Chapter Two

26 0 0
                                    

"MARS, ready na sila in five minutes. Sunod ka na ha." Sabi sa kanya ni Elaine habang tinatapos niya ang ilan pang mga paper works.

"Ok Mars. Matatapos ko na din ito. Susunod na ako sa labas." Sagot niya dito.

Maya maya lang ay natapos na din niya ang kanyang tinatrabaho. Sinimulan na niyang ayusin ang mga gamit at pati na din ang kanyang sarili para makalabas na at masimulan na niya ang meeting niya sa lahat ng mga katrabaho niya sa Patio del Carmen. Siya mismo ang nagpatawag ng meeting. Hiniling niya na kumpleto ang lahat para sa ilang mahalagang pag uusapan nila ngayong araw. Meron talaga siyang regular meeting sa mga ito, isa yun sa nakita niya na maganda niyang ginawa para patuloy na maging maganda ang sales ng restaurant na kanilang pinagtatrabahuhan. Meron din silang bagong makakasama simula bukas at isa din yun sa kanilang mga pag uusapan. Tinawagan siya ng kanilang Head Office para ipaalam na merong bagong papasok sa kanilang branch bilang isa sa mga waiters. Matapos makapag ayos ng sarili ay lumabas na din siya kaagad mula sa kanyang maliit na opisina sa loob ng kanilang restaurant. Nakita niya na handa na ang lahat para sa kanilang meeting.

"Hello po Ma'am Cielo." Masayang bati ng mga kasamahan niya sa trabaho.

"Hi guys." Masigla ding bati niya sa mga ito.

Hindi nagtagal at nagsimula na ang kanilang meeting. Palagi silang masaya kapag ganitong may meeting sila. Marami din silang pagkain na pinagsasaluhan. Ina-update niya ang mga ito tungkol sa status ng kanilang branch nationwide at maging ng Patio del Carmen bilang isang restaurant. Isa sa ginawa niyang paraan para maging masipag ang mga ito ay incentives. Kinilala at kinaibigan din niya ang mga ito para alam din niya kung paano patutunguhan ang bawat isa. At higit sa lahat pinakita niya sa mga ito kung anong klase dapat ang trabahong ibinibigay araw araw. Hindi siya nalate kahit minsan, naging masipag siya sa lahat ng kanyang ginagawa, naging masigla siya sa tuwing nasa loob siya ng restaurant. Ipinakita niya sa mga ito na hindi ka lang basta basta magtatrabaho dahil sa sahod kundi dahil gusto mo ang ginagawa mo. Bata pa lang siya pangarap na niya ang magkaroon ng sariling restaurant pero alam niya na hindi ganoon kadaling matupad iyon kaya ng makapasok siya ng Patio del Carmen inangkin niya ito bilang kanya kaya binuhos din niya ang lahat para umasenso ito kahit alam niya na pag aari ito ng mga mayayamang del Carmen. Ewan niya pero ganon na siya talaga lumaki, sa lahat ng ginagawa niya sa buhay ibinibigay niya ang lahat lahat na meron siya. Sabi nga niya palagi sa sarili niya, You don't chase success, success will chase you basta gagawin mo lang ang best mo sa lahat.

"Isa din sa dahilan ng meeting natin ngayon ay ang bago ninyong makakasama simula bukas. As what we always do when we have new member in the team, let's guide and be kind to that person ok?" Paliwanag pa niya sa harap.

"Mars, you know that we're always kind. Kaming bahala doon sa bago. Right guys?" Sambit ng kaibigan si Elaine.

Nagsigawan naman ang iba pang kasamahan nila sa team bilang pag sang ayon sa sinabi ng isa din sa kanilang boss.

"MA'AM, andyan na daw po ang bagong waiter sa labas." Sabi sa kanya ni Mayet isa din sa waitress nila.

"Ah ganon ba, sige papasukin mo na." Sabi niya dito.

Hindi nagtagal at pumasok na din ang sinasabing bagong magiging waiter sa kanilang branch.

"Good morning po Ma'am." Bati ng lalaki sa kanya.

"Good mo..."

Hindi na niya natuloy pa ang sasabihin ng makita niya ang istura ng lalaking nasa kanyang harapan. Hindi ito mukhang waiter, mukhang artista ang lalaking kaharap niya ngayon. Matangkad ito at malaki ang katawan, maganda din ang kutis nito at malinis tingan. Di na niya natuloy pa ang pagtitig dito ng mapansin niya na ngumiti ito sa kanya.

Lover Undercover (Soon to be published by Bookware Publishing Corp.)Where stories live. Discover now