Tala

1 1 1
                                    

Mayroon akong mga tala sa kwarto ko. Nakabitin sa dingding at minsan pa ay nagniningning. Mayroong matitingkad, at mayroon ding malimlim.

Tuwing gabi, sila'y gumigising at nagbibigay-buhay sa silid kong tila kalawakan. Nagkekwento sila ng kanilang nakaraan, ng kanilang mga dating nasilayan. Kinagigiliwan kong makinig nang mabuti, sapagkat sa kanila ko lang ipinagkakaloob itong tiwala ko na kasing kinang ng kanilang banaag. Sinasabi nila na takot silang kumawala sa kwarto ko. Takot silang umakyat at magpakita sa buong mundo. Maingay daw kasi sa taas, magulo at desorganisado, kaya dito lang daw muna sila.

Kapag ako naman ang nagkwento, isa-isa silang umuupo sa kandungan ko. Lahat sila'y nakikinig, alam ko, kaya ibinubuhos ko ang lahat ng aking hinanakit at kwento. Matagal ang palitan ng usapan namin, at hindi pa kami natatapos ay sumisikat na pala ang araw.

Tuwing liwayway, kailangan nilang magpaalam at lumisan. Sinasabi nila na sila'y babalik kapag nakatulog na ang ama nilang araw. Kaya magpapaalam na rin ako. Bago pa pumasok ang nanay ko at pagsabihan ako dahil Hindi ko pinatay ang mga ilaw habang ako'y natutulog.

Ngunit alam kong hindi ko kailangan mag-alala dahil hindi sila nagsisinungaling. Babalik sila. Gabi-gabi, bumabalik ang mga tala ko.

TalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon