Saludo Ako Sa'yo

71 2 0
                                    

Ang buhay ng isang panganay. Ikaw ang unang pinanganak. Syempre sa'yo lahat ang bago tapos hindi mawawala ang tampo ni pangalawang kapatid hanggang sa bunso. Minsan masasabi pa nila, "lagi na lang pinaglumaan ni ate/kuya ang napupunta sakin." Pero minsan hindi rin sila matitiis ng mga magulang kaya hangga't kaya bibilhan nila ng bago. Pero ang pinupunto nito, alam mo ba ang mga karanasan bilang isang panganay? O minsan kilala pa sa tawag na breadwinner? Isa ka ba sa kanila?

Ang mga ngiti nila, ang mga tawa, ang mga halakhak na minsan nilang pinapakita ay hindi mo mahahalatang isang malaking pagkukunwari. Alam mo ba ang hirap ng pagiging isang panganay?

Akala mo ba napakasarap ng kinakain nila kapag nagtatrabaho sila? Akala mo ba nabibili niya ang mga gusto niya kahit may trabaho na siya? Ang akala mo ba nagagawa niya pang gawin ang mga gusto niya? Pwes, maaaring hindi. Maaari ring oo.

Yung tipong mapapadaan sila sa harap ng isang fastfood, gustuhin man nilang pumasok at kumain dun ay hindi nila magawa. Alam mo kung bakit? Kasi iniisip niya, "ako kakain dito? Tapos yung mga kapatid ko..." Mapapayuko na lang siya at mapapailing. Kung tutuusin kayang-kaya niya kumain dun pero dahil naiisip niya ang mga kapatid niya... hindi na niya tinuloy. Isa pa yung tipong, may manghihiram sa'yo ng pera. Akala nila ang laki ng sahod mo pero sa totoo lang kulang na kulang pa sa'yo yun. Kulang pa sa pamilya mo yun. Gustuhin mo man silang pahiramin pero wala kang magawa kundi humingi ng pasensya sa kanila. Minsan mapapaisip ka pa na, sumama kaya ang loob nila nung hindi ko sila napahiram? Maiisip mo rin minsan na, "ako pa ba ang masama? Wala talaga akong mapahiram kasi nagpadala ako sa nanay, sa mga kapatid ko. Sana naintindihan nila ako." Hanggang sa naramdaman mo na lang ang paggulong ng mga luha mo sa pisngi mo. Sa iyak mo na lang dinadaan... at sa dasal.

Wala ka namang ibang lalapitan e. Kapag wala ka na talagang sandalan. Wala ka namang ibang hihingan ng tulong kundi Siya lang.

Karamihan sa mga panganay, mag-aasawa na lang na ang akala nila ay malaking solusyon sa problema nila. Ngayon, ang responsibilidad ng panganay ay napasa sa pangalawa. Ganun din kapag nag-asawa ang pangalawa. Ipapasa na lang sa susunod. Minsan sa hirap din ng buhay, pero alam mo bilib din ako sa mga taong nagtagumpay sa kabila ng lahat ng pagsubok. Bilib ako sa kanila. Saludo ako.

May nagsabi rin sakin niyan. Marami na. Bilib daw sila sakin kasi nakakaya kong gawin ang mga bagay na to para sa pamilya ko. Napapangiti na lang ako at napapailing. "Kung alam niyo lang ang pinagdadaanan ko... kung alam niyo lang... mahirap. Sobra. Ang hirap." Tapos minsan darating ang gabi, iiyak na lang ako. Iiyak. Iiyak nang iiyak. Sa umaga lagi akong masaya. Lagi akong nakatawa kahit na corny na ang mga jokes nila. Yun lang ang paraan para kahit papaano mawala sa isip ko ang mga problema. But at the end of the day, bago ako matulog magsisimula nang pumatak ang mga luha ko. Dun ko na ibubuhos lahat.

Ang mga unan at kumot ko lang ang nakakasaksi ng bawat paghikbi ko at tanging isang nilalang lang ang pinagsasabihan ko ng lahat ng dinadala ko. Walang iba kundi si Kristo.

© KaloyHeartKakay 2014

Saludo Ako Sa'yoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon