AT LEAST

6 1 0
                                    

Nanghihinayang ako,
Pero... ‘di na din masama.

Pauwi ako n’on, sa bus. Galing trabaho. Pagod.
Maluwag ang bus nang sumakay ako. Mula Guadalupe.

Hinintay kong singilin ako ng kundoktor dahil alam kong makakatulog ako.
Dahil sa puyat.

Lumapit yung kundoktor. Nilabas ko ang pitaka.
Dumukot ng pera. "Citrus."

Tinupi ang ticket. Siniksik sa harapang upuan.
Tumingin sa bintana. Trapik.

Ini-ayos ang cellphone sa bag. Tinago matapos maisalpak ang earphone.
Nilagay sa tenga. Niyakap ang bag. At pumikit.
Hinayaan ang mundo sa maingay nitong estado.
Nakinig. At naidlip.

Nang magising ako bigla.

Naalimpungatan. Ikaw, na nakatayo sa tabi ko.
Tinapik ako. "Usog, kuya."
Tumingin sa bintana. Quezon Memorial Circle.

Gumilid ako. Dumikit ka. Natawa ako.

"Gilid" by Moonstar88. Tangina.
Buti pa yung music player ko, marunong tumiming. Naisip ko.

Totoo? Yung lyrics? Ginawa ko.
Sa gilid ng mga mata, tinitignan kita.
At sapat na yung mga pasikretong sulyap.
Para pahalagahan ka.

Gustung-gusto ko. Bumuo ng usapan.
Sumubok. Sumugal. Bumaka.

Subukin. Ang sariling punum-puno ng pagdududa at pangamba.

Na tanungin ka. Ngunit baka masungit ka. At mapahiya ako.

Gustung-gusto ko. Gumawa ng paraan.
Umisip ng kung anong pwedeng gawin.

Para makuha ang atensyon mo.

Pero parang umaatras ata ang lahat sakin.
Dila. Utak. Kamay. Bayag.

Nangiti ako. Para akong gago.

Ano bang masama sa pagtatanong ng pangalan mo? O numero mo?
Kaunting kaalaman na napakasimple lang naman.
Tungkol sayo.

Gustung-gusto ko. Isang hingang malalim.
Magtanong.

No good. Wala nga pala sa edad ang gamot sa pagkatorpe.
Dahil akala ko matapang na ko sa malalaking bagay.
Pero tumiklop ako. Napipi. Sa gaya mo.

Lumalakad ang oras. Tumatakbo ang bus.

Suko na ko. Hindi ko na kaya.
Too much. Sabi ko. Ayoko na.

Hindi pa ko napapaso pero masakit na sa balat.
Di yata’t nilikha ko ang sarili na masyadong maingat.

Hininto ko na mag-isip. Binuksan ang bag.
Kinuha ang kwaderno. Nilabas ang panulat.
Binuklat ang pabalat. At saka nagsulat.

Tinanong ko na lang ang sarili ko.
Para matapos na ang lahat.

“Ano ang mas pagsisisihan mo?

Ang hindi masabi ang matagal mo nang gusto?
O ang naisip mo na sana hindi mo na lang sinabi,
Pero nasabi mo na.”

“Tanungin mo.”

Isang tinig.

Lumingon ako sayo. Ikaw na katabi ko.
At nagkatitigan tayo. Sa paraang natutunaw ang sorbetes
Sa matagal na pagkakahantad nito sa init.

Nauupos ako.

“Malalaman mo ang sagot kung magtatanong ka.”

Sumigaw ang kundoktor. Huminto ang bus.
Tumayo ka’t ngumiti. Wari’y nagpapaalam.

Ang eksenang ayoko sanang mangyari ngunit nagaganap na.
Dahil mabagal ako?

Hindi. Dahil napaka-bilis ng oras.

At bumaba ka.

Nang magising ako bigla.
“Ticket.” Nakatayong lalake.

Alam ko.

Madaling makita ang hinahanap nya ngunit sa paligid ako tumingin.
Naghanap. Walang ikaw. Walang bakas ni anino.

Dela Costa. “Ticket sir.”

Binigay ko ang gusto nya. Ang simple lang pala.

Hindi mo makukuha ang bagay na hinahangad mo
Nang hindi mo ito hahanapin.

Nang hindi ka kikilos. Umaasa sa hangin.
Naghihintay mahulog ang bunga sa puno.
Nang nahihiya. Natatakot. Nakatahimik.

Saka lang ako nakapagsalita.
Nang malapit na kong bumaba.

“Para.”

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jan 31, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

At LeastWhere stories live. Discover now