Kalam ng Sikmura

14 0 0
                                    

Umaga pa lang ay laman na ng kalsada ang pitong taong gulang na si Marya. Isa-isang kinakatok nang marungis niyang kamay ang bintana ng mga sasakyan na naipit sa gitna ng trapiko, dala ang kaniyang itinitindang bulaklak ng sampaguita.

Sa suot na gula-gulanit at malaking damit ay halos masunog na sa matinding sikat ng araw ang buto't balat niyang katawan. Ang matinding itim na usok sa paligid na galing sa mga sasakyan ay balewala lang sa kaniya.

Mas madali na nga ito ngayon dahil hindi na niya kailangang makipagpatintero sa mga sasakyan sa gitna ng kalsada. Sa bawat bintanang kaniyang kinakatok ay Iba't ibang reaksyon ng mga tao ang kaniyang nakukuha at karamihan dito ay mga pangungutya, sigaw at pagtataboy sa kaniya.

Subalit hindi siya maaaring tumigil dahil siguradong madaragdagan lang ulit ang mga galos niya sa katawan kapag wala siyang naiuwing pera. Muli siyang kumatok sa bintana nang isang mamahaling sasakyan.

"Maganda araw po, bili na po kayo ng sampaguita, parang awa na po ninyo," saad ni Marya.

"Hoy! Huwag mong dikitan ang sasakyan ko! Mas mahal pa ito sa buhay mo! Umalis ka na!" angil sa kaniya ng may-ari.

Saglit siyang natigilan ngunit agad ding nakabawi.

"Mas mahal pa sa buhay ko? Mas mahal na ba talaga ang bagay ngayon kaysa sa buhay?" pabulong niya. Mapailing na lang siya at bagsak ang kaniyang mga balikat na nilisan ang lugar.

"Ineng...Ineng," tawag kay Marya ng isang matandang lalaki na nakasakay sa isang sira-sirang sasakyan, "Magkano ba iyang sampaguitang dala mo?" tanong nito.

Napamaang siya sa kaniyang narinig at unti-unting nagningning ang kanyang mga mata. Mabilis ang mga hakbang na lumapit si Marya rito.

"Sampung piso po," nakangiti niyang tugon, "Ito po." Iniabot niya ang isang sampaguita.

Napahalakhak naman ang matanda, "Ineng, ang lahat ng paninda mo ang tinutukoy ko," nakangiting sambit nito.

"Talaga po!?" napapalatak sa galak ang si Marya, "Naku! Maraming salamat po!"

Iniabot nito sa kaniya ang bayad at naglakad na siya patungo sa kabilang kalsada kung saan naghihintay sa kaniya ang mga kapatid na dalawang taon at apat na taong gulang pa lang.

"Siguradong matutuwa na nito si Itay dahil may ipambibili na siya ng alak. Kailangan ko naman ngayon maghanap ng makakain ng mga kapatid ko. Marahil ay kumakalam na ang kanilang mga sikmura," bulong niya sa sarili habang mahigpit ang pagkakahawak niya sa pera.

Sa kaniyang labis na kasiyahan ay hindi na niya napansin ang isang trak na mabilis ang takbo patungo sa kaniyang kinaroonan! Ilang saglit lang ang nagdaan ay tumambad na sa lahat ang durog niyang katawan. Nagkalat sa kalsada ang kaniyang lamang loob, maging ang mukha niya ay hindi na makilala dahil naghalo na ang kaniyang utak at mata.

LimosWhere stories live. Discover now