Insanity,
Matagal na tayong magkasama, hindi man naging tayo, aaminin kong masaya na ako na naging mag-kaibigan tayo. Kahit hanggang 'dun lang, masaya na ako, ang mahalaga sa'kin ay nakasama kita.
'Di ko akalaing ang pag-ibig ko'y tatagal, ilang taon na ang lumipas, anim na taon na ang binilang nitong nararamdaman ko para sa'yo, at sa mga taong 'yon, ay kahit kailan, hindi naging tayo. May punto kung saan, sa wakas, umamin ka rin na mahal mo rin ako, ngunit hindi 'yon sapat para gawin mo akong iyong kabiyak. Hindi ko mawari kung ano ang dahilan, kung ako ba ay masyadong agresibo sa aking nararamdaman, o dahil ako'y iyong minamahal dahil sa aking ipinaparamdam.
Matagal na akong naghihintay para sa wakas, ay mahalin mo rin. Gusto kong mahalin mo ako na tipong handa kang sumubok uli sa isa pang relasyon, dahil sa ayaw at sa gusto ko, wala akong magawa kundi ang hintayin ka. Sinubukan kong alisin ang aking nadarama, ngunit kahit ilang beses pa kitang kalimutan, bumabalik at bumabalik ka pa rin sa aking isipan.
Minsan, nasasabunutan ko na ang sarili ko sa sobrang inis, bakit ba sa lahat ng tao, sa'yo pa? May iba namang nagmamahal sa'kin, ka-babae kong tao, ako ang nanliligaw sa'yo, pero bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo, mas marami pa sa kanila ang nararamdaman ko para sa'yo?
Ni hindi ko nga maintindihan kung paano nagsimula ang pagmamahal ko sa'yo, sa unang beses na makita kita, alam ko na na ikaw ang magiging kasukdulan ko.
Ipinagkatiwala ko sa'yo ang puso ko, ngunit binibiyak mo lamang ito na parang bato, kahit pa gusto kong bawiin ang puso kong durog, lagi akong napapaatras kapag ako ay lumalapit na sa'yo.
Pinatayog ko ang aking pader, ngunit ako mismo ang sumisira nito kapag ikaw na ang kaharap ko, hindi ko alam kung bakit gustong-gusto kong saktan ang sarili ko sa pamamagitan mo, ang alam ko lang ay sobra na ang nararamdaman ko.
Ni minsan ay hindi mo napagtanto ang tunay kong halaga, lagi mo lang akong binabalewala at pinaghihintay sa wala, at sa hindi ko maintindihang kadahilanan, hindi ko parin magawang humakbang palayo sa taong nananakit sa'kin.
Para kang bagyo na kahit anong gawin kong pagpa-payong ay mababasa pa rin ako, parang kapag tinanong mo ang isang bulag kung ano ang kulay ng bahaghari, o kaya'y tanungin mo ang isang bingi kung ano ang paborito nilang kanta.
Ganun kahirap ang paglimot sa iyo, matagal ko nang sinisikap na balewalain ang lahat nang ito, pero isang ngiti mo lang ay hulog uli ako.
Kung sakaling ito'y iyong mabasa, sana iyong maintindihan na nais ko lamang iparating ang sinasigaw nitong damdamin, na sa bawat linya ng letrang ito ay isang babaeng naghihintay na mapansin mo.
Alam kong hindi ako kagandahan, hindi rin ako ang babaeng hinahangad ng lahat, hindi rin ako katalinuhan, marami man akong maling nagawa sa buhay ko, iisa ka man sa mga maling desisyon ko, ang alam ko lang ay masaya ako kahit pa nasasaktan na ako.
Martyr, 'yan ang tawag sa tulad ko, isang martyr na hindi magawang bitawan ang lubid na sumasakal sa kanya.. na kahit gaano kasakit ay tinitiis pa rin.. dahil sa pagmamahal niya.
Maraming salamat sa iyong pagbabasa, at sana'y dumating ang araw na ito ay mawala.
Nasasaktan,
Lenalie