Gumayak para pumasok sa eskwela. Naglakad patungo sa sakayan sa kanto. Tumayo sa gilid ng kalsada at saka kumaway para parahin ang paparating na dyip. Sinilip at sinuri kung masikip na o maluwag pa, sapat na ba upang makaupo pa siya? Apat na lalaki at tatlong babae. Ayos, pwede pa naman, sa isip niya at saka dahan- dahan na humakbang sa mga hagdan ng dyip at sa wakas ay nakaupo na rin siya sa bandang dulo, sa likod ng drayber. Pagka- upo ay nagpatuloy sa pag- usad ang dyip. Sa hindi kalayuan ay may muling pumara at sumakay. Isang lalaki. Naka- unipormeng puti, makinis ang mukha at maganda ang tindig. Naupo mismo ang lalaki sa tapat niya. Hindi niya maiwasan na hindi tumingin. Patango- tango ang ulo ang lalaki, sabay sa kumpas ng kamay na nasa hita at bahagya ding bumubuka ang bibig. Minamasid niya dahil ang buong akala niya ay may nakasalpak na earphones sa tainga. Siguro ay nakikinig sa tugtugin o hindi naman kaya ay may kausap sa cellphone. Hindi niya makita sa kanang tainga ang kanina pang hinahanap na earphones. Malamang ay nasa kaliwang tainga lamang ito. Maya- maya pa ay bumaling sa kanan ang lalaki at saka ngumiti. Akala niya ay para sa kanya ang ngiting iyon pero nagkamali siya. Nakatanaw sa kawalan ang lalaki habang naka- ngiti, tila ba may iniisip o biglang naalala. Sinilayan rin niya ng bahagya ang direksyon kung saan nakatanaw ang lalaki at binalikan niya ito ng tingin nang mapansin na wala ding nakasalpak na earphones sa kaliwang tainga. Sa pagkakataong ito ay patango- tango pa din ang ulo ang lalaki, sabay sa kumpas ng kamay na nasa hita at pagbuka ng bibig. Nagsasalita pero walang tunog na lumalabas mula sa kanyang bibig at ang mas malala pa ay napalitan na ng tawa ang kaninang ngiti. Nagtaka na siya. Ang paghanga ay napalitan ng pagtataka at pagdududa. Tumigil na siya sa pagsulyap. Ilang minuto pa ang makalipas ay may narinig siyang boses na nagsasabing, “Para po manong, dyan lang po sa tabi.” Lumingon at hinanap kung sino ang nagsambit ng mga salitang iyon. Ang lalaki. Ang lalaking nagsasalita at tumatawa mag- isa. Ang lalaki na kanina lamang ay ayaw niyang tantanan ng tingin. Oo, ang lalaki ngang iyon ang pumapara ngayon sa umaandar na dyip na sinasakyan nila. Titigil ang dyip sa tapat ng isang hospital at akmang tatayo ang lalaki. Nagulat na lamang ang lahat ng pasahero pati na din ang drayber nang lundagin pababa mula sa kinauupuan nito kanina ang paglabas sa dyip. Nagkatinginan ang mga pasahero. May halong pagtataka at katatawanan ang kanilang naramdaman. “Confirmed,” ang tanging nasambit niya.