Mahikal na mistulang fairytale at parang Romeo and Juliet ngunit walang may namatay. Isa siya sa mga magandang pangyayari sa paglitaw ko sa mundo. Pangyayaring magbibigay ng kulay sa itim at puting istorya ng buhay ko.
Ito'y sintamis ng kendi. Pinipilahan sapagkat di lahat ay nabibigyan. Hindi basta- basta napapantayan. Kasiyahan na hindi mapapalitan at isang panaginip na sa wakas ay nakamtan.
Parang agos ng tubig na walang katapusan. Kahit tangayin ka ay wala kang pakialam sapagkat alam mong may magsisilbing iyong salbabida. Magkaibang nilalang na biglang napag-isa na kahit daanan ng malakas na bagyo'y di matitibag.
Ngunit bakit isang araw, sa pag dilat ng aking mga mata sabay ang pagpatak ng ulan ay biglang nanlamig ang dati'y mainit na kapaligiran? Nakita ko siya at tinawag ko ang pangalan niya ngunit di ako narinig. Papalapit na sana ako ngunit bigla akong napako mula sa kinatatayuan ko. Kitang kita ng dalawa kong mata ang taong minsa'y naging akin ay hawak na ngayon ng iba. Ang dating makulay ay mistulang bumalik sa dati niyang kaanyuan. Biglang dumilim ang paligid. Tila bagang naidlip si haring araw sa di inaasahang sandali. Sabay ng pagpikit ng mata ang pagtulo ng luhang dati'y lumalabas lamang kapag sobra ang tuwa ngunit ngayon ay iba na. Biglang gumuho ang mundo ko kasabay ng mga pangarap na aming binuo. Akala ko'y hindi ito basta- basta matitibag ngunit ako pala ay nagkamali.
Takot, pangamba at galit ang lumamon sa pusong minsa'y nangarap at umasa. Ang mata'y nangingitim dahil sa walang humpay na pagtulo ng luha. Kasabay nito ang pagkulog at pagkidlat na para bang nakikiramay sa masidhing pagtangis kong iyon. Nakakatakot at napakasikip na ng daanan. Puno na ng matataas na bakod at malalaking puno. Wala nang madaanan. Wala na ni isa ang makakapasok. Sinarado na ang lahat ng maaaring pasukan. Ang malambot na puso ay naging isang bato na lamang.
Ang akala kong paraiso ay napalitan ng isang kagubatang napakadilim. Mga himig na dati'y napakaganda, ngayon ay isa na lamang tuyo at napabayaang halaman gayundin ang mga pangakong napako ay dinala na lang ng malamig na hangin. Bawat araw ay isang bangungot. Pilit kong tumakas ngunit ang mga kadena ay sadyang napaka lakas. Puso'y naghihinagpis dahil sa masalimuot na pangyayari. "Bakit ika'y sumuko ng wala man lang pasabi? Akala ko ba'y kahit bagyo ay hindi tayo kayang sirain, ngunit tag-ulan pa lamang ika'y naghanap na ng ibang masisilungan." Kasabay ng pagbuhos ng ulan ang pagtulo ng aking luha. Tumingin ako sa paligid ngunit ako pala ay nag-iisa na lang sa gitna ng kalsada. Dahan- dahan akong naglakad papunta sa bahay gamit ang payong na dati'y kaming dalawa ang gumagamit. Lahat ng ito ay aking naranasan sa pagmamahal ko sa maling tao. Hindi pala siya. Iba pala.
![](https://img.wattpad.com/cover/93826055-288-k450984.jpg)