Mahirap maging perpekto. Tipong lahat ng galaw mo dapat monitored mo kasi parang lahat na lang ng mga mata sa paligid mo eh nakatitig sayo. Pati pagkain mo hindi mo ma-enjoy kasi may mine-maintain kang image socially at physically. Hindi ka pwedeng magmasungit kahit na banas na banas ka na sa mga tao. Hindi ka pwedeng maging malungkot kasi iba na ang magiging interpretasyon ng mga nakapaligid sayo. At isa pa, bawal ang magka-boyfriend ng isang "hindi bagay" sayo. Whatever that means.
Buti na lang hindi ako perpekto. Nakakakain ako ng mga gusto ko. Nasusungitan ko ang mga kaibigan ko kapag gusto ko. OK lang na tumaba ako sa kakakain ng mga gusto kong sweets (mahilig kasi ako sa sweets). Hindi nakatutok ang buong Pilipinas sa lovelife ko.
Except wala akong lovelife. Yung kaibigan ko may lovelife. Yung groupmates kong girls, halos lahat sila may lovelife. Grabe, pati nga teacher naming uugod-ugod na eh may lovelife! Ako, eto... nganga! Pero hayaan mo na, masaya naman ako sa mga kaibigan ko eh. Hangga't di pa dumarating ang uwian at kukunin na sila ng mga boyfriend nila ha.
Ako si Elise. Lis for short. Or pwede ring Elle. Pero ang pangit kasi pakinggan yun dito sa Pinas kaya Lis na lang. Hmm ano pa bang kailangan nyong malaman sakin? Ahh, 5'1" ang height ko. Normal ang BMI ko, hulaan nyo na lang kung ilan ang weight ko. Bwahaha! Introvert ako at isa akong 4th Year Psychology student sa isang school sa U-belt. Haha! Hulaan nyo na lang din kung ano ang school ko. Mahilig kasi sa mysterious effect ang lola mo.
Mahilig din ako magbasa ng libro. Kaya lang ang bff ko, hindi. Pero supportive naman sya sakin. Alam nya ng hindi ako dapat guluhin pag nagbabasa ako. Kasi may nagtry na gumulo sakin noon, in fairness eh dahil naman sa isang report yun, pero if looks could kill lang, kinasuhan na ko ng telepathic murder. Hehe. Wala akong magagawa, mahilig talaga ako sa libro eh. Pero mga international authors lang ako. Danielle Steele, John Grisham, Stephen King, J.K Rowling... Iba't iba ang genre na gusto ko. Katulad ng isang music lover, depende sa mood ang gusto kong basahin. At katulad din ng music lover, form of escape ko na ang pagbabasa.
So I guess magsisimula ang istorya ko nang isang araw ay regaluhan ako ni Aena (bff ko) ng isang manipis na libro. Tinignan ko pa sya noon kasi hindi ko naman birthday, bakit nya ko bibigyan ng libro? Sabi nya maganda daw yung mga nakasulat dun kaya gusto nyang ipabasa sakin. Na-intriga ako, si Aena na hindi nagbabasa ng libro, nakatapos ng isang buong libro! Baka nga maganda to!
Kaya lang, pagtingin ko sa author, "Sino tong si Aaron Villaflor?"
"Pinoy author yan, pero basahin mo na lang, Lis. Maganda naman eh. Matatawa ka na matatamaan dyan," mabilis nyang sabi sakin kasi nung nalaman kong Pinoy pala ang gumawa, aktong ibabalik ko na sa kanya ang libro.
"Pano mo naman sya nadiscover? Hindi ka nga nagbabasa di ba?" Tinago ko yung libro dun sa bag ko at bumalik na sa binabasa ko. Rainmaker, by John Grisham.
"May nagsabi lang din sakin na highschool friend ko eh. Manipis lang naman yung book kaya binasa ko na. Maganda naman kasi hindi ko namalayan ang oras." umupo sya sa harap ko at binaba ng konti yung libro ko para pansinin ko sya, "Alam mo ba, may book-signing sya ngayong Sabado dun sa National Bookstore sa Trinoma. Punta tayo?"
