BATO (Short Story)

121 2 0
                                    

Bato

By Joanna Marie delos Santos

            Marami na talagang nagbago sa lugar nila mula nang pumunta siya ng Maynila para mag-aral. Ilang taon din siyang namalagi sa Maynila at hindi umuwi sa probinsiya nila at nakitira na lamang sa tiyahin. Pero heto siya, narito na siya sa wakas sa lugar kung saan ginugol niya ang kanyang kabataan. Nakatapos siya ng kanyang pag-aaral at nagkaroon ng magandang trabaho. Ngayo'y umuwi siya baon ang tagumpay. Gayunpaman, alam niyang may kulang sa puso niya.

            Dala-dala ang isang maleta, nilakad ni Shiela ang ngayon ay sementado nang daan papunta sa bahay nila. Kahit tanghaling tapat ay hindi ramdam ang init dahil malakas ang hangin. Hindi na rin siya sumakay ng traysikel para malibot na rin ang lugar nila na ngayon ay ibang-iba na kaysa dati. Napasigaw siya nang biglang may tumama sa kanyang ulo na matigas na bagay. Nabitawan niya ang maleta at napahawak sa ulo.

            "Pasensya na", sigaw ng lalaki mula sa likuran.

            Napalingon si Shiela sa pinanggalingan ng boses. Nakatayo ang isang lalaki sa hindi kalayuan. Pamilyar ito sa kanya, at nang makita niya ito nang mabuti at saka bumilis ang tibok ng puso niya.

            Napalunok siya nang palapit ito sa kanya. Hindi siya maaaring magkamali, ito ang kauna-unahang lalaki na minahal niya. Malaki na din ang ipinagbago nito simula nang maghiwalay sila noong high school.

            "Jeric... K-Kumusta?" nautal si Shiela nang makalapit na ito.

            "Ang laki ng ipinagbago mo ha? Pumuti ka, nakapag-Maynila ka lang." biro pa nito sa kanya.

            "Hanggang ngayon palabiro ka pa rin...", aniya saka pinulot ang maleta ngunit mabilis itong nakuha ni Jeric. Ito na ang bumuhat niyon at nagsimula na silang maglakad.

            "Sinong nagsabi sa iyo na nagbibiro ako?" tumingin ito sa kanya." Pumuti ka nga, dati ang negra-negra mo at 'pag binato kita ng bato, kinukuha mo saka tinatago."

            Napakunot noo si Shiela, "Tinatago ko ang binabato mo?"

            Hindi na niya maalala ang sinasabi nito.

            "Oo, tinatago mo. Bakit, hindi mo na ba maalala?" tanong nito kasabay ang pagtitig nito sa kanyang mukha. Waring pinag-aaralan ang mga pagbabagong nakikita.

           

"Bakit ko tinatago?"

Napatawa si Jeric. Ang halakhak nito ang hindi niya malilimutan. Tuwing magkasama sila noon ay lagi siyang masaya. Naliligo sila sa ilog, namimitas ng mangga. Ang masasayang araw na magkasama sila ang hindi niya malilimutan. Ang panahong matagal nang lumipas.

"Ang gwapo ko ba?" biro nito nang mahuling nakatitig siya dito. Pinamulahan siya ng mukha.

Huminto sila sa may malaking puno para magpahinga at langhapin ang sariwang hangin. Tanaw mula sa kinalalagyan nila ang malawak na bukirin.

"Nakaka-miss pala ang ganito", nasabi niya saka napatingin kay Jeric.

Pero ang tingin nito ay sa malayo. Parang may malalim na iniisip.

"Ikaw kasi, umalis ka pa", sabi nito. Kung iisipin ay parang isang biro iyon, pero seryoso ang pagkakasabi nito.

Pilit ang naging ngiti niya. "H-hindi ako sanay na seryoso ka."

Napangiti si Jeric saka kinurot ang pisngi niya. "Malaki na tayo... hindi na bata para sa biruan."

Tumango si Shiela. "Malaki na nga tayo, pero hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman ko, nag-aral akong mabuti para pagdating ko dito ipagmalaki mo ako."

"Siyempre, ipinagmamalaki kita", saka hinawakan ni Jeric ang kanyang mga kamay. "Ibang-iba ka na. Mas gumanda ka, iba na ang pananaw mo sa buhay, may maganda ka nang trabaho sa Maynila. Masaya ako sa tinatamasa mo ngayon."

