Pinaniniwalaan ng sangkatauhan na mayroong dakilang diyos ngunit hindi nila alam ang pangalan nito. Base sa kanilang paniniwala, mayroon itong apat na anak na nangangalaga ng apat na elemento ng daigdig. Si Ignis, ang diyos ng apoy, Si Arja ang diyos ng hangin, si Viz ang diyos ng tubig, at si Terra ang diyos ng lupa.
Silang apat lamang ang naninirahan sa kaitaasan ng kalangitan kung saan matatagpuan ang kanilang kaharian.
Sa ilang libong taon na pananatili sa kanilang palasyo, ang bunsong anak na si Terra ay nalungkot. Ang ginagawa lamang niya sa araw-araw ay panoorin ang payak na pamumuhay ng mga tao. Tuwing ginagawa niya ito ay may partikular siyang tao na laging hinahanap. Siya si Helga, isang binibini na may angking kaakit-akit na kagandahan at nakatira sa maliit na lupain na pagmamay ari ng kaniyang mga magulang.
Tuwing lalabas ng bahay ay sinisipat niya ito habang pumipili ng makukulay na bulaklak sa kanilang bakuran.
Mahigpit na ipinag uutos ng dakilang diyos na huwag bababa ang magkakapatid sa lupa dahil posibleng mahulog ang loob nila sa mga ito at malimutan ang kanilang tungkulin bilang diyos. Ngunit lingid sa kaniyang kaalaman, bumibisita si Terra sa lupa upang makisalamuha sa mga tao.
Sa pamamagitan nito ay nakilala niya ng lubusan si Helga at lalo pang nahumaling rito. Nagpakilala si Terra bilang isang manlalakbay na mula sa malayong lugar at naghahanap ng pansamantalang matutuluyan.
Dahil sa kabaitang taglay ng mga magulang ni Helga ay tinanggap siya ng mga ito at pinatira sa kanilang tahanan. Tuwing nasa lupa siya ay dito siya tumutuloy.
Hindi nagtagal, lumipas ang maraming taon at nagkaroon na sila ng relasyon. Tanging si Helga lamang ang sinabihan ni Terra ng kaniyang tunay na pagkatao. Tumanda na rin ang mga magulang ni Helga at di kalauna'y namatay.
Pagdaan ng ilan pang taon ay biniyayaan ng anak ang magkasintahan kaya't agad silang nagpasiya na magpakasal. Sa araw ng kanilang kasal ay ipinagtapat ni Terra sa kaniyang ama ang ginagawa niyang pagsuway rito.
Labis na galit ang nangibabaw sa dakilang diyos kaya't itinakwil niya ito. "Nilapastangan mo ang kaisaisang utos na ibinigay ko sa inyong magkakapatid. Bilang parusa ay aalisin ko ang iyong pagkaimortal at katungkulan sa pangangalaga ng lupa. Kailan ma'y hindi ka na makakabalik pa sa kahariang ito!"
Maging ang mga kapatid ni Terra ay walang nagawa upang pigilan ang desisynon na ito ng kanilang ama.
Malungkot na bumalik si Terra sa lupa at iniabot ang balita kay Helga. Ipinagpatuloy nila ang balak na pagpapakasal at namuhay tulad ng normal na tao.
Gaya ng inaasahan, tumanda nga si Terra kasabay ng kaniyang kabiyak. Unti unting nangulubot ang kaniyang balat at pumuti ang kaniyang buhok.
Samantala, nagdalaga naman ang kanilang anak na pinangalanan nilang Nabi. Ibinigay nila ang lahat ng pangangailangan nito at namuhay sila bilang isang masayang pamilya. Kung minsan ay namamasyal sila sa kanilang nasasakupan at kumakain sa tabi ng kanilang hardin na puno ng iba't ibang klase ng bulaklak.
Tulad ng normal na tao, ang mag asawa ay dinapuan rin ng sakit at katandaan. Sabay silang dumanas ng paghihirap habang nakaratay sa kanilang kama. Bago sila makarating sa kanilang huling hantungan ay pinaalalahan ni Terra ang kanilang anak. "Nais kong tumatak sa mga tao ang kinahinatnan ng ginawa kong pagsuway sa aking ama. Sana'y magsilbing aral ito sa kanila. Bilang tanda ng aming pagmamahalan ng iyong ina, pangalanan mo ang lupaing ito bilang Dasmarinas na nangangahulugang makulay na hardin sa wika ng mga diyos." Gayon nga ang ginawa ni Nabi. Isiniwalat niya sa mga tao ang tunay na pagkatao ng kaniyang ama at ang pagmamahalan ng kaniyang mga magulang ngunit ng magbalik siya sa kailang tahanan ay dinatnan niya ang mga ito na wala ng buhay.
Labis na lungkot ang nadama ni Nabi sa panahong iyon. Ipinalibing niya ang kaniyang mga magulang sa kanilang bakuran habang tumatangis.
Kasaba'y nito, nagdadalamhati rin ang dakilang diyos sa kalangitan na nagdulot ng malakas na pag ulan. Sinumbatan niya ang mga diyos dahil sa nangyari sa kaniya. "Bakit ginagawa niyo ito sa akin?! Kunin niyo na lamang rin ako!"
Matapos ang pagbuhos ng ulan ay hinanap ng mga tao si Nabi ngunit ang tangi na lamang nilang nakita ay isang insekto na may maninipis at makulay na pakpak. Ito ang bagong anyo ni Nabi na magpapangalaga sa lupa at magpapayabong ng mga bulaklak sa ngalan ng kaniyang yumaong ama.
Kumalat sa buong Dasmarinas ang storya nina Terra at Helga at ang misteryosong insekto na noon lamang nila nakita. Pinangalanan nila itong paru-paro. Ito ang nagsisilbing tanda ng pag-iibigan ng isang diyos at mortal na minsang nangalaga sa lupa na kanilang tinitirahan.
Tuwing sasapit ang araw na iyon ay pinagdiriwang nila ang pista ng paru paro bilang paggunita at pag alala kay Terra at Helga.