Standoffish - Prologue : Isang Gabing Maulan sa Buwan ng Disyembre

278 1 2
                                    

Prologue : Isang Gabing Maulan sa Buwan ng Disyembre

Maaring narinig mo na ang kwentong ito. Maaring may nagkwento na sa’yo. Maaari ngang nangyari na rin sa’yo. Lahat naman kasi tayo may kanya-kanyang istorya.  Sa totoo lang, paulit-ulit nalang naman talaga ang mga plot ng mga kwento. Iniiba-iba lang ng ayos, nilalagyan lang ng twist sa dulo.  Kapag nga nanonood tayo ng sine, nasasabi nating ‘napanood ko na yan.’  Wala nang bago. Yun at yun lang.

Pero alam mo ba na iisa lang naman talaga ang tema ng mga kwento? Sabi ng propesora ko sa film school, umiikot ang lahat ng kwento sa buong mundo sa iisang bagay.  Alam mo kung ano?

Pag-ibig.

Pag-ibig ng isang lalaki sa isang babae at ng isang babae sa isang lalaki. Pag-ibig ng mag-asawa. Pag-ibig ng magulang sa anak at vice versa. Pag-ibig sa Diyos. Pag-ibig sa bayan. Pag-ibig sa pera. Patagong pag-ibig. Bawal na pag-ibig.

Basta, pag-ibig.  Isipin mo, di ba?

At isa ang kwentong ito sa napakaraming kwento ng pag-ibig.  Kaya nga wala naman talagang bago sa kwentong ito. Ikaw na ang bahala sa kung pagkatapos ng pangungusap na ito’y itutuloy mo pang alamin ang kwentong ito.

Ito ay tungkol kay Prinz. At sa kanyang pag-ibig.

Oo nga pala, bago ko makalimutan, si Prinz ay isang bading. 

Bubuksan natin ang kwento nya, isang gabing maulan sa buwan ng Disyembre.  Punung-puno ng tao ang coffee shop kung saan sya naroroon.  Maliit lang ang coffee shop na kung titingnan mo magmula sa labas ay para bang isang babaeng suplada.  Malamig, mailap, hindi nag-aanyaya.  Pero maiintindihan mo kung bakit sya punung-puno sa sandaling pumasok ka sa loob.  Iilan lang ang mga lamesita, may isang bookshelf sa isang dingding na puno ng mga librong pwedeng hiramin ng mga customer habang naroroon sila’t nagkakape.  Sa isang panig naman, agad mong makikita ang isa namang dingding na puno ng mga kuwadro ng mga picture ng kung sinu-sinong tao. Marami at iba-iba.  Kung susumahin, very cozy at homy ang coffee shop.  Parang lumang kusina ng lola mo sa probinsya.  Nanonoot sa damit ng sino mang papasok ang fresh na kapeng sini-serve nila.

Hindi na kakaibang mapuno ng tao ang coffee shop na yun lalo’t ganitong maulan.  Iba-iba rin ang mga taong pumupunta dito. Galing sa opisina, mga call center agent na papasok palang sa trabaho, mga Christmas shopper at kung sinu-sino pa.

Nasa gitnang pwesto ng coffee shop si Prinz.  Slim, maputi at  gwapo sya. Batang tingnan for his age.  At 35, marami na syang pinagdaanan. Ang sabi nya ay magaling lang daw syang magdala ng challenges nya sa buhay.  Ni hindi nga nya tinatawag itong problema kundi challenges lang.  Na-memorize nya na yata ang lahat ng libro ni Rhonda Byrne kaya sobra syang positive. 

Pero iba sya ng gabing iyon. Nakatalungko at nakatitig sa harapan ng puti nyang laptop.  Pinagmamasdan nya ang screensaver nya ng iba’t ibang picture ni Troy na lumilipad paikot-ikot.  Paubos na ang kape nya. Pangalawa nya nang tasa ito ngayong gabi.

“Hoy, ano na naman ang problema mo?” nagitla pa sya nang tapikin sya sa balikat ng bagong dating na si Fab.  Marami itong bitbit na shopping bags.

“Thank God, you’re here.” parang na-relieved si prinz pagkakita nya sa kaibigan. “Christmas shopping?”

“Ano feh? Kaka-haggard ang dami ng tao. Panic buying ang lahat. As if crisis na parating ang Pasko.” naupo na sa harap si Fab sa harapan ni Prinz.  Pagkakuwa’y sumenyas sa babae sa counter na kaagad namang lumapit sa kanya para kunin ang order nya.

“Oi, self-service dito.  Sa counter ka umorder.” paninita ni Prinz.

“Eh ano ba? Sa iyo naman itong coffee shop.  Best friend mo naman ako, so priviledge ko yun, don’t you think?” saka matatawa si Fab.  Maya-maya pa, andyan na ang order nyang cappuccino.  Short, three sugars.

“Gaga ka talaga.” ngumiti na si Prinz. “Di ka sinamahan ni Harold?”

“He’s meeting me here.  He’s on his way na actually.” humigop ng isang sip sa kape nya si Fab.  “So, spill na.  Ano na naman yang problema mo at  ayaw mong sabihin sa phone? Hurry up at under time pressure ako.”

Napabuntong-hininga si Prinz, sabay hawak sa noo. Napatingin sya ulit sa laptop nya. Nakangiti sa kanya ang picture ni Troy.

Mabilis na pinihit ni Fab ang laptop paharap sa kanya.

“Don’t tell me, sya na naman ang pinuproblema mo?” nginuso ni Fab ang picture Troy.

Napatango lang si Prinz.

“Hay naku, Prinz… Kailan ka ba talaga titigil dyan kay Troy?”

“Could you listen to me first?”

“Sige. You have exactly an hour and a half  bago dumating si Harold.  Shoot!”

StandoffishTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon