1.

13 0 0
                                    

"UNANG batas, walang tama at lalong walang mali," sabi ng isang lalaki sa harapan namin na nagpakilalang Apollo.


Lumakad siya mula kaliwa papunta sa kanan, nang hindi inaalis ang titig sa'ming tatlo. "'Wag na 'wag ninyong kukwestiyunin ang sarili niyo kung tama ba ang ginagawa niyo, lalo na sa mismong oras na pumapatay na kayo. Hindi kayo dapat maawa sa kanila o makinig man lang sa pakiusap nila. Tandaan niyo na ipinapatay sila dahil sa isang dahilan -- at wala tayong pakialam sa dahilang iyon. Naiintindihan ninyo?"


Hindi ako sigurado kung sasagot ba ako o hindi, kaya lumingon ako kay Von -- ang taong nagdala sa'kin sa lugar na ito. Ngumiti siya at tumango, na para bang sinasabing dapat akong tumugon.

"Naiintindihan ba ninyo?" inulit ni Apollo ang sinabi niya. Mas malakas at mas nakakasindak.


Tumango ako, at gayun din ang dalawa pang lalaki na kaedad ko.


"Pangalawa, hindi tayo tumatanggi sa kahit na anong trabaho," sabi ng lalaki. "Wala tayong pakialam kung kamag-anak o kaibigan pa natin ang papatayin. Hindi ninyo maaaring dalhin ang konsensya ninyo sa trabaho."


Lumingon ulit ako, upang masdan ang kabuuan ng silid. Madilim, masikip, pero hindi naman mabaho.


May tatlong lalaki sa silid na ito, maliban sa'ming tatlo. Si Von, si Apollo, si Orion, at si Jack. Lahat sila ay armado ng naglalakihang mga baril at alam kong hindi magtatagal ay magiging ganoon rin kaming mga bagong myembro.


Pero hindi na ako nagulat dahil inasahan ko na rin namang mangyayari ito. Nang magkaisip ako, kasama ko na si Von. Siya lang mag-isa ang nag-alaga at nagbigay sa'kin ng pisikal na pagsasanay sa bawat araw na lumilipas. Habang lumalaki ako, ipina-unawa niya sa'kin na ito ang kalalagyan ko balang araw -- ang maging isang mamamatay tao.


Matagal ko ring itinanong sa kanya ang pagkatao ko. Sino'ng mga magulang ko at nasaan sila? May mga kapatid ba ako o wala? Ngunit wala akong nakuhang sagot. Kahit si Von, hindi rin alam. Ang tanging nasabi lang niya sa'kin ay ako ang nag-iisang nakaligtas sa sunog na pumatay sa buo kong pamilya. Alam daw niyang wala na akong mapupuntahan, at kailangan ng bagong myembro sa grupo nila. Halos labing dalawang taon niya akong sinanay. Noong una, pa-simpleng nakaw lang o snatch. Hanggang sa tinuruan na niya akong lumaban at ipagtanggol ang sarili, at tinuruan din kung paano pumatay.


Ni minsan hindi ako tumanggi sa gusto niya, tutal hindi rin naman ako sigurado sa kung ano'ng gusto ko. Sa ngayon, ayos na 'ko na sumunod sa mga nagdidiktang ito kung paano nila patatakbuhin ang buhay ko. Dahil kahit ako, hindi rin alam kung paano.


"At panghuli, walang sinuman ang magta-traydor sa samahan. Tayo ay magkakapatid na may iisang layunin. Kung mayroon man tayong pagkakatiwalaan, iyon ay ang isa't isa."


Muling naglakad si Apollo, ngunit ngayon ay lumapit siya sa'min. "Pangalan, edad!"


Tumayo kaming tatlong lalaki na nasa harapan niya. Dahil ako ang nasa kaliwa, ako ang unang nagsalita.


"Lionel Villarin, dise siete!" sigaw ko.


Tinitigan ako ni Apollo mula ulo hanggang paa. "Ikaw ang bitbit ni Von?"


Tumango ako. Hindi siya nagsalita at lumakad sa harapan ng katabi ko.


Tumikhim ito bago magsalita. "Janus Magdalo, dise siete! Eh, si Boss Orion ang nagsama sa'kin dito. Ayos po dito boss, ah! Ganda! Parang 'yung mga hideout ng kriminal sa TV!"


"Hindi ko tinatanong, Magdalo!" singhal ni Apollo.


Napayuko si Janus, pero hindi siya tumigil sa pagsasalita. "Baka lang po interesado kayo boss!" Tila proud pa ito sa nasabi.

Sa gilid ay nakikita ko ang panlalaki ng mata ni Orion kay Janus, na para bang nagbabanta.


"Sigurado bang ipapasok 'to? T@#gina!" galit na galit na sambit ni Apollo.


Tumawa si Jack sa likod. "Easy lang, Apollo. Dala ni Orion 'yan, siguradong mapapakinabangan. 'Wag mong sayangin."


Sinamaan nito ng tingin si Janus. "Sa susunod, 'wag kang magsasalita nang 'di kita kinakausap!"

Napakamot sa leeg si Janus at napalingon sa'kin. Nginitian niya ako at kinausap. "Galing ka ba sa kabila?"

"Anong kabila?" tanong ko. May iba pa bang lugar o grupo bukod dito? Alam kong maraming myembro ang samahan, pero hindi ko maintindihan 'yung kabilang tinutukoy niya.

Tumango siya sa sarili na parang alam na niyang hindi ang sagot ko. "Doon ako nakita ni Boss Orion no'ng isang linggo. 'Yung tubang-habi, mga grupo ng magnanakaw 'yun. Holdaper at snatcher, ganun. Mga kasing edad din natin mga myembro du'n. Isinama ako rito dahil mabilis daw ako tumakbo."

Sa pagtawa ko ay napatawa na rin siya. Kahit siguro siya ay nawiwirduhan kung paano siya na-recruit dito. Kaya lang, wala sa mukha niya na kaya niyang pumatay. Sa itsura ni Janus, parang siya 'yung kababata mong siraulo pero mabuting tao.

"Bago kayo makapasok sa grupo at makilala ang iba, isasabak namin kayo sa pagsubok," biglang sabi ni Apollo. Naupo siya sa isang silya sa pagitan nina Orion at Jack. "Holdap at papatayin ang biktima."

Ito na ang simula.

Alam kong hindi tama itong gagawin kong pagpasok dito, pero tiwala naman ako kay Von. Hindi niya ako tatalikuran 'pag nagkaproblema. Sagot niya ako, tulad ng lagi niyang sinasabi. At isa pa, ang sabi nila'y malaki raw ang bigayan dito kaya mababayaran ko na ang lahat ng naitulong ni Von sa akin sa loob ng maraming taon.

Hindi ito tama, pero bahala na.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 26, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Bewitched LionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon