Makukulay na mga damit. Mga sigawang abot langit. Mga awit na sikat anim na buwan na ang nakaraan. Mga estudyanteng naggagala. Mga pisnging nagkikiskisan. Mga inang napagiwanan na ng panahon. Mga batang nakikisabay sa parada. Mga dyip na binihisan para magdala ng magaganda at naggwagwapuhang mga chikiting. Mga tindero ng popcorn, mani at mentos. Mga nakacostume na umiindak. Mga nakacostume na bumibili ng mentos. Magulo. Maingay. Masaya.
"Pare, kinakabahan ako," sabi ni Arthur.
"Tanga, mamaya pa tayong gabi," hawak ni Balong ang drumstick na mamayang gabi pa niya gagamitin. Si Arthur ang drummer pero si Balong ang may-ari ng sticks, yung sticks pa ng official na banda ng highschool yung gamit ni Arthur dati nung hindi pa siya graduate. Binawi na.
"Long, ano ba sabi? Ang aga pa, ba't nandito na tayo?" tumataas-baba ang tuhod ni Christian sa indak ng Gangnam Style. Tiningnan ni Balong si Arthur. Lahat ay nagtinginan kay sa hindi mapakaling Arthur.
"Yun yung sabi sa text, eh. Malay ko ba." Sagot ni Arthur.
"Patingin nga." Tumayo si Christian palapit kay Arthur.
Sabat ni Arthur. "Wala sakin. Naka'y Eloy," Kasabay ang kumpas ng kamay palikod.
"Nasan si Eloy?" tanong ni Balong.
"Nagbanyo saglit," sagot ni Arthur.
"Sabi ko sa inyo eh, GM lang yun. Yun din natanggap ng kapatid ko eh," sumingit si Dominguez na may mga matang lumilibot sa paligid. GM yun ng organizer sa lahat ng sasama, sa parada mula umaga, sa mga gusto makikain sa tanghali, sa beauty contest sa hapon, sa Ms. Gay pagkatapos ng pageant na pang-chikas, at sa battle of the bands kinagabihan. Malas lang nila na kasama sila sa huling paandar.
Mapanghi. Parang ihi ng pasyenteng ilang beses na tumakas sa dialysis. Sa paglabas sa nanlilimahid na banyo, sinalubong naman si Eloy ng matapang na simoy ng pawis. Mga ulo na lang ng mga lalaking mas matangkad kay Eloy ang tanaw liban sa basketball ring sa di kalayuan, ang palatandaan kung nasaan ang tropa.
Nakikipagsagupaan si Eloy sa dagat ng mga kili-kili at tagaktak na pawis ng mga galing sa parada. Pakikinggan pa nila ang anunsyo ni Mayor.
Pag-ahon ni Eloy sa karagatan ng kalibagan, tinatawanan pa siya ng tropa, "Puta. Loy, sino dumarag sa'yo? Balikan natin oh." Pati yung nagtitinda ng mga chichirya at tubig sa hindi kalayuan na nakarinig, hindi napigilang tumawa.
"Ano sabi?" tanong ni Eloy habang inaayos ang gusot na damit.
"Tanga ka ba? Ikaw yung galing sa harap, da't ikaw yung nakakaalam," sabat ni Arthur
Eloy, "Sabog yung speaker. Di ko maintindihan."
Arthur, "Mahina yung speaker. Di namin rinig dito."
Balong, "Baka tungkol sa parada kanina."
Christian, "Baka tungkol sa court."
Hanggang ngayon, hindi pa rin masagot ni Eloy sa kanyang sarili ang katanungan, "Bakit may basketball court sa harap ng Munisipyo?" Wala ring nakakaalam. Basta bago. Marahil ginawa ang court para sa liga na nagsimula isang linggo bago ang piyesta. Tapos na ang liga kaso pagkatapos pa ng battle of the bands ang bigayan ng mga trophy ng nanalo sa liga, para mayroong maiiwan para sa huling mga paandar.
Isang masigarbong palakpakan para sa isang talumpating hindi naintindihan.. Nagbarong pa siya para sa okasyon. Pinanood ni Domeng ang pagkaway ni mayor habang pababa sa stage kung saan sila tutugtog kinagabihan. Pumalakpak na rin ang tropa. Kahit yung mga pumapalakpak, nagtatanungan din kung ano ang sinabi ni mayor. Puro iling lang ang sagot.