WHEEL OF LOVE
"Ang ganda..." mangaha kong saad kay papa ng makita ko ang isang malaking sasakyan na parang gulong ng kalesa ang itsura. Umiikot iyon kasabay ng mga ilaw.
"Ferris Wheel ang tawag diyan anak." paliwanag niya sa akin "gusto mo bang sumakay tayo diyan?" masaya niyang tanong sa akin.
Nanlaki ang mata ko sa sobrang saya ng marinig ko ang tanong niya.
"Talaga po?!" excited kong naitanong kay papa.
"Kung yan ang ikakasaya ng prinsesa ko, ayos lang." nakangiting sagot ni papa at hinaplos ang aking buhok
Sa sobrang saya ko napasigaw ako sa sobrang tuwa.
"YES!"
"Oh...teka lang Yumiko bibili lang ako ng ticket. Dito ka lang muna. Wag kang aalis."
"Opo papa..." masayang sigaw ko sa kanya sabay salute.
Ginulo niya ang buhok ko at hinalikan ang aking buhok. Iniwan niya akong nakaupo sa may bench habang kumakain ng cotton candy. Mga ilang oras na din ang lumipas naubos ko na din ang cotton candy na kinakain ko kanina pero hindi pa din bumabalik si papa kaya naisip kong puntahan yung bilihan ng ticket, baka nandun lang siya at nakapila. Pero bigo ako nang makarating sa ticket booth wala si papa miski anino niya hindi ko nakita. Natakot ako at kinabahan pero pinigilan kong umiyak at hinanap ko pa din si papa.
"Papa...papa...nasan na po kayo?" sigaw ko.
Hinanap ko siya sa buong perya pero hindi ko pa din makita ang aking ama. Unti-unti nang pumapatak ang luha ko pero madali ko iyong pinupunasan gamit ang aking mga kamay. Napagod na ako sa kakalakad kaya pumunta ako sa likod ng isang tent at doon umupo.
"Papa..." iyak kong tawag sa kanya.
Maya-maya nagulat ako ng biglang may lumabas sa tent. Isang batang lalaki na may suot suot na pulang bowtie at nakasuot siya ng puting polo na napapatungan ng itim na vest.
"Bata? Anong ginagawa mo dito? B-bakit ka umiiyak?" pagtatakang tanong niya sa akin.
"A-A-ano?"sisingap singap kong pinunasan ang aking luha at tumayo. "Hindi ako umiiyak nuh" mataray kong saad sa kanya.
"Hindi daw...Eh! kita ko namang umiiyak ka tingnan mo nga pinupunasan mo pa yang pisngi mo oh" sabay turo niya sa pisngi ko.
"Sabi ko na ngang hindi ako umiiyak e" inis kong sigaw sa kanya.
"Hindi daw...Iyakin ." pang-aasar niya sabay tawa.
Kumunot ang noo ko at ngumuso habang tinitingnan siya ng masama.
"Bahala ka na nga diyan." Inis na sigaw ko at tumalikod na sa kanya.
"Sandali lang bata, saan ka pupunta?" tanong niya ulit sa akin.
"Uuwi na ako. Siguradong hinahanap na ako ni papa." Saad ko sa kanya na may pagkainis.
"Eh! Teka lang, mukhang hindi ka naman taga dito. Naliligaw ka ano?" saad niya na may pang-aasar.
Humarap ako sa kanya at kumunot ang noo sabay talikod ulit saka naglakad palayo sa kanya. Ngunit, nahawakan niya agad ako sa braso.
"ANO BA?!" inis na sigaw ko "bakit ba ang kulit kulit mo?"