Ang Pinaikling Nobela ni Femi

230 5 1
                                    

Kabanata I: Ang Trabaho ng Ina

Sa loob ng silid-aralan, kung saan parehong nakakuha ng edukasyon ang babae't lalaki, nag-usap ang isang grupo ng mga mag-aaral. Kabilang si Femi sa mga batang iyon.

"Joaquin, ano trabaho ng Mama mo?" tanong ng isang bata habang pinupunasan nito ng panyo ang sariling sipon.

"Nasa bahay Mama ko," sagot ni Joaquin sa kanyang tabi.

Agad na nangunot ang noo ni Femi sa narinig. Magkaiba ang sitwasyon nila ni Joaquin. Kung ang ina nito'y nasa bahay lamang, ang kanyang Mama naman ay nasa Japan. Nagtatrabaho ito doon bilang isang welder. Gaya ng isang musmos na wala pang masyadong alam sa reyalidad, bigla siyang napaisip. Ano bang trabaho ang dapat na gawin ng bawat Mama?

"Joaquin, si Papa mo naman, anong trabaho?" muling tanong ng batang sinisipon.

Mataman niyang tinitigan ang mukha ni Joaquin. 'Di gaya ng gusot-gusot niyang damit, malinis at halatang plantsado ang uniporme nito. Ang pagguhit ng mapait na ngiti sa labi ng kanyang matabang kaklase ay hindi nakatakas sa kanyang paningin. Kumislap ang lungkot sa mga mata nito.

"Si Papa? Nasa abroad siya..." Napasimangot ito. "Matagal na si Papa doon pero hindi pa rin siya umuuwi."

Napatango na lamang si Femi. Nakita niya ang sarili kay Joaquin. Pareho silang malungkot at nangungulila sa presensiya ng isang magulang.

Kabanata II: Usapang Mag-ama

Nang makauwi si Femi sa kanyang bahay ay agad niyang ikinuwento sa kanyang ama ang naging pag-uusap nilang magkakaibigan.

"Pa, nasa bahay lang pala nagtatrabaho ang Mama ni Joaquin." Sinundan niya ng tingin ang paghiwa nito sa karne. "Si Mama naman po ay welder. Bakit po ganoon?"

"Noon, anak, limitado lamang ang mga tungkulin at dapat gawin ng mga babae. Hanggang bahay lamang sila at hindi hinahayaang magdesisyon para sa kanilang pamilya, lalo na kapag pera ang pinag-uusapan, Ang tingin ng lipunan sa mga kababaihan noon ay mahihina," sambit ng kanyang ama habang hinuhugasan ang kamay sa faucet.

Napasimangot si Femi sa kanyang narinig. "Grabe naman, Pa! Malakas naman kaming mga babae. Marunong nga kaming maglaro ng soccer, e. Natalo pa nga namin ang boys kanina."

Natawa ang kanyang ama at ginulo nito ang kanyang buhok. "Likas naman talaga kayong malakas. Ngayon nga'y unti-unti nang nawala ang diskriminasyon sapagkat napatunayan ng mga kababaihan na kaya rin nila ang mga bagay na ginagawa ng mga lalaki."

"Gaya po ng ano, Pa?" usisa ni Femi.

Naglagay muna ng mantika ang kanyang ama sa kawali bago ito sumagot, "Gawin nating halimbawa ang dating Pangulong Corazon Aquino. Isa siyang babae ngunit hindi iyon naging hadlang upang mailuklok siya sa pwesto bilang Presidente. Malaki ang tiwala ng sambayanan sa kakayahan niyang mamuno. Nagawa niya ring panguluhan nang maayos ang bansa. Marami siyang nagawa para sa bayan at ang bawat Pilipino'y tinuring niyang anak."

Kabanata III: Ang Pangamba ni Femi

Naging mabilis ang takbo ng panahon. Hindi namalayan ni Femi na marami ng nag-iba. Hindi na siya iyong dating batang payatot at nagsusuot ng gusot na damit. Isa na siyang ganap na dalaga.

"Talaga bang hindi buwan-buwan ang regla mo?" kunot-noong tanong ng kaibigan niyang si Kristoff. Ito ang palagi niyang kasama sa tuwing nagpupunta ng library.

Tumango lamang si Femi at marahas na bumuntong-hininga. May nabasa siyang artikulo na ang pagkakaroon ng irregular menstruation ay maaaring maging sanhi ng 'di pagbubuntis. Labis niyang ikinabahala ang ganitong kondisyon. Tila dinurog ang puso ni Femi nang maisip ang posibilidad na hindi siya magkakaanak.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 06, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Ang Pinaikling NobelaWhere stories live. Discover now