Limang taon na ang nagdaan
Mula nang tayo'y naging magkaibigan
Ikaapat na markahan ng limang baitang
Isang pagsusulit ang ating pinaghahandaan
Noong una pa nga'y nagkakahiyaan.
Nakakatuwang isiping, tandang-tanda ko pa
Kahit mga simpleng detalye na dapat ay limot ko na
Tulad na lamang ng pwesto mo sa lamesa
Mga pangungulit mo't pagpapatawa
Maging pagtatago ko ng bag mo sa tabi ng upuan ng iba
Noon pa nga'y niloloko kita
Sa isang babae na ngayo'y kaibigan ko na
Kaya naman sa aki'y naiinis ka
Ang ganti mo'y pagpapaulit ng sinasabi ko sa una
Kapag ako ang nagbabasa ng mga tanong nila
Limang beses ko kung ulitin
Ang mga tanong na ibinigay sa akin
Ngunit sabi mo'y boses ko'y kayhinhin
Kaya di mo marinig kahit anong sigaw ang aking gawin
At ako'y napunta pa sa likuran upang ikaw'y intindihin
Araw-araw para tayong mga bata
O di kaya nama'y mga aso at pusa
Ngunit naging malapit sa isa't isa
Na talaga namang nakapagtataka
Dahil para tayong matagal nang magkakilala
Ngunit bago matapos ang ilang linggong paghahanda
Ako sa iyo'y iba na ang nadarama
Ewan ko kung kailan nagsimula
Basta't pagkagising isang umaga
Ikaw na ang kinasasabikang makita
Matapos ang pagsusulit na ating pinaghandaan
Tila nakalimutan ating pagkakaibigan
Na para bang tayo'y nagkakalamigan
Na kung dati'y nagbabatia't nagkakawayan
Biglang nagbago't naging bihira na pati ngitian
Kaya naman minsan ako'y nagtataka
Ako ba'y may nagawang mali para lumayo ka
Kaya naman kalungkutan ko'y ibinahagi sa iba
At saktong noong nakasalubong kita
Ikaw ay niloloko nila sa iba
Oo nga't masakit
Ngunit kahit anong pait
Wala akong magawa kundi tanggaping pilit
Ayoko namang sarili ko sa iyo'y ipagpumilit
Pagkat itong nararamdaman ko'y dapat nang ipiit
Niloloko rin naman nila ako sa iba
O hayan pantay na tayong dalawa
Yun nga lang ang ating ipinagkaiba
Ako sa iyo'y nagkagusto na
At ikaw nama'y may pagtingin sa iba
Sa lahat naman ng dapat tandaan
Isa lang ang aking nakalimutan
Ito ay kung paano tayo muling nagkahiyaan