Kabanata 2

27.7K 677 12
                                    


Kirsten

“Chief, kumusta ka na?”

Napatigil ako, maging sila, nang marinig namin ang boses ni Tito Raymond na paparating. Mahahalata ang kawalang galang ni Tito sa lalaki base pa lamang sa tono ng boses nito.

Tinapunan ako nito ng tingin, bago lumipat kay Dark na biglang sumeryoso ang mukha. Sumaludo pa ang mga ito kay Tito.

“Magandang araw, Mayor Alonzo. Mabuti naman po ako,” magalang na sambit ni Dark, ngunit napansin ko na biglang nag-iba ang awra nito.

Ngumiti si Tito at saka ako hinawakan sa ulo. “Mabuti naman kung ganoon.” Napansin ko rin ang kaplastikan ni Tito kung ngumiti kaya kinabahan ako. “Oo nga pala, pasensiya na kung kukunin ko na ngayon ang pamangkin ko. Kailangan na naming umuwi, mga hijo, hija.”

Wala na akong nagawa nang tangayin ako ni Tito paalis.

Nilingon ko pa sila at kumaway muna ako’t nagpasalamat bago kami sumakay sa kotse.

Hindi ko alam kung bakit bigla akong nalungkot.

Kahit nahihiya ako kay Dark kanina ay masaya akong kasama siya. Pero ngayong uuwi na kami ay tila bumalik sa dati ang pakiramdam ko.

Tahimik naman si Mayor nang umandar na ang kotse. Ngunit pansin ko ang pagngisi-ngisi nito.

“Kristen, Kirsten...”

Takot na napatingin ako rito nang banggitin nito ang pangalan ko habang napapahalakhak.

Nang tingnan ko ang driver namin ay wala lang itong pakialam. Patuloy lamang itong nagmamaneho.

Nilingon ako ni Tito Raymond at ngumisi sa akin nang malaki. Pinisil nito ang pisngi ko nang marahan na hinayaan ko lamang.
“Ikaw lang pala ang solusiyon ko, pamangkin. Mabuti lang pala ang pasya ko na isama ka roon. Mamaya pag-uwi natin ay may pag-uusapan tayo sa opisina ko, okay?” mahinahong anito at binitiwan na ang pisngi ko.

Napahinga ako nang malalim at saka marahang bumuntong hininga. Ano naman kaya ang pag-uusapan namin?

Base sa nakikita kong ekspresiyon ni Tito ay mukhang may hindi ito magandang plano.

Muli na lamang akong napatingin sa labas ng bintana. At napangiti pa ako dahil napansin ko na hindi na pala makulimlim ngayon. Sumisilip na ang haring araw.

Nang makarating kami sa mansion ng Alonzo ay agad kaming bumaba ni Tito. Agad na ako nitong sinenyasan na magtungo sa opisina nito sa ikalawang palapag nitong mansion.

Wala na naman na akong nagawa kundi ang sumunod dito. Tahimik kong tinahak ang daan papunta sa opisina ni Tito.

Malungkot na naman ang buhay ko rito. Nais ko sanang magtungo sa mall mamayang gabi kapag nakapagpahinga na ako.

Mamaya kasing hapon ay magtatahi ako ng mga dress na dadalhin ko sa shop ko upang ibenta. Iyon lang naman ang trabaho ko kaya kahit papaano ay nakakaipon ako ng pera.

Nang makarating sa opisina ni Tito ay marahan kong pinihit ang seradura ng pinto at tahimik na pumasok sa loob.

Malinis at maayos na kagamitan ang sumalubong sa akin pagkapasok ko. Mamahalin din ang ibang mga gamit ni Tito rito na basta na lang niya binili.

Bumuntong hininga ako bago maupo sa sofa na narito.

Kumusta na kaya ngayon si Dark? Ano kaya ang ginagawa niya ngayon?

Nakagat ko ang ibabang labi. 

Napailing ako. Bakit ko ba siya iniisip? Hindi na rin naman ata kami magkikita pa niyon. Pero kapag nagkita kami ay sisiguraduhin kong siya naman ang ililibre ko.

The InnocentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon