Para Sa Bayan

128 10 13
                                    

Bata pa lamang ako'y alam ko ng nahahati sa dalawa ang aming munting tahanan. Si Lolo Jandro'y pumapanig sa pamilyang pula na pinapamunuan ng pamilya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos na isang diktator na pinaniniwalaang pumatay ng halos isang milyong taong tumutuligsa sa kanyang pamumuno. Hindi na ako nagtataka kung bakit sa kanya pumanig ang aking lolo. Dati siyang sundalo ni Presidente Marcos at maaaring may alam siya na hindi alam ng nakararami. Pero maniwala kayo sa akin. Isa siyang magiting at tapat na sundalo.

Sa kabilang banda, ang aking mama ay salungat sa paniniwala ng aking lolo. Sabi niya'y sobrang gulo raw ng bansa noong Martial Law. Pero wala pa naman siya sa mundong ibabaw noong nangyari iyon. Siguro'y kwento sa kanya ng mga nakakatanda noon o dahil ito ang sabi sa mga aklat na nabasa niya. At sinasabi na si Ninoy Aquino ang tunay na bayani dahil siya raw ang namuno sa pagtuligsa sa rehimeng Marcos.

"Ano bang sinusulat mo diyan, Michael? At parang ang lalim ng iniisip mo." pagtatakang tanong ng aking ina. Nalalanghap ko ang aroma ng sinigang na bangus na niluluto niya.

"Assignment ko po ma sa History. Tungkol sa pananaw ko po sa Martial Law."

Hininaan niya ang apoy sa niluluto niya, kinuha ang upuan sa kaliwa ko at tumabi siya sa akin. "Patingin nga." Tinapat niya sa kanya ang papel ko at binasa.

"Oh, akala ko ba pananaw mo ang assignment mo, bakit pananaw namin ni lolo ang isinulat mo rito?"

"Hindi ko po kasi alam, ma kung kanino ako maniniwala."

Ngumiti ng bahagya si mama. Bumalik siya doon sa niluluto niya na parang hinahalo nya. "Hay nako, Michael. Sa akin ka maniwala. Maraming aklat at mga interview ang nagsasabi na talagang demonyong tao yan si Ferdinand Marcos."

"Eh diba ma, hindi naman lahat ng nasa aklat, e totoo?" Kumunot ang noo ni mama. "Ah basta! Maniwala ka sakin anak."

Bumukas ang pinto sa tapat namin at lumabas si Lolo dala dala ang kanyang itim na tungkod at pakubang naglakad palabas. "Ano ka ba naman, Marg? Hayaan mong mangatwiran ang apo ko at mag-isip para sa sarili."

"Totoo naman po kasi 'tay. Marami siyang tinorture noong Martial Law. Ultimo Voltes V nga pinagbawal niyang ipalabas sa telebisyon noon. Dahil sa takot niyang matuto tayong lumaban sa kanya."

"Ano bang nalalaman mo Marg? Ni hindi ka pa nga pinapanganak noong Martial Law e. Tama ang apo ko, hindi lahat ng nababasa at naririnig ay totoo."

"Tay, ano po bang nakikita niyo noon? Nakatingala lang kayo at bihira kayong yumuko kaya hindi niyo nakita ang hirap na dinanas nila." Ramdam ko ang init ng usapin mula sa kinauupuan ko at parang wala ng katapusan ito.

"Hmmm!!! Mukhang masarap ang niluto mo, ma. Kain na tayo!" natigil ang kanilang mainit na diskusyon at naghain na si mama.


-6:40 pm-

Kinagabihan, habang nakahiga ako sa kama sa aking kwarto ay naisipan kong tawagan si Jean. "Jean, tapos ka na sa assignment?"

"Oo. Kanina pa. Bakit ikaw? Hindi pa? Easy lang naman a!" Kampanteng sagot ng kaibigan ko.

"Nahihirapan ako e. Anong sinulat mo?"

"Sinabi ko na dapat na tayong magmove on sa isyu. Kasi, duh! Napakatagal na nun! Namatay na lang si Marcos, buhay na buhay pa rin yung isyu. Parang tanga kasi yung mga umaalsa. Daming sinasabi. Dami raw namatay, naghirap daw yung bansa, kesyo ganto, kesyo ganyan. Paulit ulit na lang! Sa pamumuno rin naman ni Cory Aquino, marami ring namatay sa Hacienda Luisita. At talagang naghirap ang bansa. Ano bang pinaglalaban nila?"

Hindi ako masyadong sang-ayon sa sagot ni Jean. Siguro ay dahil masyadong malayo ang pananaw niya sa pinagpipilian ko kaya wala pa ring nabubuong desisyon sa isip ko. Hindi ko pa rin alam ang isusulat ko.

Marcos Pa Rin, Mga Ulol! o Marcos Pa Rin Ang Mga Ulol! [ONE SHOT]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon