Ang tayutay ay salita o isang pahayag na ginagamit upang bigyan diin ang isang kaisipan o damdamin. Sinasadya ng pagpapayahag na gumagamit ng talinghaga o di-karaniwang salita o paraan ng pagpapahayag upang bigyan diin ang kanyang saloobin.
Mga uri ng tayutay
Simili o Pagtutulad - di tiyak na paghahambing ng dalawang magkaibang bagay. Ginagamitan ito ng mga salitang: tulad ng, paris ng, kawangis ng, tila, sing-, sim-, magkasing-, magkasim-, at iba pa. Ito ay tinatawag na Simile sa Ingles.
Metapora o Pagwawangis - tiyak na paghahambing ngunit hindi na ginagamitan ng pangatnig.Nagpapahayag ito ng paghahambing na nakalapat sa mga pangalan, gawain, tawag o katangian ng bagay na inihahambing. Ito ay tinatawag na METAPHOR sa Ingles.
Personipikasyon o Pagtatao - Ginagamit ito upang bigyang-buhay, pagtaglayin ng mga katangiang pantao - talino, gawi, kilos ang mga bagay na walang buhay sa pamamagitan ng mga pananalitang nagsasaad ng kilos tulad ng pandiwa, pandiwari, at pangngalang-diwa. 'PERSONIFICATION' sa Ingles.
Apostrope o Pagtawag - isang panawagan o pakiusap sa isang bagay na tila ito ay isang tao.
Pag-uulit
Aliterasyon - Ang unang titik o unang pantig ay pare-pareho.
Anapora - Pag-uulit ng isang salitang nasa unahan ng isang pahayag o ng isang sugnay.
Anadiplosis - Paggamit ng salita sa unahan at sa hulihan ng pahayag o sugnay.
Epipora - Pag-uulit naman ito ng isang salita sa hulihan ng sunud-sunod na taludtod.
Empanodos o Pabalik na Pag-uulit - Pag-uulit nang pagbaliktad ng mga pahayag.
Katapora - Paggamit ng isang salita na kadalasang panghalip na tumutukoy sa isang salita o parirala na binanggit sa hulihan.
Pagmamalabis o Hayperbole - Ito ay lagpalagpasang pagpapasidhi ng kalabisan o kakulangan ng isang tao, bagay, pangyayari, kaisipan, damdamin at iba pang katangian, kalagayan o katayuan.
Panghihimig o Onomatopeya - ito ang paggamit ng mga salitang kung ano ang tunog ay siyang kahulugan. ONOMATOPOEIA sa Ingles.
Pag-uyam - Isang uri ng ironya na ipinapahiwatig ang nais iparating sa huli. Madalas itong nakakasakit ng damdamin.
Senekdoke o Pagpapalit-saklaw - isang bagay, konsepto kaisipan, isang bahagi ng kabuuan ang binabanggit.
Paglilipat-wika - tulad ng pagbibigay-katauhan na pinasasabagay ang mga katangiang pantao, na ginagamit ang pang-uri.
Balintuna - isang uri ng ironya na hindi ipinapahiwatig ang nais sabihin sa huli.
Pasukdol - pataas na paghahanay ng mga salita o kaisipan ayon sa kahalagahan nito mula sa pinakamababa patungo sa pinakamataas na antas.
Pagtanggi o Litotes - gumagamit ng katagang "hindi" na nagbabadya ng pagsalungat o di-pagsang-ayon. Ito'y may himig na pagkukunwari, isang kabaligtaran ng ibig sabihin.