Mukha siyang masaya.
Wala nang lalaki pa sa ngiti niya ngayon at wala nang tatalo sa ningning nang mga mata niya habang sinasabi niya sa akin gaano niya ako kamahal.
Iba talaga siya.
Hindi ko kahit kelan kakayaning pantayan ang kalidad nang pag-arte niya.
Sa sobrang galing niya ay madalas na nadadala niya ako at napapaniwala na totoong mahal nga niya ako, na sa akin umiikot ang mundo niya, na ang mga ngiti ko ang nagbibigay nang lakas sa kanya sa araw-araw, na ang puso ko ang tunay na pinaka-aasam asam niya na maari.
Sa sobrang galing niya e umiiyak ako gabi-gabi kakahiling na sana e mas matatag ako, na sana e mas matataas ang mga bakod na itinayo ko para protektahan ang sarili ko, na sana e mas magaling akong umarte na hindi ako naaapektuhan at alam ko na kahit ano pa ang sabihin niya e hanggang sa telebisyon lang ang lahat nang yun.
"CUT!!!!", sigaw nang direktor at naramdaman ko ang pamumula nang mukha ko.
Walang ibang maaaring dahilan ang sigaw na yun kundi ako. Imposible na siya.
Ako ang baguhan sa aming dalawa.
Ako ang hindi marunong magkunwari.
Ako ang tanga.
"Mag-break nga muna tayo", sabi nang direktor, "Meng, kumain ka at parang kulang ka nang kinain. Ang lata lata mo sa camera."
Agad kong nakita yung pag-aalala niya.
"Ok ka lang Meng?"
Malamang iniisip niya kung may dalaw ba ako. Alam niya na kapag inaabutan ako nang panghihina e yun lang ang dahilan.
Gusto kong isagot na hindi ako ok. Ang tagal na na hindi ako ok.
Gusto kong sabihin sa kanya na hanggang magkasama tayong dalawa e hindi ako magiging ok dahil kapag nakikita kita ay naaalala ko na ang pinakagusto kong bagay sa mundo e kayang kaya kong hawakan at abutin pero kahit kelan e hindi magiging akin. Gusto kong sabihin sa kanya na gusto ko siyang mawala, gusto ko siyang umalis, gusto kong magpakalayo-layo siya at huwag na magpakita kahit kelan sa akin.
Gusto ko sabihin sa kanya na hindi ako ok at siya ang dahilan nun.
Hindi ako ok dahil mahal na mahal ko siya at galit na galit ako dahil wala akong magawa sa nararamdaman ko para sa kanya.
Hindi ako ok dahil pagod na pagod na ako magkunwari na hindi ko siya mahal.
"Meng?"
Huwag mo akong tignan nang ganyan.
"Ok lang ako, Tisoy."
Huwag mo akong tanungin pa ulit.
Hindi mo naman ako mahal e. Huwag kang magkunwari. Huwag na tayong magkunwari.
-----
Mukha na naman siyang galit.
Hindi ko alam kung bakit sa bawat pagkakataon na sasabihin kong mahal ko siya e doon lumalabas yung apoy sa mata niya at hindi ako maaaring magkamali na yun na naman yung nakita ko kanina.
Ganoon ba ka-mali ang mahalin siya?
Ayaw ba talaga niya?
Bakit sa lahat na lang nang beses na sinabi ko yun sa kanya e kitang-kita ko na galit na galit siya?
Hindi ba talaga katanggap-tanggap sa kanya na totoong mahal ko nga siya? Na sa kanya umiikot ang mundo ko? Na ang mga ngiti niya ang nagbibigay nang lakas sa akin sa araw-araw? Na ang puso niya ang tunay na pinaka-aasam asam ko na maari?
Sa sobrang ramdam na ramdam ko ang galit niya e gabi-gabi kong hinihiling na sana e mas matatag ako, na sana e mas matataas ang mga bakod na itinayo ko para protektahan ang sarili ko, na sana e mas magaling akong umarte at tunay na talagang natatapos nga lang sa telebisyon ang lahat.
Pero isa akong malaking tanga e.
At magsimula nang makilala ko siya, natuto akong mag-sinungaling at mag-kunwari.
Natutuhan kong magtago nang tunay na nararamdaman ko.
Natutuhan kong ngumiti at tanggapin ang galit at inis niya sa akin kada sasabihin kong mahal ko siya.
Natutuhan kong ikubli yung sakit nang katotohanan na magagawa kong ikutin ang buong mundo para sa kanya pero ni hindi niya yun ikakatuwa.
Natutuhan kong ang dali dali pala ang magmahal nang isang tao na hindi ka mahal o kahit kelan e hindi ka mamahalin.
Minsan nagagalit na din ako pabalik e.
Minsan gusto ko nang sabihin sa kanya na nagagalit ako sa kanya dahil kapag nakikita ko siya ay naaalala ko na ang pinakagusto kong bagay sa mundo e kayang kaya kong hawakan at abutin pero kahit kelan e hindi magiging akin. Gusto kong sabihin sa kanya na gusto ko siyang mawala, gusto ko siyang umalis, gusto kong magpakalayo-layo siya at huwag na magpakita kahit kelan sa akin.
Gusto ko sabihin sa kanya na ngayon lang ako nakaramdam nang ganitong uri nang galit at siya ang dahilan nun.
Mahal na mahal ko siya pero galit na galit ako dahil wala akong magawa sa nararamdaman ko para sa kanya.
Hindi ako ok dahil pagod na pagod na magkunwari na hindi ko siya mahal.
Nagtawag na ang mga assistants na itutuloy na ang shooting.
Nakita ko siya lumabas sa tent niya at ngumiti sa akin.
"Tara?"
Huwag mo akong ngitian nang ganyan.
"Tara."
Huwag mo akong paasahin na ang ngiti na umaabot hanggang sa mga mata mo ang ngiti na ibinibigay mo sa akin.
Hindi mo naman ako mahal e. Huwag kang magkunwari. Huwag na tayong magkunwari.