“Ganti”
Sa aking pagkakahiga ako ay napatulala.
At napabalik sa aking gunita
Mga sandaling siya ay aking kaniig,
Ang una kong lalaking pinakaiibig.
Dahan-dahan dumaloy ang ragasa ng mga ala-ala
Ng matatamis na araw ng aming pagsinta.
Subalit, ito'y dagling napalitan
Ng walang habas na pait dulot ng kataksilan.
Bumalong ang luha ng nag-aalumpihit na damdamin.
Ganti ang sigaw ng pusong inalipin.
Nabulag na ang mga mata upang makita ang tama
At tuluyan ng nabingi pati ang mga tainga.
Bumangon sa pagkakalugmok ang pusong niyurakan,
Na 'di mababatid ang pait na tunay na nararamdaman.
Isinuot ang isang magarang maskara
Upang walang makasilay sa ikinukubling mga luha.
Hinarap ang nakaraan ng nakataas ang noo
Kahit, na patuloy na dinudurog ang sariling puso.
Inihambalos dito ang tamis at pait ng pag-ibig,
Na sa nag-aalimpuyong damdamin ay di nanaig.
Paghihiganti ay sa wakas naisakatuparan
Subalit, kaligayaha'y hindi pa rin nakamtan.
At doon lamang lubos na napagtanto
Na Siya pa rin ang nag-iisang itinitibok ng sariling puso.