Napangiti si Shiela saka yumakap kay Jeric. Napakatagal na talaga magmula nang huli nilang pag-uusap. Ang pamamaalam niya noon bago siya tumungo ng Maynila. Naghiwalay sila, pero ipinangako niyang babalik siya para kay Jeric, para maipagpatuloy ang naudlot nilang pagmamahalan. At ngayon, napakasaya niya at nagkasama silang muli.

Kumalas si Jeric sa pagkakayakap saka tumayo. Hinatak siya nito patayo saka pinahubad sa kanya ang sapatos na suot. Ito na rin ang nagtupi sa pantalon na suot niya.

"Bakit?" nagtaka si Shiela.

"Lalakarin natin ang bukirin, ang mga lupang hindi pa natatamnan ng palay. Naaalala mo ba? Yan ang madalas nating gawin noon."

"Oo, naaalala ko", saka siya kumapit sa bisig nito at sabay tumungo sa putikan. Tuwang-tuwa siya ng mga sandaling iyon, parang ayaw na niyang matapos. Naghabulan sila na parang mga bata. Nadumihan na din ang mga damit nila at ang mukha niya. Nang mapagod ay muli silang tumungo sa puno kung saan naroon ang gamit niya.

"Ang dumi natin", tuwang-tuwa niyang sabi.

Hindi kumibo si Jeric, pinunasan nito ang mukha niyang nagkaroon ng putik.

Pilit ngumiti si Jeric na pinagtaka niya. "Ihahatid na kita", sabi nito.

"Sandali", aniya. "Jeric... salamat."

Napabuntong hininga si Jeric saka tumingin sa malayo. Siya naman ay naguluhan sa ikinikilos nito.

"Jeric?"

"Shiela, tutungo na ako ngCebu", bigla ay sabi ni Jeric na ikinagulat niya. Parang bigla ay nawala ang saya sa puso niya.

"C-Cebu? Bakit? Anong gagawin mo doon?" lumakas ang tibok ng puso niya, sobrang kaba ang nararamdaman niya. "Kararating ko lang tapos aalis ka na?"

"Kararating ko lang din galingCebu. Nagkataon na nabalitaan kong dadating ka dito kaya tayo nagkita ngayon. Pero Shiela..."

Parang kakapusin si Shiela ng hininga. Hindi makagalaw sa kinatatayuan.

"May pamilya na ako", deklara ni Jeric. Parang may kung anong tumarak sa puso niya pagkarinig niyon. Tumalikod siya, tinakpan ang bibig para hindi marinig ang pag-iyak niya. Tuloy-tuloy lang sa pagtulo ang luha niya. May pamilya na ito?

"Ang tagal mo kasi, h-hindi na kita naintay dahil ang akala ko nakalimutan mo na ako. Ang tagal kong nag-intay Shiela, pero hindi ka man lang nagpakita, kaya nahulog ang loob ko sa iba."

Napapikit si Shiela at pinunasan ang luha. Hindi niya rin ito masisisi dahil hindi siya nagpakita dito. Ngayon, may pamilya na ito. Hindi na niya maibabalik ang dati,sanaay hindi na lang siya umalis. Pero huli na ang lahat.

Pilit ngumiti si Shiela. "Naiintindihan kita, gayunpaman, nagpapasalamat ako at ipinaalala mo sa akin ang magagandang alaala," nakagat niya ang pang-ibabang labi dahil hindi niya mapigilang maiyak. "Balikan mo ang pamilya mo saCebu. Hindi kita makalilimutan."

Tumango si Jeric at muli siyang niyakap.

"Alam kong makakahanap ka ng karapat-dapat sa iyo. Napakadali mong mahalin Shiela. Hindi din kita makalilimutan", wika nito. Iyon na ang pinakahuling yakap na magmumula dito.

Muling napangiti si Shiela, "Bakit ko tinatago ang batong binabato mo noon?"

"Dahil negra ka noon, ang mga batong ibinabato ko sa iyo ang ipinanghihilod mo. Pero heto, maputi ka na kaya hindi na ako magtataka nang hindi mo kunin ang batong binato ko."

At nagkatawanan silang dalawa. Alam niyang makakahanap din siya ng bagong magmamahal sa kanya. Nakahihinayang man, wala na siyang magagawa. Hindi man ngayon, alam niya balang araw may darating para gamutin ang puso niyang binigo ng panahon.

 ---------------------------------------------------WAKAS--------------------------------------------------

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 11, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

BATO (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon