Nung gabing tinapos natin ang lahat,
Saksi ang kalawakan kung gaano kabigat ang bawat hakbang ko papalayo sayo,
Nung gabing iyon, mailap ang mga tala na para bang nananadya na kung ano ang dilim sa aking kalooban ay sya ring dilim ng kalangitan at sumabay pa ito sa aking kalungkutan.Sinubukan kong maglaro sa ulan,
Umaasang kaya nitong hugasan ang sakit at tangayin sa kung saan,
Ngunit hindi.
Dahil ako ang pinaglaruan ng ulan, ako ang pinagtaksilan ng kalawakan,
Taksil ang kalawakan.
Sinubukan kong tumakbo kasalungat ng pagikot ng mundo,
Nagbabakasakaling kaya ko pang habulin ang kahapon ko sa piling mo,
Nung sabay nating pinagsaluhan ang ritmo ng paborito nating awit,
Nung sabay tayong naligaw sa magulo nating paligid,
Makakaya ko pang ibalik ang oras, minuto o segundo.
Makakaya ko pa.
Makakaya pa natin.