Aaaaaaaaaah!
Napatalon ako sa malakas na dagundong ng kidlat. Mukhang hindi nakikisama ang panahon sa aking kaligayahan. Halos hindi ko na marinig ang musika ng mga dambana at ang masayang awit sa koro. Hindi bale na, ito pa rin ang pinakamasayang araw sa buhay ko.
Sabik na sabik na ako. Halos hindi ko na mapigilang tumakbo papunta ng altar, kung hindi lang sana ako natatakot na sumalpok sa sahig dahil sa mahaba kong trahe de boda. Nakahihiya naman sa mga bisita
Pinanood ko sina Ineng, Iday, at Neneng na masisiglang inihahagis sa ere ang mga makukulay na talutot ng mga paborito kong bulaklak. Namangha ako sa ganda ng nakikita ko. Hinanap ko kaagad sa hilera ng mga upuan si Ina at sina Aling Coring at ng kanyang asawang si Manong Titing na magiging bahagi na ng aking pamilya. Binati nila ako ng kanilang mga maiinit na ngiti. Subalit, nagtaka ako sa bakanteng upuang katabi ni Manong Titing, wala pa rin siya.
Oo, kahit kalian, hindi ko pa nakikilala ang nakababatang kapatid ng aking mapangangasawa. May mga sabi-sabing galit daw siya sa kanyang kapatid sa pag-agaw nito sa kanyang dating nobya. Pinagbiyak na bunga daw kasi silang dalawa, ngunit, higit na may hitsura ang nakatatanda.
Nakita ko sa kabilang dulo ng pasilyo ang iyong nagniningning na mukha. Namula ang aking pisngi at hindi ko napigilang ngumiti rin sa iyo. Napuno ako ng emosyong hindi ko mailarawan. Para akong nakasakay sa isang malambot na ulap sa paraiso ng panaginip at nakakita ng mga lumilipad na anghel. Maaliwalas ang paligid kahit na makulimlim sa labas. Napaliligiran din ako ng mga kumikinang na bula na bumubulong sa aking tainga. Ewan, nababaliw na ata ako sa kaligayahan.
Dahan-dahan kong binagtas ang munting pasilyo. Naiinip na ako. Bakit ba kasi ang bagal-bagal ng musika at kakarampot ang mga hakbang ni Ama. Hay, minamahal ko, kaunting pasensiya lang ha? Malapit na ako.
Hababang binabagtas ko ang munting pasilyo, lumipad ang aking isipan sa unang araw ng ating pagkikita; ang unang araw na nahulog ako sa iyo -ang araw na niligtas mo ako sa sukdulang kadiliman ng aking pagluluksa sa kamatayan ng aking matalik na kaibigan.
Naputol ang aking pag-iisip nang maabot ko na ang altar, inalalayan mo ako ngunit nagtagpo ang aking mga kilay at kumunot ang noo ko. Wala. Bakit ganon? Nasaan na ang kiliti mo sa akin tuwing hinahawakan mo ako?
Naputol ang pagmumuni-muni ko nang tinanong ako ng paring mag-iisang dibdib sa atin. Ibinuka ko ang bibig ko ngunit walang salitang lumabas. Pinisil mo ang kamay ko at nabuhayan ako ng loob.
"Opo, Father, tinatanggap..."
"Itigil ang kasal!"
Napalignon ako sa pintuan ng simbahan at natulala sa aking nakita. Doon sa may bungad ng pintuan nakatayo ang isang lalaking suot ang isang barong tagalog, basang-basa sa ulan, hinihingal; taglay ang mukha mo.