one shot story

84 4 0
                                    

Ang unang una kong masisilayan pagkauwi ko ay ang aming pulang bahay. Sabi ng mga magulang ko ay ang kulay pula ang nasisimbolo sa pagmamahal, naniniwala sila na kapag ang bahay namin at ang paligid nito ay pininturahan ng pula ay aapaw ito sa pag-ibig. Pero sa paglipas ng panahon ay ang tingkad ng pula ay unti unting kumukupas at nadudumihan na. Pula parin naman ito pero dumilim ang ora nito. Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay mayroong nagbago rito.

Pumasok ako sa loob ng aming pulang bahay at dumiretso sa kwarto ko. Kulay puti ito dahil ito ang gusto ko na kulay noon pa man. Ultimo mga damit ko ay kulay puti. Sabi nila na puro at kamusmusan ang ibig sabihin nito, na bagay na lamang sa siyam na taong gulang na batang tulad ko.

Sa dahan dahang pagbabago ng kulay ng aming bahay kasabay din nito ang dahan dahang pagbabago ng itsura't kulay ng aking kwarto. Kung dati ay purong puti ito, ngayon ay may halo na itong kulay na bughaw. Hindi napansin na habang patagal ng patagal ay nawala na ang kulay puti at napalitan na ito ng tuluyan ng kulay bughaw. Hindi ko alam kung ano ba ang sinisimbulo ng kulay bughaw pero itong kulay na ito lang ang masasabi ko na sumasakto para sa aking sarili.

Kahit saan ako pumunta ay ako lang ang natatangi na kulay bughaw at lahat sila ay kulay na matitingkad, na nakapagpapaalala saakin ng dati ring tingkad ng pulang bahay namin. Masasama at nandidiring tingin ang palaging pukaw nila saakin malayo man o hindi, basta't matanaw lang nila ako ay ganoon ang palaging nangyayari. Bakit ako lang ang naiiba?

Dahil sa wala nang gustong kumausap o lumapit man lang saakin ay bumili ako ng iba't ibang gamit na mayroong sa tingin ko na pinakamaliwanag na kulay sa lahat, ang kulay dilaw. Sa 'twing aalis ako ng bahay ay magsusuot ako ng dilaw na mga damit saaking katawan pero sa di malamang dahilan ay lahat ng panloob ko at kung ano ano pang pwedeng itago sa ilalim ng mga kulay dilaw ko na gamit na nakasukbit saakin ay kulay bughaw.

Nagustuhan ko na ng tuluyan ang kulay dilaw pero lagi nalang hindi nagtatagal ang mga gamit ko sa dilaw saakin. Laging nasisira, nababasag, napupunit, at kung ano ano pang pwedeng mangyari. Kaya kahit gustuhin ko na gawin ang aking kwarto na purong dilaw ay hindi ko maisagawa dahil rito. Tanging nagiging dilaw lang ng tuluyan ang aking kwarto sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata para matulog. Masaya ako sa aking dilaw na kwarto ngunit alam kong sandali lang ito dahil sa muling pagbubukas ng mga mata ko ay magiging kulay bughaw nanaman ito. Kung pupuwede lang sana ako matulog habang buhay.

Pinangarap ko ang kulay na dilaw pero hindi ko parin maalis saakin ang kulay bughaw, tila di ko matakasan.

Hindi ako mangmang para hindi pa malaman sa ngayon ang ibig sabihin nang kupas at nadumihang pula ng bahay namin. Ang kulay pula ng bahay ngayon ay sinisimbolo ang away, galit, poot, pananakit, dugo, giyera, at napakarami pang iba.

Tulad ng dating gawi ay pagkauwi ko sa aming pulang bahay ay papasok ako sa bughaw kong kwarto at huhubarin ang mga kulay dilaw na telang nakatakip sa berdeng mga gamit at damit na nakasuot saaking katawan. Agad akong tatalon papunta sa aking bughaw na kama at dali daling ipipikit an aking mga mata at nagbabakasakaling mas matagal ang magiging pagbisita ko sa aking dilaw na kwarto.

Kapareha ko ang aking mga magulang, sa ilalim ng kanilang suot na matingkad at masayang pula ay ang madilim na isa pang kulay pula sa loob.

Malalakas na kabog ang umistorbo sa aking pagbisita sa dilaw na kwarto ko. Binuksan ko ang aking bughaw na pintuan at tumambad at mga nakangiting mga magulang ko. Inaya nila ako na mamasyal, ako na sabik na sabik sa kanila ay pumayag na agad.

Sumakay na kami sa aming pulang kotse na tulad ng bahay namin. Kahit di sila magsalita ay ramdam ko ang tensyon sa katahimikan na bumabalot saamin ngayon. Nagulat ako dahil unti unti palang sumisilay ang aking mga bughaw na aksesorya na dapat ay nasa loob at natatakpan lamang ng aking makapal at dilaw na mahabang panlamig, kaya't tinago ko ito kaagad. Dahil sa na pakiramdam kong pagka-uhaw sa kulay na dilaw ay pumikit ako.

Ang tagal ko na sa aking dilaw na kwarto na ipinagtataka ko at ikinatutuwa ko ng sabay. Pero ang talagang pumupukaw at bumabagabag saakin ay palagi kong naririnig ang pangungusap na "Makina nalang ang bumubuhay sakanya.", "Lumaban ka!", "Piliin mong gumising!". Gumising? Bakit naman ako gigising kung andito na ako sa pangarap kong kwarto? Hinayaan ko nalang ang mga boses na lagi kong naririnig ng paulit ulit. Pero sa pagkakataong ito ay may bago na akong narinig "Limang taon na, sa tingin ko ay oras na."

Ang matitingkad na kulay ng dilaw ng aking kwarto ay unti unting nawawala at napapalitan ng kulay ng abo. Anong nangyayari? Bakit.... Bakit ganito?

"Anak, mahal ka namin. Pero nahihirapan na kami at alam naming nahihirapan kadin." Ano? Hindi ako nahihirapan! Huwag niyong sirain ang dilaw na kwarto ko! Parang awa niyo na! "Patawarin mo sana kami sa aming desisyion." Ngayon ay mas dumidilim ang kulay ng abo. Ano? Ano ito? Ang mahal kong kwarto!

"Tooooooot!" Pero bago matapos ang tunog ay may narinig akong huling tinig "Pininturahan na namin muli ang bahay ng matingkad na pula. Salamat anak, at patawad kung huli na namin nagawa." Hanggang sa tuluyan na naging kulay itim ang paligid ko.

Dilaw na KwartoWhere stories live. Discover now