Palagi kong naririnig ang ingay na ginagawa ng aming papag; sa t'wing gabi'y nagsisilbi itong oyayi sa akong tainga. Nagsisilbi naman itong pang gising sa akin sa twing umaga, paalalang kailangan ko ng bumangon sapagkat papasok na. Parati ko itong naririnig, nagsilbi ng musika sa aking pandinig. Ngiiiiiitt.. Ngiiiiiiiiiiiiiiiiit. Yan ang kanyang langitngit.
Isang umaga, bago ako pumasok sa paaralan, ay hinagkan at niyakap ko si Itay at si Inay. Pagkakuwa'y tumambad sa akin ang nakangiti nilang mga labi. Ramdam ko ang init ng pagmamahalan sa loob ng maliit na espasyong tinatawag kong tahanan. Maaliwalas ang aking mukha habang patungo sa paaralan pagkat baon ko'y halik ni inay at yakap ni itay, pagmamahal ng dalawang taong kailangan ko sa aking buhay.
"Mahal, mag-ingat ka sa muli mong pag-alis. Gabayan ka nawa ng Mahabaging Ama." paalala ni Inay kay Itay.
"Oo, mahal. Pangako, dadalhan ko kayo ni Niña ng pasalubong mamayang gabi." sagot ni Itay at hinalikan sa pisngi si Inay.
Isang responsableng ama si Itay. Hindi niya kami pinagkukulang ni Inay. Pinansyal man o pagmamahal. Ni minsan ay di ko narinig na nag-away sila ni Inay o nakita man lang na nag-away sa harap ko. Minsan nga pag may problema ang iba naming kapitbahay ay tumutulong siya. Lagi nya iyong sinasabi sa akin na huwag tanggihan ang mga taong nangangailangan, hindi dahil sa may makukuha kang kapalit o kung ano mang bagay, ngunit dahil ang pagtulong sa kapwa ay ang natatanging bagay na hindi kayang tumbasan ng materyal. Yan si Itay.
Si Inay naman ay istrikto ngunit kung titignan ay isa siyang mabuting may-bahay kay Itay at ina sa akin. Hindi niya kami tinitipid sa pag-aaruga at asikaso. Maituturing kong isa siyang ulira, isang dakilang ina. Wala siyang bisyo o anumang maikakasama sa katawan kaya gayahin ko daw dapat siya.\
Tanghaling tapat, maalinsangan ang paligid. Tulala at tila ang isip ay lumilipad, habang naghuhugas si Inay ay di niya namalayang dumulas sa kanyang pagkakahawak ang isang pinggan, at ang dugo'y walang habas sa paglabas mula sa kanyang kamay. "Dyos ko!" sambit ng kanyang mga labi dahil sa pagkagulat.
Papagabi na at nakauwi na rin ako sa aming tahanan. Inabot ko ang kamay ni Inay at hinagkan. Masaya ako.. Masayang masaya dahil sabi ni Inay ay may pasalubong daw si Itay. Sabik na ako sa kanyang pagbabalik. Subalit ang oras ay lumilipas, unti-unting nagtatago ang araw at ganap nang pinalitan ng buwan. Nais ko sanang hintayin si Itay ngunit hindi na kaya ng aking mga mata, kaya't sa aming papag ay tuluyan na akong humimlay..
Nakakapanibago. Hindi ako sanay na hindi katabi si Inay. Ibang musika rin ang narinig ko sa aming tahanan, mga yabag ni Inay. Palalim na ng palalim ang gabi ngunit hindi ko pa din naririnig ang paborito kong musika. Isa pang kakaiba ay hindi umuulan ngunit ramdam kong may tubig na tumutulo sa aking mukha.
Tiktilaaaooooooooook! Manok ang gumising sa akin ngayong umaga. Namaos na nga ba ang aming papag?
"Inaaaay... Inaaaaay..." Wala siya sa kusina ngunit ang naroon ay ang aking tiya.
"Naroon siya sa labas, Niña." Sagot ni Tiya habang hawak ang isang basong tubig. Nanlalaki ang itim sa ilalim ng kanyang mata, mistulang napuyat, ngunit bakit?
"Bakit ho madaming tao sa labas?" nagtataka ako. Mistulang may pagpupulong na nagaganap sa labas ng aming kubo.
Paglabas ko ay nakita ko si Inay na may dalang serbesa. Noon ko langang siya nakitang ganoon. "Inay, nasaan po si Itay?" Mukha siyang wala sa sarili. Namumutla at tila walang buhay.
"Naroon." kasabay nang pagturo sa sulok katabi ng haligi ng kanilang kubo. "Gumawa na sya ng sarili nyang papag." at lumagok ng hawak niyang serbesa.
Tinignan ko ang kanyang itinuro. Naroon ang isang puting papag. Papag na tahimik at mapayapa, at doo'y nakahiga si Itay. Di ko napigilang bumugos ang ulan mula sa aking mga mata. "Itaaaaaaaay!"
"Napakabuti ng Itay mo, Niña. Napakabuti. Isang pasahero niya and tinitukan ng patalim at ipinagtanggol nya ito. Sadyang napakabayani niya." Kwento ng tiya ko.
"Itaaaaaaaaaaaaaaay!" kung alam ko langsana ay niyakap ko na siya ng mahigpit kahapon at di na pinakawalan pa. Wala na ang aking Itay. Wala na.
Maggagabi na at kailangan ko ng aruga ng isang ina ngunit si Inay ay tila walang buhay. Sa bisig na lamang ng papag ako humimlay. Hindi ko na muling maririnig pa ang paborito kong musika. Ang oyayi ko sa gabi at pampagising ko sa umaga. Ang langitngit ng aming papag. Ang langitngit ng papag sa twing si Itay ay hiiga na sa aking tabi at sa twing siya ay babangon upang magtrabahong muli. Ang ulan na naramdaman kong pumatak sa akin kagabi ay ulan mula sa mata ni Inay. Senyales na hindi ko na maririnig muli ang paborito kong musika. Wala na si Itay..