sa di kalayuan. Nagmamadali siyang tumayo. Hinawakan ng mahigpit ang baril at marahang tinungo ang pinanggagalingan ng kaluskos.

“Sino yan! May tao badiyan.!” Marahang tanong ni Melvin habang nakaumang ang baril.

Walang tumugon sa tanong niya. Kaya naman mabilis siyang kumilos, tinungo ang likuran ng kotse. Pero walang tao roon.

Napailing na lang si Melvin. Babalik na sana siya sa kanyang upuan nang maramdaman naman na waring may nagbukas ng pintuan ng isa sa mga sasakyang naroon. Kumalabog pa nga iyon.

“M AGNANAKAW!” ito ang kaagad na pumasok sa isipan ni Melvin. Marahan niyang tinungo ang sasakyang kumalabog. Nakahanda siya sa anumang mangyayari.

Subalit nang makarating siya sa sasakyang iyon ay wala na naman siyang inabutan. Kaya naman nagtatalo na ang inis at pagtataka ni Melvin sa nangyayaring iyon.

Tumalikod si Melvin, naglakad patungo sa kanyang kinauupuan kanina. Hindi niya namalayang mula sa likuran ay sumulpot ang isang batang babae na edad pitong taon, Nakatingin lamang sa kanya habang nakatayo. Bakas sa mukha ng batang babae ang katuwaan.

Nang makaupo na si Melvin sa upuang naroon ay muli siyang napakislot nang makarinig ng malakas natawa ng batang babae. Muli siyang tumayo habang ang mga mata ay inililinga. Hanggang sa matanaw nga niya na mayroong batang babae na tumakbo patungo sa likuran ng isang Hi-ace van.

“Sino yan?” kaagad na tanong ni Melvin habang palapit sa Hi-ace van. “Neneng. nasaan ka! Anong ginagawa mo dito sa loob ng bodega!”

Pero gaya ng unang pagkakataon ay hindi na naman niya nakita ang batang babae. Kaya naman nakadama na ng kakaiba si Melvin. Lumakad ulit siya palayo sa van. Hindi niya namamalayang nasa loob pala ng van ang bata. Kung makikita lang niya ang side mirror ng sasakyan ay makikita niya kung gaano ang kasiyahang nararamdaman ng bata.

“Ano ba itong nangyayari sa akin. Bakit kung ano-ano ang naririnig ko at nakikita. Panaginip lang ba ito?” tanong ni Melvin sa kanyang sarili.

Di nagtagal ay bumusina naman ang isang kotse. Kaya doon naman nabaling ang atensiyon ni Melvin, subalit gaya ng inaasahan, hindi na naman niya naabutan kung sino ang may kagagawan niyon.

“Sino ka ba? Magpakita ka sa akin. Sa akala mo ba ay natatakot ako sa iyo! Hindi ako natatakot sa iyo! Magpakita ka sa akin!” galit na sigaw ni Melvin.

Noon niya muling nakita ang bata at sa pagkakataong ito ay nakaupo na ito sa lamesa. Tawa ito ng tawa sa kalokohang ginagawa, kaya nang lapitan ito ni Melvin ay galit na galit siya.

“Hoy! Camille, ikaw lang pala, akala ko’y magnanakaw na… Alam mo bang ginagawa mo. Paano kung nabaril kita!” inis na sinabi ni Melvin.

“Si Kuya talaga! Hindi ka na nasanay sa akin! Palagi ko naman itong ginagawa di ba? Hayaan mo huling pagkakataon ko na itong gagawin sa iyo!” Malungkot na sinabi ni Camille.

Noon dumating ang ama ni Camille.

“Pasensiya ka na sa aking anak, medyo may kakulitan kasi ito.” Kaagad na sinabi ng lalake, matapos ay agad binalingan ang anak.

“Okay lang sa akin Boss!” ani Melvin.

“A, siya nga pala. Puntahan mo nga ang address na ito. Magsama ka ng pulis..ngayon na!” Utos ng lalake. Isang papel ang iniabot kay Melvin.

“Boss, naka-duty pa ako…”

“Akong bahala.. .sige na! Lakad na!”

Walang nagawa si Melvin kung hindi ang sundin ang utos ng kanyang amo. Iniwanan niya ang hawak na baril at nagtungo sa police station kung saan madali naman niyang nakumbinsi ang dalawang pulis na samahan siya sa address na nabanggit. Laking gulat nila nang makitang sa loob ng bahay na tinungo ay naroon ang amo niyang babae. Nakagapos at bugbog ang buong katawan nito. Subalit buhay pa ito. Iniwanan ng mga kidnapper sa pag-aakalang patay na.

“Mam, anong nangyari sa inyo…” ani Melvin.

“Kaming dalawa ni Camille ay kinidnap ng mga kidnappers. Nanghingi sila ng ransom kay Tony. Pero matapos ibigay ang ransom ay pinatay nila si Tony at idinamay si Camille,” paliwanag ng babae. “Nakaligtas lang ako dahil akala nila ay patay na rin ako!”

Gulat na gulat si Melvin. “Patay na sina Boss at Camille!” tanong niya. Naguguluhan dahil kanina lamang ay kausap niya ang mga ito.

Tumango ang babae. Itinuro ang nakahandusay na bangkay nina Camilie at Tony na nasa di kalayuan.

Nangangatog ang tuhod ni Melvin, umaagos ang luha habang marahang lumalapit sa bangkay ni Camille. Niyakap niya ng mahigpit ang bata. Ngayon ay naunawaan na niya ang dahilan ng pagpapakita nito sakanya. Gusto nitong mailigtas ang ina na nag-aagaw buhay.

>>>>>>>END>>>>>>

>>>>>>>>BULAKLAK NG HALIMAW >>>>>>>>>

SHAKE RATTLE & ROLL 2014Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon