“Lahat ay hindi mapanatag at nalulungkot dahil sa pagkakasakit ni Maria Clara. Tumawag na ng doktor si Kapitan Tyago at ngayon ay kasalukuyang pinagpipilian nila ni Tiya Isabel kung saan maglilimos: sa Krus ng Tunasan na himalang lumaki, o sa Krus na Matahong na nagpapawis. Sa bandang huli ay napagpasyahan ng dalawa na parehong lumisan ang mga ito upang gumaling kaagad si Maria Clara. Dumating na ang doktor na si Tiburcio de Espadana at ang kanyang maybahay na si Victorina. Nagmiryenda muna ang mag-asawa bago tingnan ng 'doktor' ang kalagayan ni Maria. Kasama rin nila ang kamag-anak na si Linares na dumating pa mula sa Espanya. Kasunod nilang dumating si Padre Salvi at ipinakilala ng mag-asawa si Linares, nag-aaral ng pagka-manananggol sa Espanya at pamangkin ni Don Tiburcio. (Dumating ito sa Pilipinas sa gastos na rin ni Donya Victorina.) Nabanggit ni Kapitan Tyago na kadadalaw lamang ng Kapitan Heneral sa kanilang tahanan. Lubos na nanghinayang ang ambisyosang ginang at nahiling na sana ay nuon pa nagkasakit si Maria Clara disin sana ay nakadaupang palad nila ang Heneral. Hinanap naman ni Linares si Padre Damaso kay Padre Salvi, upang ibigay ang hatid niyang sulat mula sa Espanya. Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay pinuntahan nila si Maria na binabantayan ng mga kaibigan nito. Sinimulang eksaminin ng doktor si Maria at sinabing maysakit nga ito. Inirekomendang igamot kay Maria ang liquen at gatas, Jarabe de altea at dalawang pildoras de Cinaglosa. Si Linares naman ay natulala at nabighani ng husto kay Maria, na ipinakilala naman ni Victorina sa dalaga. Tila nagising pa si Linares sa pagkatulala ng ibinalita ni Padre Salvi na dumating na si Padre Damaso. Ang Pari ay hindi pa lubusang magaling ngunit inuna nitong gawin ang pagdalaw kay Maria Clara. Ating ilarawan si Donya Victorina, na napagkakamalang isang Orofea at may gulang na 45. Ikinakaila nito ang tunay na edad, bagkus ay sinasabing siya ay 32 taong gulang lamang. Noong kabataan ng Donya ay masasabi rin na maganda ito ngunit pangarp na nito talagang makapangasawa ng isang mayamang dayuhan. Sa pamamagitan nito, siya ay mapapabilang sa alta-sosyedad at titingalain din ng karamihan. Sa kasamaang palad, napangasawa niya ay isang mahirap pa sa daga na Kastila, si Tiburcio. Sa edad nitong 35, higit pa itong matandang tingnan kaysa kay Donya Victorina. Ito ay isang maralita at mal-edukadong taga-Espanya na itinaboy ng kanyang mga kababayan sa Extremadura at naging palaboy, hanggang mapadpad siya sa Pilipinas sakay ng barkong Salvadora. Sapagkat hindi naman sanay sa byahe, labis siyang nahilo at nahirapan sa kanyang paglalayag. Nabalian pa siya ng paa. Ika-15 araw na niya mula ng dumating sa Pilipinas ng siya ay natanggap sa trabaho dahil na rin sa mga kapwa Kastilang kanyang nakapalagayang-loob. Pinayuhan din siya ng mga ito na magpanggap na lamang na mediko sa mga nayon na ang tanging puhuhan ay ang kanyang pagiging Kastila. Dahil sa ala naman siyang alam sa anumang propesyon, at hindi naman din siya nakapag-aral, lakas loob na lamang siya na nagpanggap na doktor sa nayon. Ang totoo, dati lang siyang tagalinis at tagapagpa-baga ng mga painitan sa pagamutan ng San Carlos sa Espanya. Ngunit pagdating sa Pilipinas, naging ganap siyang isang doktor dahil na rin sa katangahan at tiwala ng mga Indiyo. Nagsimula sa mababang paniningil hanggang sa tumaas ng tumaas at naging kakompetensya pa niya ang mga totoong doktor. Nagalit ang mga ito at isinumbong sa Protomediko de Manila. Napilitan siyang tumigil sa panggagamot at nawalan na rin siya ng pasyente. Ngunit nakilala naman niya si Donya Victorina at sila ay nagpakasal. Pagkatapos ng kasal, lumipat sila sa bayan ng Sta Ana upang idaos ang kanilang pulu't-gata, at upang duon na rin manirahan. Si Donya Victorina rin ang sumuporta sa kanyang asawa, ibinahay, binihisan at ibinili pa ng mga karwahe. Ang kanyang pangalan ay ginawang Victorina delos Reyes de Espanada. Binago na rin niya ang kanyang anyo upang maging mukhang taga-Europa. Kinulayan nito ang mukha at nagpalamuti sa katawan. Makalipas ang ilang buwan, siya kuno ay naglilihi at kailangan pa sa Espanya manganak upang hindi matawag na rebolusyunaryo ang kanyang anak. Ngunit walang panganganak na nangyari sapagkat ang Donya ay hindi naman talaga buntis. Lumapit na rin siya sa mga hilot at manggagamot ngunit walang nangyari. Kung kaya't walang nangyari sa ambisyon na makapunta sa Espanya ang ginang bagkus ay manatili sa tinubuang lupa, na kung tawagin niya ay "lupain ng mga salbahe". Wala rin siyang tiwala sa mga kapwa Pilipino kung kaya't humirang pa siya ng Kastilang taga-pangasiwa ng kanyang mga ari-arian. Sa pagkabigo ng kanyang pangarap ay pinagbuntunan ng ginang ang kanyang asawa, na pumapayag naman maging andres de saya at taga-salo ng alburuto ng asawa. Mas mabuti na ang ganong kalagayan kaysa naman ang mamalimos sa kalye. Inuutus-utusan din niya ito at may mga pagkakataon na sinasaktan niya ito ng pisikal, na tinatanggap na lamang ng lalaki. Pati ang kapritso ng ginang na magpagawa ng karatulang marmol na may nakaukit na: DOCTOR DE ESPADAÑA, ESPECIALISTA EN TODA CLASE DE ENFERMEDADES. Walang nagawa ang lalaki kahit labag sa kalooban nito na ianunsyo sa publiko na siya nga ay isang manggagamot, sapagkat siya nga ay nagpapanggap lamang.”
Read more about Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 42 Ang Mag-asawang De Espadana « Noli Me Tangere on:
http://noli-me-tangere.com/buod-ng-noli-me-tangere-kabanata-42-ang-mag-asawang-de-espadana/?utm_source=INK&utm_medium=copy&utm_campaign=share&