Sa bawat patak ng ulan,
Alam kong mahal kita.
Sa bawat kulog at guhit ng kidlat,
Ikaw lang ang naaalala
Sa basang lupang tinatapakan,
Ikaw ang naamoy
At pag dumampi na sa pisngi ko ang ulan,
Naghahalo ang siphayo at panaghoy
Sa bawat ihip ng hangin
Sa dalampasigan man o papawirin,
Wala akong nais pang maatim
Kundi pagdampi ng labi mo sa akin
Sa bawat yapak ng ating paa
Bawat pawis, buntong hininga
Ang hawak mong mahigpit sa aking kamay
Sa pusong naligaw, ikaw ang gabay
Sa bawat bituin na aking nakikita,
Ikaw, at ikaw pa rin ang naalala
Gabing madilim, bulalakaw sa kalangitan
Ang iyong mga matang hindi ako mangitian
Hamog ng gabi, pawis mo sa katawan
Mga anino sa dilim, nagbubunyi sa karimlan
Lahat ng ito, nagpapaalala sa’yo
Ngunit nasaan ka, iniwan mo ako.
Sa bawat paglubog ng araw,
Wari ko, lalo kitang minamahal
Sa bawat pamaaalam ng liwanag
Dilim at lungkot ako’y dinadalaw
Mukha mo’y di ko na maaninag,
Di masundan kilos mo’t galaw,
Natatakot na ako’y maligaw,
Di kita mahanap, mahal ko, ikaw
Sa bawat hampas ng alon, patuloy kitang mamahalin
Hanggang ang puso mo’y matutong bumalik sa akin.
Hangga’t kaya ng puso magmahal, mamahalin kita.
Kahit ika’y mapagod, at ako’y kalimutan na
Kahit ika’y nasa malayo, at ako’y narito
Magmamahal sayo, ditto sa isang dako
Kung ang puso mo’y maligaw at di na makabalik
Magmamahal pa rin sayo nang walang kapalit.