A/N: Totoong story to. Story para sa isang tao. Mga bagay na gusto kong sabihin na never nya nalaman.
Sabi nila, first love never dies….
Ang sinungaling nga nila eh.
Kasi kung totoo man yun, eh di sana andito ka.
Baliw ko lang, noh?
Eh, quote lang naman yun. Pero nagpapakabitter ako.
Kaso linchak kasi eh.
Sa dinami dami pa, yan ang laging inuulit nila.
Pero di naman kasi totoo.
Kasi kung totoo,
Di ka na sana nawala sa tabi ko.
-.-.-.-.-.-
Four years old. Kinasal yung kamag-anak nyo.
Naaalala ko pa yun. Nakablue ako na gown at flower girl. Ikaw naman ang dakilang ringbearer. Mabenta ako sa kasalan nung bata. Flowergirl sa kasal ni ano, ni dyan, ni doon.. pero nung kasal na yun… iba eh.
First time ko ata na matuwa na maglalakad sa aisle. Bakit? Kasi malandi akong bata. Hahaha. Joke. Ang totoo nun? Kasi ikaw yung kapartner ko.
At ayun nga, at age five, we walked down the aisle. Di nga lang tayo ikinasal. Hahaha. Pero syempre imposible kasi bata pa tayo diba?
After the wedding, photo op na naman. Syempre di mawawala dun ang ever-present kong stage mom. May picture tayo nun. Nakanormal ka na na damit. Ako naman nakagown pa rin. Tapos, nakaakbay ka saken. Alam mo ba? Ikaw ang unang lalaki na di kamag-anak na nakaakbay saken. Kaya hanggang ngayon, ayoko pag inaakbayan ako.
Months later. Nalaman ko ang definition ng crush.
At ang unang sinabi ko? Ah si *toot* ang crush ko. Sino si *toot*? Edi ikaw. Sino pa ba? Ayun. Dun nagsimula ang pagiging aware ko sayo.
Five years old. Grade one.
Mula sa private school, lumipat ako sa public school. Di naman ako sanay dun. Pero kasi.. napunta ko sa section one. At classmate kita. Kaya ayun, Masaya ako.
First day na first day, lumapit ako sayo. Di ko nga alam sasabihin ko eh. At ang lumabas lang sa bibig ko? “Alam mo ba kung anong oras tayo uuwi ngayon?” tas sabi mo hindi mo alam. Tas umalis na ko. Fail ko talaga. Siguro yun yung reason kung ba’t di talaga tayo naging close.
Pero okay na yun. Close naman kayo ng mga pinsan ko eh. Kaya umasa ko na may chance na maging close din tayo.
Six years old. Grade two.
Ang lungkot ko nito. Kasi, nilipat uli nila ko sa private school. Tapos di na kita magiging classmate. Pero okay lang. magkapitbahay naman tayo eh. May chance pa ko na makausap ka kahit pag bumili ka lang sa sarisari store ng lola ko. Basta makausap kita.
Seven years old. Inaway ko ang tita ko.
Kala ko kasi inaasar nya ko na may gusto ako sayo. Pero di naman pala. Napagalitan pa ko nina mama.
Ten years old. Ito yung pinakamasakit.
Kasi… namatay ka. Itong time na to, masasabi ko na sobra siguro yung pagdadrama ko. Kasi sana pala nakausap man lang kita diba? Naging close man lang tayo? Kaso, hindi na eh.
Naaksidente kasi kayo nun. Kasama mo yung pinsan ko. Yung pinsan ko, nakaligtas. Ikaw, hindi. Umuwi pa nga yung mama mo nun. Pumunta din ako sa burol mo. Grabe. Nung tinignan kita, pakiramdam ko, anytime gigising ka dun at makakausap kita. Kaso hindi eh. Wala ka na.
Nung wala ka na, tsaka ko rin nalaman kung ano ako sayo. Nung naglakad tayo sa aisle, pagkakaintindi mo pala, kinasal din tayo. Kaso pinaghiwalay tayo kasi bata pa tayo. Ang sweet mo J sana nga nalaman ko agad. Nalaman na the whole time na gusto kitang lapitan, ganun na pala ko para sayo. Kaso wala na eh.
Pumunta rin ako nung nilibing ka. Maaraw nun. Dapat sasabay ako sa kotse kaso dun ako sumakay sa bus. Bakit? Kasi ayoko mag-isa. Pakiramdam ko, pag mag-isa ako, bigla na lang akong iiyak.
Nung naglagay na ng mga bulaklak, naghulog ako ng white rose. Alam mo ba? Hanggang ngayon naghahanap ako ng tao na magbibigay saken ng white rose bud? Kasi.. may meaning yun saken. Na yung love na binigay ko sayo noon, binibigay ng tao na yun saken ngayon. Rose bud sana kasi it’s the beginning of something. Yung nag-end dati, ginagawan ng bagong story. Isa pang chance para magtry uli ako.
Nung tapos na yung libing, umulan bigla ng malakas. Siguro yun na rin yung pagbabye mo samen.
Twelve years old. Tsaka lang uli ako nagkacrush.
It took me a year to face the truth na wala ka na. Ang hirap pala. Pano kaya kung naging close pa tayo? Siguro grabe lalo ang pagmumukmok ko dahil sayo.
Present. Five years na rin yung lumipas.
Andami na rin sigurong nangyari saken. Sobrang nagbago na ko. Siguro kung nandito ka, iba ka na din. Di na ikaw yung bata na nakilala ko noon. Pero never ko malalaman kung tama ako diba?
Graduating na ko ng high school. Gusto ko sana na iwanan ka na. Ilagay na sa past. Di kita kakalimutan. Di ko kaya. Alam ko yun. Pero gusto ko na subukan na uli. Magtake ng chance sa ibang tao. At mawala na ang takot saken na gaya mo, iiwanan lang din nila ako.
Nagpromise na rin ako sa sarili ko na ilelet go ko na yung idea na ikaw dapat. Kasi hindi pala. Kasi kung ikaw, di ka sana nawala. Iba yung plano ni God sa atin. Sa akin. Masama na ipilit ko kung ano lang gusto ko.
Mahal kita. At siguro di mawawala yun. Pero I’m setting you free. Kasi masama na mabuhay ako na puno ng ‘what if’. Dapat kalimutan ko na yung dati. Para makita kung ano meron ako ngayon. At kayanin yung mga kakaharapin ko bukas.
Kaya... hanggang dito na lang to.
Ipupublish ko to para sayo. Kahit alam kong imposible na malaman mo pa to.
Last na talaga. Pagkatapos nito, wala na.
Goodbye, first love.