Sa Likod ng Karanasan

990 4 0
                                    

-----> This article was published in Liwayway last April 25, 2011...

Most embarrassing moments ba kamo? Sa aming tatlong magka-babata, ang mga mali sa buhay namin ay pilit naming tinatawanan. Pero hindi lahat ng mali, nakakatawa, may iba na dapat mong harapin nang seryoso at panindigan. May mga pagkakamaling kailangang itama.

            Bago ko ikuwento ang mga nakakatawa, nakakatuwa at nakakaiyak naming kwento, hayaan ninyo munang ipakilala ko sa inyo ang dalawa ko pang kababata. Sina Ayrein at April. Mga walang muwang pa kami noong una kaming magkakila-kilala. Nagsimula iyon sa pag-lalaro ng jackstone. At kahit na hindi marunong si Ayrein, na siyang pinakabata sa amin, sinasali pa din namin siya ni April sa laro, kahit dalawang kamay kung saluhin niya ang stars at bola. Sino ba naman ang mag-aakala na ang simpleng larong bata pala ang mag-papatibay sa aming samahan bilang magkakaibigan? Labing anim na taon na ang nakalipas, natutuwa akong sabihing magkakaibigan pa rin kami ngayon.

            Hayaan ninyong simulan ko ang kuwento sa sarili kong kapalpakan. Paano ko ba makakalimutan ang tagpong iyon?  Noong bago pa lang ako dito sa pinagtatrabahuhan ko, sabay kaming pumasok ni April, maulan noon, pagbaba ko sa jeep, sinubukan kong iwasan ang maliit na baha sa gilid ng bangketa, sa pamamagitan ng pag-talon pero  imbes na maiwasan ay nalugmok ako lalo sa baha na kay itim pa ng kulay. Kitang-kita ni April ang pangyayari pero ano ba naman ang magagawa ng hamak kong kaibigan na naka-sakay sa jeep at patungo na sa kaniyang opisina kundi ang mapa-isip kung ano ang nangyari sa akin at matawa pa nga. Dali dali akong nag-bihis pagdating sa opisina.

            Nakakatawa at nakakahiya pero ang natutunan ko sa nangyari sa akin? Minsan kahit anong gawin mong iwas, nalulugmok ka pa rin sa mali. Kaya dapat kung may nakikita ka nang panganib, wag ka nang magtangkang sumuong, kung may ibang daan naman na mas ligtas at mas maayos, gaano man iyon kalayo o mas mahirap, mas maiging iyon na lang ang tahakin, kaysa harapin ang maruming “putik” na kahihinatnan ng mga maling pasiya natin sa buhay.

            Minsan sabay-sabay kaming tatlong pumasok sa trabaho. Habang sakay ng LRT, naalala ni Ayrein ang nakakahiya at nakakatawang karanasan niya sa nasabing pampublikong sakayan. Noong first time niyang sumakay sa LRT, hindi niya inaasahan ang tulakan at balyahan na nangyayari doon, kaya’t nang dumating na ang train, siyang dumog ng mga nag-uunahang pasahero, naipag-tulakan si Ayrein sa kung saan-saan, nadapa siya at naiwanan niya ang sapatos niya sa flatform. Nakasakay nga siya sa LRT nang walang sapatos. Naluha kami sa katatawa ni April.

            Pero naisip ko ang pangyayari kay Ayrein ay tulad ng mga “first time” sa buhay natin. Wala tayong alam. Akala natin ok ang papasukin natin, akala natin tama ang ginagawa natin, akala natin madali ang lahat ng una. Pero hindi, baka nga sa pagtatangka nating suungin at malaman ang lahat ng di natin alam, madapa tayo at mapag-apak-apakan pa nga ng mga taong mapag-samantala. Baka ma-realize na lang natin na naranasan nga natin ang “first time” pero wala na tayong suot na sapatos. Baka mas marami ang nawala sa atin kaysa sa naidagdag.

            Naglalakad na naman kami ni April. Pauwi na kami ng bahay, bigla na naman siyang natapilok. Natawa siya. Madulas kasi ang suot niyang sapatos. Napansin ko ang pilat sa legs niya. Tinanong ko siya kung anong nangyari doon. Ikinuwento niya na nalapnos siya ng tambutso ng motor nang minsang umangkas siya sa pinsan niya. Akala niya daw kung ano lang mainit, hanggang maya-maya nakita niya lapnos na pala yung balat niya.

            Natawa ako habang ikinukuwento niya ang nangyari sa kaniya. Akala ko kami lang ni Ayrein ang may mga embarrassing moment. Siya din pala hindi lang siya makuwento. Napag-isip isip ko, minsan dahil sa labis na pag-nanais natin sa thrill at saya, nagiging manhid tayo. Manhid sa payo ng mga magulang, manhid sa mga paalala ng mga kaibigan at ng mga taong nag-mamalasakit sa atin. Minsan, bago tayo magising, huli na pala ang lahat. Nalapnos na pala ang ating balat. At ang mga aral sa mga pangyayari sa buhay natin, gaano man natin naising talikuran ay nag-iwan na ng di mawawalang pilat.

            Labing anim na taon. Ang dami na naming pinag-daanan. Hindi biro ang mga problemang napaharap sa aming tatlo. Si Ayrein ay nadapa minsan, sa kasalukuyan isa siyang dalagang ina. Kinakailangan niyang mag-trabaho para mabuhay si Joshua. Si April ay napaso nang minsan sa maling pag-ibig. Sa kasalukuyan pilit niya pa ring pinag-lalabanan ang depresyon na naging resulta ng masakit na pangyayaring iyon sa buhay niya. Lubha siyang abala sa trabaho kasi siya ang bread winner ng pamilya niya. Ako? Naligwak ako sa putikan. Sa putikan ng pag-kakasakit, sa putikan nang maling pag-ibig. Pero nakabangon na ako ngayon. Masaya ako na tinulungan ako ni Jehovang patuloy na bumangon.

            Nasa likod lang ako nila April at Ayrein, ayokong tumigil ni mag-sawa na manatiling nasa likuran nila. Hindi nakakatawa ang naging resulta ng mga buhay namin, di gaya ng mga embarrassing moments sa buhay namin. Pero lumalaban kami. Hindi kami nawawalan ng pag-asa. Alam namin na sa likod ng mga luha, ng mga kirot namin, may Diyos na masasandalan. At narito kami para sa isa’t isa. Gaano man kalayo ang marating naming tatlo.# 

Sa Likod ng KaranasanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon