Pagkabilang ko ng sampu, wala na tayo.
Hindi pa ako nakahanda, nagsimula ka na.
Madali mo lang nakuha ang loob ko, hindi ba? Noon pa man kasi ay gusto na talaga kita. Si Sunod na nga ang palayaw saakin ng mga kaibigan ko dahil sa miya't miya at araw araw kong pagbuntot saiyo saan ka man pumunta.
Sakaniya o sakaniya.
Doon o dito.
Paroon at parito.
Atras abante.
Atras abante? Naalala mo? Hahaha.
Nahalata mo na palang nagtitiktik ako sa 'yo. Hindi iyong umaakyat ako sa bubung ng bahay niyo, ha? Mataas kasi kaya hindi ko ginawa iyon noon. Kahit pa, gusto ko talaga. Ganun ako kadesperadong mapansin mo na.
Ang ibig kong sabihin ay ang pagsunod saiyo. Sa corridor iyon noong pasimple kitang binuntutan, tanda mo pa? Kada hihinto ka ay para akong laruan na bigla nalang naubusan ng baterya. Tapos sa unang hakbang mo ay kikilos na ulit ako na parang bagong bili na.
Sa paa mo lang ang paningin ko noon kung lalakad ka na ba o hihinto. Kaya sobrang sabay lang ng lakad natin kasi ayokong mawala ka sa landas ko.
Naguluhan pa ako saiyo noong pazig-zag ka biglang naglakad. Tapos ay nagatras abante ka na hindi ko na tuloy pansin ang laki ng mga hakbang mo kaya noong tumakbo ka at biglang huminto ay daig ko pa natalisod at lumagapak ang buong katawan ko sa semento.
Narinig kong tumawa ka noon at hindi ko alam kung bakit. Dapat kasi ay galit ka na at binubulyawan na ako, e. Pero dahil pinangunahan ako ng takot na magalit ka nga saakin kahit pa tumawa ka naman, mabilis na akong tumalikod para kumaripas na sana ng takbo pero nahiklat mo iyong likod na kuwelyo ng uniform ko.
Binitbit mo pako paharap saiyo. Ang sabi mo pa noon ay mukha akong kuneho. Tinanong mo kung bakit kita sinusundan at kung bakit ako tatakbo noong nahuli mo ako. Sabi mo kasi, pag may ginawa ka, dapat pinangangatawanan mo hanggang sa dulo.
Pero, syempre, kahit na ganoon ay hindi ako nagsabi ng totoo. Sabi ko lang ay ako talaga iyong tipo ng babaeng nakakahiligang sumunod sunod sa lakad ng kung sinong matipuhan kong sundan. Tinawanan mo lang ako, pinitik sa noo at nilagpasan.
Hindi mo sinabing huwag na kitang sundan, pero sinabi mo naman ang isang salitang hindi ko naman naintindihan.
'Isa'
Kahit pa nahuli mo na ako na sumusunod sa 'yo, pinagpatuloy ko parin iyon. Kaya nga pati sa CR ng mga lalaki ay bigla akong nakapasok ng wala sa huwisyo. Hindi ko alam kung sinadya mo ba iyon pero dahil nabwisit ako dahil alam mo namang sinusundan kita, isang linggo ko ding tiniis na nasa classroom lang ako at natutulog pag dismiss-san na.
Hanggang sa nakasanayan ko na yata. Sa ilang linggo kong pagsunod sa 'yo na wala naman akong napala, sa isang linggo lang na pagtulog ko sa classroom pag vacant ko ay kinasanayan ko na bigla. Nakalimutan na kita. Kasi, mukha namang wala talaga akong pag-asa. Bigla kasi akong naging gahaman na hindi na sapat saakin na masundan ka lang.
Pero, bigla mo akong kinausap. Nagulat pa ako noon kasi padabog mong ibinagsak iyong upuan sa tabi ko. Galit na galit ka at tinanong mo kung anong ginagawa ko. Syempre ang sabi ko, natutulog. Maglolokohan pa ba tayo dito? Talaga namang natutulog ako. Tapos nabwisit ka at nagkasagutan tayo.
'E, bakit ka natutulog? Hindi ba dapat sinusundan mo na ako ngayon?'
'E, bakit naman kita susundan? Chix ka ba?'
'Xie!'
'Huwag mo ngang isigaw ang pangalan ko, Brandon!'
'Hindi brandon ang pangalan ko!'