Ilang beses ba kailangang may mga taong mamatay
Para maging malinaw sa isip mo na maikli lang talaga ang buhay?
Na hindi mo hawak lahat ng panahon dito sa mundo
Para maipakitang mahalaga ang mga tao sa paligid mo.
Ilang beses ba kailangang sa’yo ay may mawala
Para maunawaan mo na pwedeng maparam na lang lahat bigla
Ang iyong kaibigan, isang iniibig, o ang iyong mahal sa buhay
Lahat ng malapit sa puso mo.
Lahat pwedeng mawalay.
Ilang beses mo na narinig ‘to.
Pero yung totoo…
Pinakinggan mo ba talaga?
Ilang beses na sinigaw sa’yo ng mga pangyayari
Ang mga bagay na nahulog na lamang sa pagsisisi
Pagsisi dahil may mga bagay kang hindi mo noon ginawa
Mga bagay na dati akala mo ay ayos lang naman na itatuwa.
Hindi hihinto ang mundo para sa’yo
Para sa lahat ng panahon na kinakailangan mo
Nalalagas ang mga segundo
Tumatakbo ang oras
At kung paano nalalanta ang isang halaman
Ganun din umiikli ang bukas.
Ilang beses mo na narinig ‘to.
Sana pinakikinggan mo talaga.
Madalas baduy ang sabihing “mahal kita”
Pero pwede mong lapitan, kausapin, o yakapin sila
Itigil ang pag-aaway, makipagkita sa kaibigan
Ipagtimpla ng kape si tatay, ang kamay ni nanay ay hawakan.
Patawarin ang mga nanakit sa’yo
Aminin ang damdamin mo
Sa lahat ng mga natitirang pagkakataon
Yung ngayon ang unahin mo.
Huwag ka nang magdahilan
Hindi dapat tumigil ang buhay sa kakarampot na pag-ulan
Hindi ang pagod mo ang hangganan ng isang magandang samahan
Dahil mas mahalaga sila kaysa sa’yong katamaran.
Ilang beses mo na narinig ‘to.
Sana pakinggan mo na ngayon.
Maikli lang talaga ang buhay.