Ang Simula
Tok-tok-tok-tok.
Clack-clack-clack-clack-chakachakchak-clack.
"Ano ba naman 'yan Alex, nag-aaral na nga lang tayo ang ingay mo pa!" Inis na sabi ng isang babaeng may napakalaking lasong pula sa kanyang ulo. Tiningnan niya ng masama ang kanyang kaibigan na parang galit na galit sa ginagamit na calculator.
"Eh kasi naman, Jonna, yung mga nasa labas, ang iingay!" Bulalas ni Alex, isang labintalong taong gulang na estudyante sa Greenfield High School.
"Anong pinagsasabi mo dyan Alexandra?" Napakunot si Jonna at binitawan ang kanyang bolpen sa lamesa. "Ang tahimik kaya at saka," Tumayo siya upang dumungaw sa bintana na nasa tapat nila. "Wala nga yung mga nagbabasketball ngayon eh kasi panahon na ng mga long test. Anong pinagsasabi mong maingay?"
Napakurap si Alex. Kumurap siya ulit. Siguradong-sigurado siya na may maingay. Lumingon siya sa kanilang paligid sa silid-aklatan. May naririnig pa rin siya. Kinusot niya ang kanyang mga mata.
"Alex, ok ka lang ba?" Pag-aalala ni Jonna sa kanya. "Baka pagod o gutom lang 'yan - nagpalipas ka nanaman ba ng gutom? Naglunch ka ba?"
Ayaw niya na mag-aalala ang kaibigan nya sa kanya kaya tumango na lang si Alex. "Oo, pero baka kailangan ko lang uminom ng tubig. Teka lang ah," Tumayo si Alex. "Pabantay muna ng gamit, pupunta muna ako sa fountain." Ngumiti siya sa kaibigan niya ng makita niya ito na tila nag-aalala pa rin. "Ok lang ako, promise!"
Mabilis siya tumalikod sa kaibigan at tumungo sa pintuan.
Anak ng pating naman o, ano ba naman itong binigay ni Ms Poblador - ang lalim masyado ng English, nakakanosebleed.
Napalingon si Alex sa mga nadadaanan niyang lamesa. Pang-isahan lang naman yung mga nadadaanan niyang lamesa at wala naman nag-uusap. Subalit, palakas ng palakas ang naririnig niya nagbubulungan.
Solve for X nanaman? Puro na lang X hinahanap namin, pwede bang si the One na lang?
If you prick us, do we not bleed? If you tickle us, do we not laugh? If you poison us, do we not die?
Naku po, uuwi na si Daddy mula sa Mindanao. Paano ba ito, paano kung mahalata niya na pangbeauty queen ako at hindi pang sundalo?
Mabilis na lumingon si Alex sa kanyang bandang kaliwa. May ilang mga estudyante lang siya na nakita na natahimik nagbabasa. Ang pinakamalapit sa kanya ay si Bruno, ang judo champion ng kanilang eskwelahan lang ang nakita niya na nagbabasa ng isang text message mula sa kanyang cellphone.
Kumaripas ng takbo si Alex sa palabas ng silid.
Hindi niya inalintana ang tawag ng librarian na: "Ms Rivera! No running inside the library!"
Dumiretso si Alex sa fountain na nagkataon nasa tapat ng mga comfort room. Yumuko siya para uminom ng tubig pagkatapos ay winisikan niya ang kanyang mukha.
Iniisip niya na baka kulang nga lang siya sa tulog; nagpuyat nga naman siya para tapusin yung scrap book para sa Home Economics. Iniisip rin niya na baka panis yung siomai na kinain niya nung tanghalian. Sumandal siya sa bahagya sa dingding sa tabi ng fountain.
Kring-kring-kring-ding-ding-ding-ding!
Tumunog na ang bell para sa susunod na klase at nagsimula na maglabasan ang mga estudyante sa mga kwarto malapit kay Alex.
Maraming nag-uusap, kwentuhan, bulungan, tawanan at biruan. Dumiretso ang tindig ni Alex.
Parang may iba dun sa naririnig niya...
Mayroong mga boses na buong-buo at mayroon naman parang mabulong lang na ihip ng hangin... Yung mga parang bulong, mas mabababa ang boses o kaya ay parang pumipiyok.
Huminga ng malalim si Alex, nag-pokus ng maigi sa mga naririnig niya at nagmatyag sa mga dumadaan sa harap niya.
Ang ganda ni Mia kaso mukhang bulldog yung boyfriend...
Hahaha buti nga kay Raul! Akala ng crush niya na siya yung umutot - pero ang totoo, ako yun! HAHAHA!
...patay, hindi pa rin memorize yung monologue ni Shylock sa Merchant of Venice. Boljak ako nito, yari...
Si Salvi at si Damaso, Pransiskano...Sino nga ba yung Dominikano? Alam ko meron eh...
Ang seksi nung new student, ang kinis pa...kaso sarat yung ilong.
Nanlaki ang mga mata ni Alex dahil unti-unti na niyang napapagtanto kung ano yung naririnig niya. Patuloy niyang tinitingnan ang daloy ng mga tao at kung saan nanggagaling ang mga tinig na naririnig niya. Wala siyang naririnig mula at papunta sa comfort room ng mga babae, puro lamang sa mga lalaki.
Ang naririnig niya ay hindi totoong mga salitang sinasabi, ang naririnig niya ay...
ARAYKOPOOOOOOOOOOO! NAIPIT SI JUNIOR SA ZIPPER NG PANTS KOOOOOOOOOOO!!!!!!!!
Ang pawang mga iniisip ng mga lalaki lamang.
BINABASA MO ANG
I Can Hear You
Teen FictionPakiramdam ni Alex ay isa siyang miyembro ng X-Men dahil parang may superpower siya - nakakarinig siya ng mga iniisip ng mga tao sa kanyang paligid. Dapat nagpapasalamat siya na hindi lahat ng tao naririnig niya dahil kung hindi, matagal na siyang n...