Lahat ng tao ay nabubuhay sa mundong ito dahil mayroon siyang misyon na dapat maisakatuparan. Misyon na inatas sa kanya ng Diyos upang magbigay gabay sa mga taong nangangailangan nito.
Isang umaga habang ako'y sarap na sarap mula sa aking pagkakahimbing ay biglang may yumugyog sa aking kama. "Anak, gising" marahan na pagsabi ng aking ama't ina. Gumising naman ako ngunit hindi pa ako masyadong makabangon sapagkat ako'y inaantok pa. Nang babalik na sana ako mula sa aking pagtulog ay nagsalita ulit si mama, "Anak patay na si Lolo." Bigla akong natigilan. Bumukas bigla ang aking mga mata ng pagkalaki- laki. "Totoo ma? Bakit?" Sagot ko naman sa kanila. Nagmamadali si mama ng pag impake ng kanyang mga gamit. Sinabi niya na sumunod na lang daw kami papunta sa bahay nila lola.
Ako si Isang. Isa sa mga apo ng tatay ng aking ina (lolo). Noong bata pa lamang ako, nakaugalian na ng aking lolo at lola (mother's side) na bumisita sa amin sa Aroroy. Sila ay nakatira sa Esperanza, parte rin ng Masbate na limang oras ang gugugulin bago makarating sa amin. Minsan kapag nasa trabaho ang aking mga magulang, sila ang nagbabantay sa akin. Matatakutin kasi ako, iyakin at hindi kayang mag-isa sa bahay lalo na't walang mas nakakatanda ang nagbabantay sa akin. Inaalagaan nila ako at kinekwentuhan ng kahit ano.
Ang lolo ko ay retired Principal at ang lola ko naman ay retired Public Schools District Supervisor kung kaya sila ay madaming sinasabi at pinapaalala sa akin. Ang aking Lolo ay medyo strikto kaya sa tuwing mayroon akong gustong gawin ay inaalam niya muna. Malapit silang dalawa sa aking puso dahil madalas kaming nagkikita. Tuwing pasko ay kami naman ang pumupunta sa kanila kasama ang iba pang miyembro ng pamilya. Nagkakaroon ng reunion tuwing Disyembre sapagkat ang lahat ay magkakasama at sabay- sabay nag diriwang ng pasko.
Tandang-tanda ko noon, kapag kami nang magpipinsan ay nagsasama-sama sa iisang lugar ay bigla kaming tinatawag ng aming lolo. Kami naman ay kumakaripas ng takbo sapagkat alam namin na bibigyan kami ng pera. Nakaugalian na kasi sa aming pamilya na sa tuwing kami ay magkikita-kita, sigurado na na mayroon kang matatanggap na pera mula sa kanila. Dahil sa madami kaming magpipinsan, kami ay nagpipila pila sa harapan ng aming lolo. Isa- isa niya kaming binibigyan at kami naman ay nagpapasalamat. Sa tuwing matatapos ang bigayan, lahat kami ay hindi umaalis sa kanilang harapan dahil alam na namin ang susunod.
"Mga apo, mag-aral kayo ng mabuti ha? Tandaan niyo na ang karunungan ang kailanma'y hindi mananakaw sa inyo kaya pahalagahan niyo yan(...)" tulad ng nakasanayan, ang aming lolo ay nagpapaalala sa amin ng mahahalagang bagay na dapat naming gawin. Patuloy lang siyang nagsasalita habang kami ay maayos na nakikinig sa kanya. Tahimik ang paligid. Kahit mga paslit pa lamang ay dapat nang mabusog sa mga magagandang-asal at gawain kung kaya't kami ay lumaking naging maayos na mga bata.
Sa tuwing kami ay naglalaro ng aking mga pinsan at minsan ay nag-aaway away. Ang aming lolo ay biglang lumalapit sa amin at pagsasabihan kami. Itatama kung sino ang may mali ngunit walang kinakampihan. Madalas si lolo ay nakikipagkwentuhan din, nakikipag biruan siya tapos darating ang aming lola at sabay silang makikipag-usap sa amin.
Habang lumilipas ang panahon, sila ay tumatanda at humihina na. Kung dati ay nakaka byahe pa sila papunta sa bahay ng kanyang mga apo't anak, ngayon ay kami na lamang. May ilang nagbago na dahil sa minsan ang lolo namin ay di na masyadong nakakakilala ngunit ang pagmamahal at pagsasama ay nananaig pa rin.
Disyembre 2014 noon, ay sinugod sa ospital ang aking lolo. Dahil sa mahina na, marami na siyang dinaramdam at pinapainom sa kanya. Doon na kami nagpasko. Ngunit noong naging malakas na siya, pinauwi na din kami pagka umaga noon.
Nag bagong taon na. Masaya ang lahat dahil sa panibagong buhay. Nang matapos ang bakasyon ay bumalik na ang pasukan. Ngunit matapos ng ilang araw, Disyembre 15, 2015 ay pumasok ang di inaasahang pangyayari.
Ngayon ay bumibyahe na kami papunta sa Esperanza kina lola, suot-suot ang puting damit. Hindi ko inaasahan na sa susunod ko siyang makikita ay nakasuot na siya ng barong, nakaratay sa parang puting kahon, at nakapikit ang mga mata, punong-puno ng bulaklak sa paligid. Malungkot ngunit alam kong masaya na siya ngayon.
Alam kong tapos na ang misyon niya sa mundong ito at sinundo na siya ng ating Panginoon upang makasama niya habang buhay. Mga karanasan niya habang siya'y nabubuhay pa at sa mga taong natulungan niya. Alam ko na hindi naman ito ang huli naming pagkikita. Ang mga alaala at pabaon niya na ibinigay sa amin na mga apo niya ay ang magsisilbing inspirasyon namin sa araw-araw. Ang pagiging mabait at matulungin sa kapwa ang pinakamahalagang sangkap upang ika'y mabuhay ng masaya. Kami naman ang magpapatuloy sa nasimulan niya gamit ang mga kaalaman na natutunan namin sa kanya. Mag- isa man ngayon ang aming lola, hindi naman namin hinahayaan na siya ay malungkot. Kami ay nandito pa rin para alagaan siya.