Isang bagong graduate na binata ang nag-apply sa isang malaking kumpanya. Nakapasa siya sa exam at sa initial interview. Papunta na siya sa Manager ng kumpanya para sa final interview. Bumilib ang Manager sa kanyang resume kaya nagtanong ito.
“Iskolar ka ba sa school mo?” Sumagot ang binata, “Hindi po”
“Magulang mo ang nagbabayad ng tuition at expenses mo?”
“Opo” sagot ulit ng binata
“Ano ang trabaho ng tatay mo?”
“Karpintero po”
“Ang nanay mo may trabaho din?”
“Tumatanggap po ng labada at plantsahin sa bahay”
Pinalapit ng manager ang binata at sinabing ipakita nito ang kanyang mga kamay.
Lumapit ang binata at ipinakita ang kanyang malambot at makinis na mga kamay.
“Tumutulong ka ba sa pagtratrabaho ng mga magulang mo?”
“Hindi po, ayaw nila ako patulungin dahil gusto nila na mag-focus ako sa pag-aaral. At isa pa, mas gamay na nila ang trabahong iyon kesa sa akin. Baka magkamali lang po ako.”
Sinabi ng Manager, “Sige bumalik ka bukas para sa 2nd set ng final interview. Pero, pag-uwi mo ngayon sa bahay gawin mo itong sasabihin ko sayo. Hugasan mo ang mga kamay ng tatay at nanay mo. Kapag nagawa mo ito ay bumalik ka bukas para sa final interview.
Naramdaman ng binata na malaki ang pag-asa niya na makuha ang trabahong gusto niyang makuha.
Pagkauwing pagkauwi niya ay sinabi niya sa nanay at tatay niya na huhugasan niya ang kanilang mga kamay.Nagtaka ang kanyang mga magulang. Masaya ang kanyang mga magulang subalit halo ang kanilang emosyon. Medyo nahihiyang ipinakita ng kanyang mga magulang ang kanilang mga kamay.
Ang kamay ng kanyang tatay ay puno ng kalyo at may isang patay na kuko dahil tinamaan ng martilyo ang daliri. Ang kamay naman ng nanay ay magaspang at may sugat dahil sa pagkukusot ng mga labahin. Napansin din niya ang isang maliit na paso na malamang ay dahil sa pagtanggap ng plantsahin.
Ito ang unang pagkakataon na napagmasdan niya ang kamay ng kanyang mga magulang. Ang mga kamay na nagtratrabaho araw-araw para matustusan ang kanyang pag-aaral. Ang mga kamay na nagbabanat ng buto para magkaroon ng pagkain sa kanilang hapag kainan. Ang mga kalyo, patay na kuko at sugat sa kamay ang kapalit ng kanyang maayos na pag-aaral, maayos na pananamit at maayos na kinabukasan.
Pagkatapos mahugasan ang mga kamay ng mga magulang ay siya na mismo ang nagligpit ng mga gamit ng kanyang tatay at siya na din ang nagtiklop ng mga damit na pina arawan ng kanyang nanay mula sa sampayan. Siya na din ang naghugas ng pinagkainan. Matagal nagkwentuhan ang pamilya ng gabing iyon.
Kinabukasan, maagang nagpunta ang binata sa opisina ng manager.
Pagpasok ng binata ay naabutan niya ang manager na nagkakape. Napansin ng manager ang nagingilid na luha sa mga mata ng binata ng kanya itong tanungin,
“Sige ikwento mo sa akin kung ano ang ginawa mo sa bahay ninyo at kung ano ang natutunan mo?”
Sumagot ang binata: “Hinugasan koa ng kamay ng aking tatay at nanay at ako ang nagligpit ng mga gamit nila sa pagtratrabaho.
Ngayon ay naiintindihan ko na, kung wala ang aking mga magulang ay wala ako ngayon sa ganitong estado. Nung tinulungan ko ang aking mga magulang ay narealize ko na mahirap palang gumawa ng nag-iisa. Narealize ko ang kahalagahan ng tulong lalo na mula sa pamilya. Narealize ko kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng magulang, ng pamilya.”
Pagkarinig nito ay kinamayan ng manager ang binata.
'You are hired'.