Maraaming taon na ang nakakalipas, sinasabing ang Dasmarinas ay isa lamang malaking kagubatan at iilan lamang ang nakatira rito.
Pinamumunuan ito ng isang matandang lalaki na kung tawagin nila ay Tandang Mario. Si Tandang Mario ay sinasabing koneksyon sa pagitan ng tao at mga Diyos. Tuwing nais nila kausapin ang mga Diyos ay sa kaniya sila lumalapit.
Sa loob ng mahabang panahon, ang Dasmarinas ay naging malinis at mapayapang lugar para sa mga taong nakatira rito. Pinangalanan nila itong Dasmarinas ayon na rin sa nais ng kanilang panginoon dahil ito raw ay nangangahulugang tahanan ng kalikasan.
Tuwing umaga ay nag aalay sila ng prutas at gulay sa Diyosa ng Kalikasan na si Levi. Ginagawa nila ito upang mapanatili ang mabuting ani at magandang relasyon nila sa Diyosa.
Isang araw ay may isang matipunong binata ang naligaw sa gubat. Siya si Mako ng Omashu. Ayon sa kaniya ay matagal na siyang naglalakbay at naghahanap ng lugar na maaring tirahan ng permanente. Base sa kaniyang istorya ay siya lamang ang nakaligtas ng bahain ni Vatu na diyos ng ulan ang kanilang siyudad.
Sa pananatili niya sa Dasmarinas ay marami siyang impluwensyang naidulot sa mga tao. Natuto silang gumawa ng mga gusali, bahay na gawa sa bato at mga bagay na makapagpapadali ng araw araw nilang pamumuhay.
Unti-unti, pinutol nila ang mga puno sa gubat upang makapagtayo pa ng ilang establisyimento. Nakalikha sila ng sasakyan para sa transportasyon at marami pang iba.
Isang gabi ay nanaginip si Tandang Mario. Ang lugar daw nila ay wala ng mga puno at hayop. Tanging mga bahay at sasakyan na lamang ang makikita sa paligid. Mula sa kung saan ay naririnig niya ang boses ni Levi na galit na galit. Kumurap siya ng makailang ulit ng bigla nalamang naging madilim ang paligid. Sumigaw siya ng sumigaw ngunit wala siyang naririnig na pagsagot.
Nagising si Tandang Mario na hinahabol ang kaniyang hininga. Agad siyang nagtungo sa templo ni Levi upang kausapin ito. Tinakpan ng ulap ang mataas na sikat ng araw. Siya lamang ang nasa loob ng templo.
Ilang oras siyang nagdasal sa harap ng rebulto ng kanilang Diyosa hanggang sa lumitaw ito sa kaniyang harapan.
"Anong ginawa niyo sa aking lupain?! Isang kapat na lamang nito ang may mga puno at halaman. Nasaan na ang mga hayop na dating nagkalat sa paligid?"
Humingi ng tawad si tandang Mario ngunit hindi siya pinakinggan ng Diyosa.
"Lilisanin ko ang lupaing ito! Hindi ako magbabalik hanggat hindi niyo pa natututunan ang inyong leksyon."
Hindi na nakasagot pa si Tandang Mario. Nangilid na lamang ang luha sa kaniyangmga mata.
Itinaas ni Levi ang kaniyang kamay at mula rito ay lumabas ang maliliit na insekto na may makukulay na pakpak.
"Tawagin niyong paru paro ang mga insektong ito. Sila ang magpapaalala sa inyo ng dating ganda ng Dasmarinas. Ito rin ang tutulong sa inyo upang mamukadkad muli ang mga bulaklak at bumalik ang dating kulay ng lupaing ito."
Tinangkang hawakan ni Tandang Mario ang Diyosa ngunit bigla na lamang itong naglaho.
Isiniwalat niya sa mga tao ang masamang balita. Humingi ng paumanhin si Mako sa kaniyang nagawa at napatawad naman siya ng mga ito.
Mula noon ay nagsumikap na ang mga tao na mas paunlarin pa ang Dasmarinas at ibalik ang dati nitong ganda.
Ginugunita nila ang Pista ng Paru-paro bilang pag alala sa lumisan nilang Diyosa at sa pag asang isang araw ay magbabalik ito.