LOST AMIDST DREAM AND REALITY
January 12, 2017
Malamyang bumangon si Rainsleth dahil sa nanunuyong lalamunan. Tahimik na ang paligid ngunit nababasag ito sa bawat pagtipa ng kamay ng orasan.
Pumipikit-pikit siyang nagtungo sa kusina. Binuksan ang ilaw at nagsalin ng isang baso ng tubig. Pikit-mata niya pang nilagok ang laman niyon. Ngunit agad ding napadilat nang magsitayuan ang mga balahibo niya sa batok.
Nanlalamig pa ang bahaging iyon kahit nakalugay naman ang kanyang buhok.
Marahas niyang iwinaksi sa balintataw ang mga guni-guning nagsisimula nang maglabasan sa madidilim na parte ng kusina. Pilit nilalabanan ang takot sa pamamagitan ng pag-iisip ng mga nakakat'wang bagay. Dahil ang sobrang pag-iisip daw ng mga bagay-bagay ang lumilikha niyon.
Matapos makaubos ng dalawang baso ng tubig, inilapag niya na sa mesa ang basong ginamit. Hindi alintana ang panginginig ng kamay.
Dali-daling pinatay ni Rain ang ilaw bago lumabas sa kusina. Tanging liwanag na lamang na nagmumula sa labas ng bahay ang nagsilbi niyang ilaw.
Papalapit na siya sa kuwarto nang makarinig siya ng matinis na tunog. Tunog ng isang babasaging bagay na humalik sa semento at agad nawasak. Natigil ang kanyang paghakbang at nilingon ang pinanggalingan niyon.
Kumawala ang mahinang singhap sa bibig ni Rain. Kinilabutan at nanlamig ang buo niyang katawan, kasabay ng paglakas ng tahip sa kanyang dibdib dahil sa nakita.
Sandali siyang naestatwa sa kinatatayuan at nag-isip kung ano ang dapat gawin. Pero naisip niya na baka dumating lang ang kanyang kuya at sa kusina dumaan kaya nakabukas na ang ilaw roon.
"K-kuya Reuben? Ikaw ba 'yan?" Bakas ang nginig sa boses ng dalaga. Bumibilis na rin ang kanyang paghinga.
Ilang sandali siyang naghintay. Pero lumipas na yata ang isang minuto, wala pa ring sumagot sa kanyang tanong. Wala ring kahit katiting na ingay mula sa kusina. Kaya mas lalong nadagdagan ang kunot sa kanyang noo.
"M-may tao ba r'yan?" Humakbang siya nang dahan-dahan pabalik sa pinanggalingan.
Hindi siya takot sa multo dahil mas takot siya sa buhay, lalong-lalo na sa masasamang tao. Pero paano na lang kung magnanakaw ang may likha ng ingay na iyon? Dalawa lang sila ng kapatid niya na nakatira sa bahay. At hindi niya alam kung nakauwi na ba ito galing sa trabaho.
Sinubukan niyang maghanap ng bagay na pwedeng ihampas sa kung sino man ang pangahas na nanloob. Nagliwaliw ang kanyang paningin sa kabuuan ng sala hanggang sa dumapo ito sa isang may kalakihang vase. Dali-dali niyang kinuha iyon nang walang nililikhang tunog. Saka siya humakbang muli nang paunti-unti. Subalit, isang pangyayari ang hindi niya inaasahan...