Tuwing Umuulan

9 0 0
                                    


Hindi ko gusto ang ulan, hindi ko gustong nababasa ang gamit ko. Hindi ko gusto ang ulan, hindi ko gusto ang lamig na dala nito. Hindi ko kailanman magugustohan ang ulan, yun ang akala ko.


Tick tock tick tock, patuloy sa paggalaw ang kamay ng orasan. Tick tock tick tock, ang tunog ng oras na lumilipas. Nauna nanaman akong gumising sa alarma ng orasan at madilim pa ang paligid, marami pa ang panahon bago sumikat ang araw. Ipinikit ko muli ang aking mga mata hanggang paunti-unti akong nahulog sa mundo ng aking mga panaginip.

Pagmulat ko ng aking mga mata ay natagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng isang hindi pamilyar na lugar, isang malawak na kagubatan na puno ng mga kakaibang mga halaman at punongkahoy. Naglakad-lakad ako upang galugarin ang paligid ngunit para bang pare-pareho lamang ang aking nakikita na tila bang paikot-ikot lamang ako. Nagsimulang umambon, hindi ko gustong maabutan ng ulan, hindi ko gusto ang ulan kaya nagmadali akong naghanap ng lugar na masisilungan. Habang naghahanap ng masisilungan ay may nasulyapan akong kakaiba at natatanging puno malapit sa isang bangin na may marilag na tanawin. Di ko namalayan na paunti-unti na pala akong lumalapit na tila bang walang malay akong binubunot papunta roon. Habang ako'y papalapit ay may napansin akong isang matangkad na pigura at napagtantohan na ito pala ay likod ng isang lalaki.  Lumingon siya sa akin at nakita ko ang kanyang mukha, hindi ko siya kilala ngunit parang pamilyar na pamilyar siya sa akin. Hindi ko maiwasang tumitig at mabighani sa kanyang mga banayad na mata na parang nakikita ang kabuuan ko, tunay namang nakakatunaw ang kanyang ngiti at para bang matatamis na salita lamang ang makakawla sa kanyang magagandang labi na bumuka sa para bang may gusto sabihin sa akin ngunit bago pa siya makasambit ng isang salita ay nahanap ko ang aking sarili na nahuhulog na sa bangin.

Nagising ako na basang-basa ng pawis sa tunog ng alarma, panaginip, isa lamang iyong panaginip ang isip ko sa aking sarili, pero hindi ito mawala sa isip ko  dahil parang totoo ang naramdaman ko sa mga pangyayari. Sino kaya yung lalaki at ano ang gusto niyang sabihin?  Nang ako'y huminahon napansin kong madilim parin ang aking paligid kahit na umaga na sa aking orasan kaya bumangon ako at binuksan ang aking mga kurtina. Umuulan pala, natatakpan ng mga madilim na ulap ang araw kaya naman madilim pa ang paligid. Hindi ko gusto ang ulan, hindi ko rin maintindihan pero pag umuulan ay pakiramdam kong may mawawala sa akin at  hindi ako mapalagay kapag nangyayari ito.

Natapos nanaman ang isang araw at naghahanda nanaman akong matulog. Makikita ko kaya muli yung panaginip na yun? Tanong ko sa aking sarili sabay pikit na umaasa na makita siya muli. Pagkadilat ko ng aking mga mata ay nasa kagubatan muli ako ngunit ngayon napakaliwanag at mataas ang sinag ng araw. Tuwang-tuwa kong hinanap yung puno sa may bangin hang inaalala di lamang ang mukha ng lalaking nakita ko ngunit pati ang marilag na tanawin na nakita ko sa likod niya. Pagdating ko, sa kasamaang palad ay wala roon yung lalake at hindi ko rin makita ang tanawin sapagkat natatakpan ng liwanag ng araw ang tanawin na ninais kong makita. Tinitigan ko ang liwanag sa himpapawid at di namalayan na napalapit ako sa gilid ng bangin at tuluyang nahulog muli.

Nagising ako sa liwanag galing sa aking bintana. Hindi umuulan ngayong araw pero hindi rin ako mapakali. Hinid rin umulan sa mga sumunod na araw ngunit nagpatuloy ang aking  mga panaginip pero hindi ko muling nakita ang lalaki at tanawin sa kagubatan, palagi lang akong nabubulag ng liwanag at patuloy na nahuhulog sa bangin ng paulit-ulit.

Lumipas ang ilang linggo, sa isang gabi ay nagbago ang aking panaginip, sa pagkakataong ito ay mahalumigmig ang paligid na may madidilim na ulap na tinatakpan ang langit. Katulad ng dati ay pinuntahan ko ang puno sa may bangin at mula sa ilang distansya ay nakikita ko na ang napakagandang tanawin na nakikita lamang kapag natatakpan ang araw at sa tabi ng puno ay yung lalaking hinahanap ko. Pareho pa rin ang hitsura niya sa naalala ko subalit sa pagkakataong ito ay hindi na siya nakangiti, at ang mga mata niya'y puno ng luha. Sa muli ay sinubukan niyang buksan ang kanyang mga labi para magsalita ngunit katulad ng dati ay nahulog na ako bago pa lumabas ang mga salita sa kanyang bibig. 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 10, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Tuwing UmuulanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon