Dear Puso,
Sana nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap mo ng mensahe kong ito
Sana sa kabila ng lahat ng pinagdaanan mo, hindi ka pa manhid, hindi ka pa bato
Wala pa sanang namumuong kolesterol na bumabara diyan sa mga ugat-ugat mo
Sana tigilan mo na ang pagpapalpitate kapag iniinom ko na ang panlimang kape ko
Mahirap maging ikaw, pero sana kaya mo pa.
Puso, kailangan kong sabihin ito. Pasensya ka na
Pero, kasi, medyo nakakasawa ka na
Nung huli kasi akong nagpaalipin sa’yo, sobra-sobra na naman akong nasaktan
Ang dami ko na kasing nakitang mali, kaso ikaw, bulag naman.
Alam mo, puso, naiinis ako sa’yo
Kasi minsan, ang gulu-gulo mo
Sa larangan ng pag-ibig pasimuno ka
Hindi ako makatulog kasi nagwawala ka pa
Pero kapag iwanan na, biglang madudurog ka
Pero durog ka lang, puso. Ako lumuluha, inuuhog pa.
Mag-isip ka nga.
Bobo ka rin eh no?
Wala kang utak.
Buti pa yung utak ko naghahanap ng tamang gawin
Buti pa yung utak ko alam na minsan, mali ka rin
Buti pa yung utak ko nag-iisip, praktikal.
Kaso sa inyong dalawa, ikaw lang yung marunong magmahal
At mas mahalaga sakin yun kaysa sa maging isang taong intelektwal
Alam mo puso, ang totoo niyan, hindi ako nagsisisi
Hindi ako nagsisisi na sa malaking bahagi ng buhay ko, ikaw ang sinunod ko
Dahil sa mga pagkakamali mo, nakilala ko ang sarili ko
Nalaman ko kung saan ako malakas, kung saan ako mahina
Kung kailan kaya kong mag-isa, kung kailan kailangan ko ng kalinga
Nalaman ko na pag-ibig ang pinaka mahalaga sa lahat
Na kapag may pamilya na ko hindi ko naman uutakan ang aking mga anak
Ikaw pa rin ang masusunod dun, kasi mamahalin ko sila
At alam ko na kapag hindi kita sinunod, hindi ako magiging masaya.
Kaya mananatiling ikaw ang amo ko
Sayo ko ibabase lahat ng plano ko
Kapag may mga bagay na tumakbo sa utak ko, hindi ko muna hahabulin
Kailangang itibok mo muna ito.
Nagmamahal,
Ang nagmamay-ari sa’yo.