Hagalpak ako ng tawa! "For real?! Ikaw Aena na walang hilig sa libro ang nag-aaya sakin na magpa-booksign?! Haha! Oo ba, sige pupunta ako!" Tawa ako ng tawa sa ideya na si Aena pa talaga ang hihila sakin sa isang bookstore. Eh sapilitan pa nga ang pagpapabasa ko sa kanya ng mga libro ko eh. Kahit na nga napaka-nipis na eh hindi pa rin nya natatapos.
Biglang tumunog ang cellphone ni Aena. "Ay, nakalimutan ko! May gagawin nga pala kaming report ng partner ko sa case presentation!"
"Akala ko si boyfriend na naman yan eh. Minsan sabihin mo kay boyfriend na inangkin na kita ha. Para tigil-tigilan nya naman ang pagpapaka-antipatiko."
"Grabe ka naman, Lis! Mabait naman si Xander ah!"
"Kung mabait yung tawag mo sa magpapa-baba sakin sa sasakyan nya sa gitna ng daan kasi daw traffic at matatagalan pa ang byahe nyo kung ihahatid pa nya ko mismo sa condo, eh talaga namang napaka-bait nya. Gagawaran ko sya ng Saint of the Year award," tiningnan ko si Aena, "Let me guess, hindi ka sasabay sakin pauwi kasi may date kayo mamaya nu?"
Awkward ang ngiti sakin ni Aena at nag-rolyo na lang ako ng mata.
"Remind mo syang akin ka sa birthday ko ha. Malapit na yun."
"Grabe, sayo talaga! Wag kang mag-alala, nagkaliwanagan na kami na ikaw ang nauna at kabit lang sya. Uy sige na, Lis ha. Nagtext na naman yung partner ko eh."
Nakangiti akong nag-babye sa kanya. Hay. Wag nyo sanang isipin na dakilang hadlang ako sa kaligayahan ng bestfriend ko pero kasi, alam nyo ba yung feeling na ayaw mo lang talaga sa isang tao? Girls, intuition alert! Feeling ko kasi may something off dun sa Xander na yun eh. Well, bukod sa mayabang sya, arogante, mahangin, hambog... Ano pa ba? Ay pare-pareho lang ba yun? Haha. Oh sarcasm.
Makaraan ang ilang saglit eh kinuha ko ulit yung libro na bigay sakin ni Aena.
Girls and Boys and Stuff by Aaron Villaflor.
Yun yung nasa cover. Tapos isang babaeng anime at isang lalaking anime na magkatabi pero magka-baliktad ang characters sa cover tapos may mga anik-anik sa paligid nila na mga ewan. Siguro yun na yung stuff. Haha. Again: Oh, sarcasm.
Biglang may lumapit sakin at nagtanong kung nasan ba si Aena. Tumingin ako sa kanya sabay baba sa libro.
"Umalis na eh. Medyo kaka-alis lang," hindi ko na inusisa ang pangalan nya kahit na gwapo at may pagka-bad boy ang dating. Halatang nag-gi-gym kasi malapad ang upper body nya at narrow naman pababa. Napansin ko ang ibang girls na nakatingin, tumingin, o di kaya eh nagnanakaw ng tingin sa kanya. Sus, mga ka-cheapan.
"Ganun ba. Sige, thank you."
Saktong tatalikod na sana sya nang biglang napatingin sya sa librong hawak ko. Biglang lumiit ang mga mata nya, at tumingin sya sakin, umiiling-iling pa. Ako naman, sinabayan ko ng taas ng kilay ko.
"Walang kwenta ang libro na yan, Miss. Kung ako sayo, itapon mo na lang."
Napa-atras ang ulo ko with matching laki ng eyes at taas ng parehong kilay! HUWAAAT? Wow! Just. WOW! At yun lang din ang nasabi ko.
"WOW!"
Hindi likas sakin ang nagpapatalo kaya naman badtrip na badtrip ako nung tinalikuran nya na ko at dire-diretso na syang umalis. Sisigawan ko na dapat sya kaya lang nasa library kami. Baka imbes na sya ang sisihin eh ako pa ang palayasin dun.
Di bale. Nakita ko naman na ang mukha nya eh. Kilala ko na sya. Nasa blacklist ko na sya.